Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan! Rebolusyon ang tunay na solusyon!
Para sa karaniwang mamamayan na namulat na sa bulok at maruming sistema ng halalan sa bansa, ang eleksyon ay simpleng pagpapalit lamang ng mukha at pangalan ng mga nasa kapangyarihan habang nananatili ang kalbaryo ng kahirapan na araw-araw nilang pasan. Para naman sa tradisyunal na pulitiko, pagkakataon ito upang magpakitang-gilas, mambola ng mga botante, at magkamal ng pondo mula sa mga donasyon pagkatapos ng tatlo o anim na taong pagpapakasasa sa poder.
Bagamat ngayong araw pa lamang, Marso 28, upisyal na magsisimula ang kampanya para sa mga lokal na kandidato, noon pang nakaraang taon at mga buwan ang pagbaha ng mga “tulong” at “ayuda” sa iba’t ibang porma na sinasamantala para sa political patronage. Mahigit isang buwan simula nang buksan ang pangangampanya ng mga tumatakbong senador at partylist, matingkad na kinatangian ito ng matinding red-tagging at paglaganap ng deep fake upang siraan ang mga progresibong kandidato na may malinaw at kongkretong plataporma; pagkukumahog ng mga tradisyunal na pulitiko at dinastiyang pulitikal na kumakatawan sa mga burukrata kapitalista at malalaking negosyo; at sa isang banda, salpukan sa pagitan ng kadiliman at kasamaan na kinakatawan ng pangkataing Marcos na gustong konsolidahin ang kapangyarihan lagpas sa 2028, at Duterte na gustong makapanumbalik sa tuktok ng kapangyarihan.
Ang pagguho ng “UniTeam” ay patunay lamang sa sumisidhing krisis ng neokolonyal na estado. Si Marcos at si Duterte na kapwa tuta ng magkalabang imperyalistang kapangyarihan, ang US at China, ay larawan ng bulok na pulitika sa bansa. Kasunod ng pagkakahuli kay Rodrigo Duterte ng International Criminal Court (ICC), at kung paano ito intensyunal na ginagamit ni Marcos Jr upang tanggalin ang tinik sa kanyang lalamunan, gayundin ang pagsasampa ng kongreso ng kasong impeachment laban kay Sara Duterte, lalo lamang naitutulak ang mamamayang Pilipino na maghanap ng bagong klase ng pulitika—pulitikang tunay na kumakatawan sa interes ng sambayanan. Kasabay nito ay namumulat sila sa kabulukan at kakapusan ng eleksyon upang baguhin ang sistema kung kaya’t tinatahak nila ang iba’t ibang larangan ng pakikibaka.
Bulok na eleksyon, huwad na demokrasya
Sa malakolonyal at malapyudal na lipunang pinaghaharian ng malalaking burgesya komprador, panginoong maylupa at dominasyon ng imperyalismong US, sarswela lamang ang eleksyon upang linlangin ang mamamayan at pagmukhaing umiiral ang demokrasya sa bansa. Masahol pa, kinakasangkapan ito upang gawing lehitimo ang pagkontrol ng naghaharing uri sa burukrasya at kapangyarihan.
Ang eleksyon sa Pilipinas bilang maruming laro ay matingkad na kinakatangian ng malaganap at sistematikong paggamit ng karahasan at pamimilit sa pamamagitan ng mga goons at private armed groups ng mga warlords at dinastiyang pulitikal kaalinsabay ng pagwawaldas ng milyun-milyon upang mabili ang boto ng taumbayan. Ilan lamang dito ang naglalakihang billboards, mahahabang patalastas sa mass at social media, at pamamayagpag ng mga dinoktor na sarbey upang ikondisyon ang kaisipan ng masa sa pamamagitan ng pag-uulit-ulit at manipulasyon sa emosyon at pag-iisip. Pakana ito upang pagmukhaing wala silang ibang pagpipilian kundi pare-parehong mandarambong, pasista at kasapi ng pulitikal na dinastiya. Kinakasangkapan din ang malawakang kampanya ng disimpormasyon at pekeng pagbabalita, at paglipana ng mga bayarang trolls at influencers, bagay na pinondohan at pinakinabangan kapwa ng Marcos at Duterte upang iluklok ang sarili sa kapangyarihan.
Batay mismo sa pag-aaral ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), walo sa bawat 10 kinatawan ng mga distrito ang kabilang sa pulitikal na dinastiya kung saan mahigit kalahati nito ay tatakbo sa Mayo. Samantala, halos dalawang dosena galing sa dinastiya ang naghahangad ng 5-11 pwesto sa senado.
Hindi nalalayo ang pag-aaral ng Kontra-Daya na nasa 55.13% o 86 sa 156 partylist ang hindi kumakatawan sa marginalized sector ng lipunan. Bagkus ito ay kabilang sa mga dinastiya, malalaking negosyo, military o pulis, may kaduda-dudang adbokasiya, sangkot sa korapsyon, at walang sapat na impormasyon.
Sa Cagayan Valley, kontrolado ng mga dinastiyang pulitikal at burukrata kapitalista ang ekonomya at pulitika ng rehiyon. Monopolisado pa rin ng mga Cua ang burukrasya ng Quirino; hawak pa rin ng mga Dy at Albano ang Isabela; at mahigpit pa rin ang kapit ng Mamba sa Cagayan. Sa kasalukuyan, pitong bayan ng Cagayan ang pinaghaharian ng mga mag-asawa bilang mayor at bise, habang ang kalakhan ng mga bayan ay kontrol ng mga magkakapatid at magkakamag-anak.
