Isalig ang rebolusyonaryong lakas sa hanay ng batayang masa!
Binabati ng pamunuan ng Katipunan ng mga Gurong Makabayan (KAGUMA) sa ika-55 na anibersaryo ng ating rebolusyonaryong kilusan ang lahat ng kasapi nito na binubuo ng mga rebolusyonaryong guro, kawani sa edukasyon at estudyante sa pagkaguro!
Sa nakalipas na limampu’t limang taon, patuloy tayong kumikilos para palakasin ang pakikibaka ng mga guro, kawani, at estudyante sa pagkaguro na iniuugnay natin sa anti-imperyalista, anti-burukrata kapitalista at anti-pyudal na pakikibaka ng mamamayan. Kasabay ng gawaing masa, patuloy nating tinanganan ang partikular nating tungkulin sa ikalawang kilusang propaganda na mag-eduka at magpalaganap ng pagsusuri ng pambansang demokrasya mula sa napapanahong usapin sa edukasyon at bansa hanggang sa katangian ng lipunan tungo sa pagpapalaganap ng demokratikong rebolusyong bayan bilang alternatiba sa kasalukuyang bulok na sistema. Dahil dito, inabot ng ating rebolusyonaryong organisasyon ang pambansang saklaw at napalakas ang ating impluwensya sa kapuluan.
Sa kasalukuyan, nakikita natin sa ating mga mata ang katumpakan ng pagsusuri ng dakilang rebolusyonaryong guro na si Vladimir Lenin kaugnay ng imperyalismo. Ang imperyalismo ang huli at nabubulok na yugto ng kapitalismo kung saan tumungo na sa monopolyo kapitalismong sistema. Ngayon ay dumating na naman sa yugto kung saan nasagad ng mga monopolyo-kapitalista ang kanilang ekonomiyang saklaw at nahaharap na naman sa krisis ng kapitalismo. Hindi sila nasasapatan sa kung anong mayroon sila pagkat ang lohika ng kapitalismo ay magkamal nang magkamal ng napakalaking tubo. Itinutulak ng ganitong lohika ‘ika nga ni Lenin ang redibisyon ng dagdig upang magbukas ng panibagong pagkukunan ng hilaw na materyales, paglalagakan ng kapital at merkado. Nasasaksihan natin ito sa imperyalistang gera ng US-Israel sa Iran, sa iba pang bahagi ng kanlurang Asya at daigdig. Interes ng US-Israel na panghawakan ang langis ng Iran at ng iba pang karatig na bansa nang sa ganoon ay estratehikong ilagak ang sarili sa kanlurang Asya. Sa apat na kontradiksyon ng imperyalismo, nananaig sa kasalukuyan ang kontradiksyon sa pagitan ng mga imperyalistang bayan.
Sa ganitong pangyayari, tungkulin natin bilang rebolusyonaryong kilusang guro na ipaliwanag ang nagaganap sa daigdig at kung paano nito naaapektuhan ang ating bayan na nakatali ang ekonomiya, pulitika at kultura sa imperyalistang US. Kailangan nating ilantad ang kabulukan ng mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunang nagsisilbi sa imperyalistang US, burukrata-kapitalista at mga panginoong may lupa. Kailangan nating ituro ang mga kagyat at pangmatagalang solusyon sa krisis. Saklot tayo ng krisis dahil sa pagsirit ng presyo ng langis dulot ng gerang agresyon, at inaasahang patuloy pang mahihirapan dahil hindi pa ito ang kasukdulan ng epekto ng gera sa ating bayan. Inaasahang patuloy na tataas ang presyo ng mga bilihin na hindi na natin kayang abutin dahil sa napakababang sahod ng mga manggagawa at mga empleyado. Malaki ang posibilidad na magkaroon ng malawakang tanggalan dulot ng pagbagal ng produksyon o lubusang pagtigil ng produksyon at maaaring marami ang umuwing mga OFWs dahil sa resesyon sa ibayong dagat. Malaki rin ang maaaring epekto nito sa edukasyon, lalong hindi matutugunan ang mga dati nang pangangailangan na mga gusali, upuan, libro at mga guro.
Maaaring lumaki ang bilang ng mga estudyanteng hihinto sa pag-aaral dahil hindi na matustusan ng kanilang mga pamilya. Ang mga guro naman ay hindi na magkakandaugaga sa paghahanap ng dagdag kita labas pagtuturo upang punan ang kakapusan ng kanilang mga sweldo. Tanging ang mga monopolyo-kapitalista sa langis lamang ang nakikinabang sa ganitong sitwasyon gayundin ang mga malaking burgesya komprador na kasapakat nila sa Pilipinas.
Kinakalampag na ng mamamayan ang estado na ibasura ang Oil Deregulation Law at tanggalin ang excise tax at VAT sa lahat ng pangunahing bilihin bilang kagyat na solusyon. Tama lamang ang kanilang panawagan na ibasura na ang mga neoliberalismong patakaran sa ekonomiya at serbisyo. Upang maisakatuparan ito, nararapat na pabagsakin na ang kasalukuyang gobyernong pinaghaharian ng burukrata-kapitalista at itayo ang gobyerno ng mamamayan. Sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan lamang makahuhulagpos ang bayan mula sa pagkakabihag sa imperyalistang gera at krisis.
Sa ganitong pamamaraan lamang maitatayo ang tunay na nagsasariling ekonomiya na nakabatay sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisayon; sa ganitong pamamaraan lamang tayo ganap na magiging malayang bayan na nakabatay sa nagsasariling patakarang panlabas. Tanging rebolusyon lamang ang magwawakas ng kronikong krisis na ating nararanasan.
Gawin nating paaralan ang buong lipunan. Lumabas tayo sa apat na sulok ng ating mga silid-aralan, ilapat natin ang pambansang demokratikong linya sa aktwal na buhay ng mga mamamayan. Makipagaralan tayo sa kapwa guro, kawani at estudyante sa pagkaguro; makipag-aralan tayo sa mga maralitang tagalunsod, sa mga tsuper, manggagawa at magsasaka — Sabay-sabay nating ituro at tanganan ang landas ng demokratikong rebolusyong bayan at ang mga programa nito.
Magagawa natin ito kung mapangibabawan natin ang mga natukoy nating mga kahinaan sa gawaing masa, gawaing propaganda at gawaing pagsisiyasat sa pamamagitan ng patuloy na pag-aaral ng mga rebolusyonaryong teorya, pambansang demokratikong patakaran at programa. Nasa pagsalig sa masang guro at masang inaapi ang daan tungo sa pagwawasto at pagsulong.
Mga kapwa ko guro, kawani sa edukasyon at estudyante sa pagkaguro — isalig natin ang ating lakas sa aping mamamayan upang iabante ang digmang bayan. Paglingkuran natin ang sambayanan, sumapi tayo sa hukbong bayan!
Mabuhay ang rebolusyonaryong guro!
Mabuhay ang ika-55 anibersaryo ng KAGUMA!
Itigil ang imperyalistang gera ng US-Israel sa Iran!
Sagot sa krisis at kahirapan, digmang bayan!
Isulong ang pambansang demokratikong rebolusyon!