Isang aspeto lamang ang tinutugunan ng AFP modernization sa problema sa West Philippine Sea

,


Hindi simpleng usapin ang problema sa West Philippine Sea (WPS). Inianak ito ng mahabang panahong pagpapakontrol ng Pilipinas sa mga dayuhang kapangyarihan, pang-ekonomiko at pulitiko-militar na ribalan sa pagitan ng mga imperyalistang bansa at ng magkakatunggaling interes ng iba’t ibang nasyon sa Asya-Pasipiko at ng makakapangyarihang bansa. Taliwas sa ibinebentang ideya ng AFP at rehimeng US-Marcos Jr., hindi sapat ang modernisasyon ng kagamitang pandigma para masolusyunan ang problema sa soberanya ng Pilipinas. Ipinoprontera lamang nila ang hakbanging ito upang pagtakpan ang pagiging inutil ng reaksyunaryong gubyerno sa harap ng naturang suliranin.

Bagamat isang kinakailangang aspeto ang kahandaan at kakayahan ng pwersang pananggol ng bansa laban sa tumitinding agresyon ng Tsina sa pinag-aagawang WPS, maraming sala-salabat na usaping pang-ekonomiko at pulitiko-militar ang dapat sana’y tinututukan ng gubyerno sa pagprotekta ng teritoryo ng Pilipinas. Isa na rito ang pangangailangan ng isang nagsasariling patakarang panlabas sa larangan man ng ekonomya, pulitika o militar. Hanggat nagmamatigas ang estado na magpakapapet sa mga dayuhang bansang tulad ng US o Tsina sa mga usapin sa ekonomya, pulitika at militar, lagi’t laging maiipit ang Pilipinas sa nagbabanggaang interes ng mga ito.

Ngayon halimbawa, hindi makagawa ng makabuluhang hakbangin ang rehimeng US-Marcos Jr. laban sa Tsina dahil marami sa mga pamumuhunan at pautang na inaasahan nito ay mula sa naturang bansa. Nagpapakasapat ito sa suportang tatanggapin umano mula sa US samantalang sa katotohanan, ang mahigpit na ugnayan ng US at Pilipinas ang isa sa mga mayor na dahilan kung bakit lalong nailalagay sa panganib ang bansa. Nasa interes ng US na manghimasok sa usapin ng WPS dahil nangungunang karibal nito sa Tsina. Ang papalaking presensya naman ng US sa Pilipinas ay nakikitang dahilan ng Tsina upang patindihin ang agresyon nito sa WPS.

Ngunit hindi magiging posible ang isang tunay na nagsasariling patakarang panlabas hanggat hindi kumpleto ang pundasyon ng isang matatag na bansang kayang tumayo sa sariling paa. Susi rito ang pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon, pagtitiyak ng progresibong programang panlipunan at iba pa. Mga bagay na matagal na ring tinatanggihang gawin ng inutil na estado sa kagustuhang panatilihin ang kasalukuyang sistema.

Ang kawalan ng mga pundasyong ito na siyang kritikal para epektibong maipagtanggol ang soberanya ng bansa ay tuwirang resulta ng kabulukan ng lipunang malakolonyal at malapyudal. Hanggat nananatili ang ganitong kairalan, hindi kailanman makakaasa ang bansa na lumaya mula sa panghihimasok at kontrol ng mga dayuhang kapangyarihan. Gaanuman karami at kamoderno ang armas na bilhin ng AFP, hindi ito sapat para solusyunan ang problemang bunga ng nagnanaknak na sistema. Samakatwid, ang pinakakomprehensibo at pangmatagalang paraan upang lubusang maipagtanggol ang soberanya ng bansa ay nakasalalay sa pagwasak ng umiiral na sistema at ang pagpupundar ng panibago. Tanging sa pamamagitan lamang nito makakamit ang tunay na pambansang kalayaan at demokrasya.

Isang aspeto lamang ang tinutugunan ng AFP modernization sa problema sa West Philippine Sea