Isigaw muli ang panawagan ng mga makabayang guro noong EDSA: Makibaka, huwag matakot! Digmang bayan laban sa papet, pahirap at korap na rehimeng Marcos!
Malaki ang naging papel ng mga rebolusyonaryong pwersa sa Pag-aalsang EDSA noong 1986. Ang mga aktibistang napakilos noong Sigwa ng Unang Kuwarto (FQS) ay naging tagapagtaguyod ng mga malalaking welgang bayan mula 70s hanggang sa EDSA 1986. Kaya isang karangalan sa mga kasapi ng Kaguma na gunitain at ipagpatuloy ang militanteng pagkilos ng mga makabayang guro na nag-ambag sa pagluwal sa EDSA. Sa kasalukuyan, mapaparangalan lamang natin ang mga sakripisyo ng ating mga rebolusyunaryong guro sa pamamagitan ng paglahok sa demokratikong rebolusyong bayan laban sa papet at korap na anak ng mismong diktador na pinatalsik ng taumbayan noong 1986.
Sa pagbabalik ng anak ng diktador sampu ng kanyang pamilya sa Malacañang, nilulubos ng mga magnanakaw na pamilyang Marcos ang pagrerebisa sa malagim na kasaysayan ng batas militar. Pinilit ng Kagawaran ng Edukasyon sa ilalim ng kawatang si Sara Duterte noong 2023 na baguhin ang katawagang “Diktadurang Marcos” tungo sa “Diktadura” sa mga batayang aklat para mabura sa isipan ng mga mag-aaral ang karumal-dumal na krimen ni Marcos, Sr. Nariyan din ang pag-aalis sa mga asignatura sa kasaysayan para maiwasang talakayin ang malagim na yugto ng batas militar sa ating kasaysayan. Naglipana rin sa mga platform ng social media ang mga bayarang influencers sa social media na nagpapakalat ng lisyang kaisipan na ang martial law ni Marcos Sr ay ang “golden years” daw ng Pilipinas. At para tuluyang malusaw sa alaala ng mga mamamayang Pilipino ang madugong alaala ng batas militar ay dineklara ni Marcos, Jr na hindi isang pista opisyal ang Pebrero 25 o Araw ng Paggunita sa EDSA People Power simula ng 2023. Alinsabay sa pagrerebisa sa kasaysayan ay ang pagbabasura ng mga korte sa hindi bababa sa walong kaso ng pandarambong laban sa pamilyang Marcos.
Walang pinag-iba si Marcos Jr sa kanyang diktador na ama. Pilitin man ni Marcos Jr na baguhin ang kanyang imahe at gumawa ng “rebranding“ gamit ang Bagong Pilipinas ay lumilitaw lalo ang kanyang pagiging kawangis ng kanyang amang diktador. Wala tayong tahasang batas militar ngunit andiyan ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na walang habas sa pangliligalig at pag-alimura sa mga aktibista at ang Anti-terror Law na ginagamit ng teroristang estado para supilin ang mga karapatan ng mga mamamayang lumalaban sa papet at pahirap ng rehimeng US-Marcos.
Tulad sa panahon ng batas militar mayroong krisis din ng bigas at seguridad sa pagkain sa ilalim ni Marcos Jr. Sumisirit ang mga presyo hindi lamang ng bigas kundi pati na ang isda, baboy, itlog, manok, at langis. Imbes na lansagin ang salot na Rice Tarrification Law ay pinagpatuloy pa ito ni Marcos Jr. Tulad ng kanyang ama na sunod-sunuran sa mga imperyalistang patakaran ng kanyang among US at mga kolonyal na mga tagapayong pang-ekonomiya, ang tanging solusyon lamang ni Marcos Jr ay mag angkat pa ng mas maraming bigas! Inutil si Marcos Jr na sawatain ang mga kartel at nagmomonopolya sa asukal, langis, at pagkain sapagkat sila ang malaking nag-ambag sa kanyang kampanya sa eleksyon. Ang iba niyang mga kaibigang burges kumprador ay ginantimpalaan niya ng mga posisyon sa gobyerno at binigyan ng malalaking kontrata sa hungkag na Build Better More.