Eleksyon bilang larangan ng pakikibaka
Pinatunayan ng kasaysayan na sa pamamagitan lamang ng paglulunsad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka mawawasak ang sistemang mapang-api at ito rin ang mag-aanak ng isang lipunang tunay na malaya mula sa pagsasamantala. Gayunpaman, kinikilala ng rebolusyonaryong kilusan ang papel ng parlamentaryong pakikibaka bilang larangan ng paglaban kasunod at sekundaryo sa demokratikong kilusang masa. Entablado ito upang magkaroon ng mga progresibo at patriyotikong kinatawan sa burukrasya na tunay na magtataguyod sa interes ng masang anakpawis. Sila ang magsisilbing boses ng karaniwang mamamayan sa loob ng parlamento na kakalampag, maglalantad at babatikos sa mga korap at tiwali.
Lagpas sa usaping elektoral, pagkakaton ito upang malawakang makapagmulat, makapag-organisa at makapagpakilos para sa pambansa demokratikong karaingan ng mamamayan, at makapagpalawak ng saklaw ng hayag at lihim na organisasyong masa. Pagkakataon ito upang patampukin ang katumpakan ng pambansa demokratikong programa at isulong ang malaon nang panawagan ng masa para sa lupa, trabaho, sahod, edukasyon, karapatan at katarungan habang isinisiwalat ang kabulukan ng eleksyon sa bansa, at inihihiwalay ang mga pangunahing nagtataguyod at nagtatanggol sa reaksyunaryong estado na ngayon ay hawak ng paksyon ng Marcos-Romualdez. Kaalinsabay, hadlangan ang panunumbalik sa kapangyarihan ng pangkating Duterte habang nakikipagmabutihan sa mga pulitiko at personahe na may rekord sa pagdadala ng maka-mamamayang programa.
Sa rehiyon, dapat na itulak ng mamamayan ang mga kandidato na tumindig laban sa tumintinding militarisasyon, hindi lamang ng AFP-PNP, kundi laban sa presensya ng mga sundalong Amerikano sa tabing ng Balikatan at pagtatayo ng mga “EDCA site” at iba pang di-deklaradong base at pasilidad ng US na nagsasapanganib sa buhay at kaligtasan ng mga mamamayan ng Cagayan Valley. Dagdag dito, hamunin ang mga kandidato na mapagpasyang hakbangan ang malaganap at malalang red-tagging, panggigipit, panunupil, “pagpapasuko,” at pagsasampa ng gawa-gawang kaso sa mga lider-magsasaka at aktibista. Dapat may malinaw na tindig ang mga kakandidatong nagpoposturang makatao at maka-mamamayan sa walang pakundangang pambobomba, istraping at panganganyon sa mga sibilyang komunidad.
Okasyon ang kampanyang elektoral upang muling itambol ang malaon nang iginigiit ng mga mamamayan ng Cagayan Valley laban sa malakihang pagmimina sa mga bundok, ilog at baybayin; sobra at di-makatarungang taas ng interes sa pautang; at malawakang kawalan at pang-aagaw ng lupa sa tabing ng land-use conversion para sa ekoturismo at iba pa.
Rebolusyon ang tunay na sagot sa kahirapan!
Nakasalalay ang paglutas sa kahirapan ng malawak na mamamayan kapag napalis at napabagsak sa paghahari ang mga uring mapagsamantala—ang mga uring sumusuhay sa mga batayang suliranin ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrataka kapitalismo. Hindi ito nilulutas ng eleksyon, sa halip pinahahaba lamang nito ang pananatili ng bulok na estado ng mga mapagsamantalang uri sa panlilinlang sa mamamayan na may pag-asa sa pagbabago dahil may demokrasya na makaboto. Subalit namumulat ang mga mamamayan sa tunay na katangian ng bulok na estado na naglilingkod para sa interes ng mga uring malaking burgesya kumprador, panginoong maylupa at burukrata kapitalista. Batid nilang hindi isusuko ng naghaharing uri ang kapangyarihan kung kayat krusyal at mapagpasya ang papel ng hukbong bayan at armadong mamamayan upang ibagsak ang kanilang paghahari, agawin ang kapangyarihang pampulitika upang mapanghawakan ang mga istratehikong industriya tulad ng sa langis, komunikasyon, bangko, transportasyon at ilan pa; tunay na reporma sa lupa; pagpapaunlad ng industriya sa kanayunan at pambansang industriyalisasyon.
Ang Partido Komunista ng Pilipinas bilang namumunong partido at abanteng destakamento ng uring proletaryado; ang Bagong Hukbong Bayan na armadong pwersa ng mamamayan at gulugod ng demokratikong rebolusyon; at Pambansang Nagkakaisang Prente na kinakatawan ng NDFP bilang pinakakonsolidadong organisasyon ng mamamayan laban sa imperyalismo, pyudalismo at pasismo ang tatlong makapangyarihang sandata ng sambayanang Pilipino sa paglulunsad ng pambansa demokratikong rebolusyon. Tanging sa pasusulong at pananagumpay lamang dalawang-yugtong rebolusyon, pangunahin sa pamamagitan ng paglulunsad ng rebolusyonaryong armado pakikibaka sa kanayunan; pagtataguyod ng rebolusyong agraryo na maglalansag sa monopolyo sa lupa ng mga panginoong maylupa; at pagtatayo ng Pulang kapangyarihan matatamasa ng mamamayang Pilipino ang tunay na kalayaan, demokrasya, hustisya at sosyalistang hinaharap.
Mamamayan mag-armas, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
Ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan!