Pahayag

Pakikiisa ng KASAMÀ-NDF sa Ika-57 Anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas Isulong ang Kilusang Manggagawa Bilang Taliba ng Pambansa at Panlipunang Paglaya

Sa paggunita ng ika-57 na anibersaryo ng muling pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang Katipunan ng mga Samahang Manggagawa (KASAMÀ) ay patuloy na nakikiisa sa buong rebolusyonaryong kilusan at muling pinagtitibay ang ating di-matitinag na pagkapit sa demokratikong rebolusyong bayan. Ang anibersaryong ito ay dumarating sa isang kritikal na panahon kung saan ang uring manggagawa ay humaharap sa mga hamong walang kaparis sa nagdaang dekada, ngunit panahon din kung saan ang ating rebolusyonaryong kilusan ay patuloy na lumalakas at nagpupunyagi.

Patuloy na nilulugmok ng rehimeng Marcos ang uring manggagawang Pilipino sa matinding kahirapan at pagdurusa. Ang krisis sa ekonomya, na pinapalala ng pagka-papet ng reaksyonaryong gobyerno sa imperyalistang US at sa mga imperyalistang institusyon sa pananalapi, ay lumilikha ng mga kondisyon kung saan ang mga manggagawang Pilipino, lalo na ang mga mala-manggagawa, ay araw-araw kumakaharap sa matitinding banta at hamon sa buhay. Ang malawakang kawalan at kakulangan sa trabaho ay patuloy na nagtutulak sa milyon-milyong Pilipino sa mga kabuhayang walang katiyakan, mababa ang sahod, at hindi makatao.

Ang mga naipundar na panalo ng uring manggagawa sa buong daigdig sa mga nakaraang siglo ay sistematikong winawasak ng naaagnas na pandaigdigang sistemang monopolyo kapitalismo at neoliberalismo sa pamamagitan ng mga kontra-manggagawang patakaran. Ang patuloy na pagbuwag sa mga unyon at mga samahan, kontraktwalisasyon, at panggigipit sa mga pagkilos ng mamamayan ay talamak pa rin sa ilalim ng rehimeng Marcos, habang ang mga ahensya ng reaksyonaryong gobyerno ay nagsisilbing instrumento ng kapital sa halip na tagapagtanggol sa kaparapatan ng taumbayan.

Samantala, ang sumisirit na presyo ng mga bilihin, partikular sa mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain at paninirahan, ay tuluyang lumulusaw sa kalidad ng buhay ng mga maralitang Pilipino. Ang nananatiling kapos na minimum wage sa bansa, kawalan ng serbisyong publiko, at talamak na korapsyon sa reaksyonaryong estado ang patuloy na nagpapanatili sa siklo ng kahirapan na sumasakal sa mga komunidad.

Ang mga mala-manggagawa, na nakaipit sa pagitan ng pyudal na pang-aapi at kapitalistang pananamantala at binubuo ng mga maralita sa kanayunan at lungsod ay nagsisilbing reserbang hukbo ng paggawa, na laging nasa banta ng dislokasyon at karukhaan.

Gayunpaman, ang sektor ding ito ang lumilitaw bilang pinaka-dinamikong rebolusyonaryong pwersa sa ating kasalukuyang pakikibaka. Dahil danas nila ang pagsasamantala sa parehong kanayunan at kalunsuran, napapalawak ang kanilang rebolusyonaryong kamulatan at lumalalim ang kanilang pag-unawa sa mga kontradiksyon ng malapyudal at malakolonyal na sistema ng lipunan. Ang kanilang ugnayan sa masang magbubukid at mga komunidad sa maralitang lungsod ay lumilikha ng matibay na base para sa pag-oorganisa ng masang anakpawis at rebolusyonaryong pagkilos na tumatawid sa mga hangganang heograpikal at sektoral.

Dahil walang mawawala sa atin kundi ang ating mga tanikala, naipamamalas ng mga mala-manggagawa ang ating kahandaang magsakripisyo at lumaban para sa tunay na pagbabago, na matagal nang pinatutunayan ng kanilang aktibong pakikilahok sa mga pakikibakang masa at armadong paglaban. Ang rebolusyonaryong sigasig na ito ay kumakatawan sa talim ng ating kilusan at dapat gamitin upang magtaguyod ng mas malakas at mas nagkakaisang kilusang manggagawa na mapagpasyang dudurog sa imperyalismo, pyudalismo, burukratang kapitalismo, at lahat ng mga anyo nito.

Sa harap ng tumitinding panunupil at pagsasamantala, dapat paigtingin ng uring manggagawang Pilipino, lalo na ng mga mala-manggagawa, ang pakikibaka sa tamang landas ng demokratikong rebolusyong bayan sa ilalim ng pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas. Sentro sa pakikibakang ito ang agarang pangangailangang sumulong at magpalakas ng kilusang manggagawa na magbubuklod sa lahat ng sektor ng masang anakpawis sa lungsod sa ilalim ng pamumuno ng Partido. Nangangailangan ito ng pagpapalakas at pagkonsolida ng mga batayang organisasyon ng masa—mga unyon, samahan sa mga komunidad, organisasyon sa mga linya ng kabuhayan, at mga organisasyong bayan—at ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa na magsisilbing gulugod ng ating rebolusyon.

Dapat puspusan pang palakasin at palawakin ng ating kilusan ang mga pakikibaka para sa demokratikong karapatan sa pamamagitan ng mga militanteng pakikibakang masa na humahamon at lalong magsasakdal sa mismong pundasyon ng reaksyonaryong sistema.

Ang armadong pakikibaka, sa pamamagitan ng Bagong Hukbong Bayan, ang nananatiling pangunahing sandata natin sa pagpapabagsak sa reaksyonaryong estado, at ang uring manggagawa ay dapat patuloy na aktibong sumuporta rito sa pamamagitan ng suportang pulitikal, tulong lohistikal, at sa pagpapasampa ng mga pulang mandirigma.

Dapat nating paigtingin ang tunggalian ng uri sa pamamagitan ng mga welga, demonstrasyon, at iba pang anyo ng pagkilos ng masa na nagsusulong ng mga kagyat na kahingian habang nagpupundar patungo sa ultimong layuning ibagsak ang reaksyonaryong sistema. Dapat pandayin ng ating kilusan ang pagkakaisa ng hanay ng mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan, at iba pang inaaping sektor sa ilalim ng pamumuno ng Partido upang ihiwalay at gapiin ang ating mga kaaway.

Kasing-halaga rin nito ang pagsusulong ng ideolohiyang pakikibaka sa pamamagitan ng malaganap na pag-aaral ng Marxismo-Leninismo-Maoismo bilang teorya at gabay sa praktika ng rebolusyong Pilipino upang buuin ang rebolusyonaryong kamulatan sa hanay ng masa. Tanging sa pamamagitan ng pundasyong ideolohikal na ito natin matibay na maisusulong ang isang kilusang manggagawa na militante sa gawa at may prinsipyo sa teorya.

Muli, binabati namin ang Partido Komunista ng Pilipinas sa 57 taong pamununo sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan! Pinagpupugayan namin ang lahat ng mga kadre, kasapi, mga pulang mandirigma, at lahat ng mga dakilang martir ng Partido na nagsakripisyo para sa tunay na paglaya ng bayan!

Mabuhay ang uring manggagawa!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas! 

Mabuhay ang ika-57 Anibersaryo ng PKP!

Isulong ang demokratikong rebolusyonaryong bayan hanggang sa tagumpay!

Isulong ang Kilusang Manggagawa Bilang Taliba ng Pambansa at Panlipunang Paglaya