Sa ilalim ng papet na si Marcos Jr patuloy pa rin ang paghari-harian ng militar sa kanayunan laban sa mga organisasyong masa. Sa pagnanais na mabuwag ang rebolusyonaryong pwersa ng mamamayan na ginagabayan ng Partido Komunista ng Pilipinas ay nagbubuhos ang papet na rehimen ni Marcos Jr ng mga bomba galing sa imperyalistang US sa kanayunan. Gamit ang pera at buwis ng taong bayan, namimili ng mga kagamitang pangdigma ang pasistang militar para gamitin sa pagpaslang sa mga sibilyan lalo na ang mga magsasaka. Sa panahon ni Marcos Jr tahasan na ang paglahok ng mga sundalong Amerikano sa operasyong militar at paniniktik sa kanayunan gamit ang mga drones at surveillance airplanes.
Hindi nakaligtas sa kontra-insurhensya ng teroristang estado ni Marcos Jr ang mga gurong progresibo at makabayan. Sila ay walang humpay na tiniktikan, niligalig, dinakip, at binusalan ng pasistang militar katuwang ang NTF-ELCAC. Tinarget nila ang mga lider guro, inalimura ang kailang makabayang paninindigan at sinampahan ng mga gawa-gawang kaso upang gipitin.
Sa harap ng mga hamon na ito at pangliligalig ng mga pasistang militar sa hanay ng mga gurong makabayan ay hindi tayo nagpatinag. Lumawak ang kasapian ng Kaguma at nakapagtatag ng mga bagong selula at balangay sa iba’t ibang mga lokal at batayang antas. Naglunsad din ang Kaguma ng maraming mga pag-aaral upang tumugon sa pagwasawasto ayon sa gabay ng Partido.
Kaya ngayong ika-39 na anibersaryo ng Pag-aalsang EDSA, lalahok ang mga makabayang guro sa mga malawakang pagkilos ng mga progresibo at patriyotikong sektor ng ating lipunan upang buhayin ang diwang palaban at makabayan ng EDSA. Bagama’t nanatili ang sistemang malakolonyal at malapyudal sa ating bayan matapos ang EDSA, malaki ang ambag ng EDSA sa pagpapatalsik sa diktaduryang Marcos. Kung kinaya ng ating mga kasamang guro sampu ng pambansa-demokratikong kilusan na mapabagsak ang rehimeng US-Marcos noong 1986, kaya nating gupuin at wasakin muli ang paghahari ni Marcos Jr at ng kanyang mga magnanakaw na pamilya.
Hindi dapat matapos ang EDSA sa pagpapatalsik sa pamilyang Marcos. Dapat makintal sa mamamayan na hindi lang ang pamilyang Marcos ang dapat mawala sa ating lipunan ngunit ang mga salot na umaagnas sa ating bayan at na nagbigay ng oportunidad sa kanila upang makabalik muli sa kapangyarihan. Balik-aralan natin ang mga tagumpay at pagpupunyagi ng ating mga kasamang rebolusyunaryong guro sa panahon ng batas militar. Humalaw tayo ng mga aral sa kanila upang mapalakas natin ang ating kilusan sa pagpapabagsak sa papet na si Marcos Jr. Maging aktibong kabahagi tayo sa pagbubuo at pagpapalapad ng mga nagkakaisang prente upang igiya ito sa pagpapatalsik kay Marcos Jr. Patuloy tayong magrekruta ng mga guro at estudyante upang lumahok sa Bagong Hukbong Bayan. Maglunsad tayo ng mga pag-aaral tungkol sa EDSA upang maipaunawa sa mga kapwa nating masang guro na hindi makakamit ang tunay na pagbabago sa ating lipunan sa pamamagitan ng mapayapang paraan. Kahit kailan man ay hindi isusuko ng mga naghaharing uri ang kanilang yaman at kapangyarihan sa mapayapang paraan. Natutunan natin ito sa EDSA 1. Kailangan natin ng armadong pakikibaka upang ganap na malansag ang teroristang estado na nakasandal sa poder ng imperyalistang US. Ang pag-aalis sa mga Marcos ay isang hakbang lamang para isulong at ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan!
Gunitain ang militante at demokratikong pagkakaisa ng mamamayan Sa ika-39 anibersaryo ng Pag-aalsang Edsa!
Ipagtagumpay ang tunay na rebolusyon, ang Demokratikong Rebolusyong Bayan!