Gunitain ang alaala ni Ka Joma: Isulong ang rebolusyong pangkultura, tahakin ang rebolusyonaryong landas!
Download here: PDF
Sa araw ng kapanganakan ng yumaong rebolusyonaryong si Jose Maria Sison, bayani ng sambayanang Pilipino, kapulutan natin ng aral ang kaniyang dakilang ambag. Mayaman at hindi maikukubli ang pamanang iniwan niya sa rebolusyon, sa pakikibaka para sa pambansa’t panlipunang paglaya; ang Artista at Manunulat ng Sambayanan (ARMAS) ay isa lámang sa mga tumatayong bantayog sa marami niyang dekada ng paglilingkod sa bayan. Bílang pagkilala sa dambuhalang ambag ni Ka Joma, at bílang pagbabalik-aral, mainam na tuusin kung ano nga ba ang pamanang ito sa kalahatan at sa partikular nating pamamartisano sa larangang kultural.

Nanggaling si Ka Joma sa pamilya ng malalaking panginoong maylupa. Marami sa kaniyang mga kamag-anak ay naging politiko sa pambansang antas. Siya naman mismo’y muntikang mahatak sa pagkapari ng tito niyang arsobispo. Matapos mag-elementarya sa pampublikong paaralan, nagsekundarya siya sa Ateneo at nang mapatalsik dahil naakusahang nagsusubersibo laban sa Heswitang guro ay lumipat sa sa Letran. Gayon pa man, sa Unibersidad ng Pilipinas (U.P.) talagang nagsimula ang buhay-pulitikal ni Ka Joma. Sinimulan niya ang kaniyang Batsilyer ng Artes sa Ingles doon nang 1956 at tinamo ito nang 1959. Matapos ay nagsimula agad siyang magturo at mag-aral para sa kaniyang masterado. Dominante noon sa kampus ang hidwaan sa pagitan ng mga liberal na maka-edukasyong sekular (na pinamunuan ng mga tulad ni Ricardo Pascual, kampeon ng positibismong lohikal) at mga kleriko-pasista (na sa panig ng mga estudyante’y kinatawan ng UPSCA, o U.P. Student Catholic Action).
Malaki ang impluwensya ng hidwaang ito kay Ka Joma, bagay na makikita sa nauna niyang mga gawa. Sa maliliit na publikasyong independiyente na sinimulan kasama ang mga kaibigan, tulad ng Fugitive Weekly, ipinagbunyi niya ang kalayaan ng indibidwal at ginamit ang mga salita nina Alfred North Whitehead, Jean-Paul Sartre at iba pa upang bakahin ang kleriko-pasistang atake sa mapagpalayang atmospera ng pamantasan. Bumuo sila ng mga pangkatan para sa pagtalakay ng pilosopiya, literatura, kultura at malaon ay politika. Isa rito ay naging Student Cultural Association of U.P. (SCAUP). Noong 1961, noong ipatawag ng Committee on Anti-Filipino Activities (CAFA) sa Kongreso ang ilang mga propesor at estudyante upang sumagot sa mga akusasyon ng pagkakomunista, namuno ang SCAUP sa protestang sinalihan ng libo-libong mag- aaral—dito nagsimula, matapos ang halos isang dekadang katamlayan, ang muling-pagsilang ng kilusang masa, partikular sa sektor ng kabataang mag-aaral.
Panulaan ang pokus ni Ka Joma bilang manggagawang kultural. Tulad ng kaniyang politika, nagsimula ang kaniyang estetika at praktika sa liberalismo. Sa unang hati ng 1961 mababasa ang halimbawa ng isang tula na, bagamat ang nilalaman ay seksuwal, ang lengguwahe ay matalinhaga,mala-ironiko at may kamalayan sa sarili. Ang ganoong klase ng paglalaro sa wika ay dominante nang panahong iyon, at hindi pa lumilihis si Ka Joma. Kahit nang lumabas ang una niyang koleksyon ng mga tula, Brothers, noong 1962, mapapansin ang paghihidwaan ng kagustuhang ilantad ang realidad, na may katangiang pulitikal, ng lipunang Pilipino—ang pagkakolonyal, ang karalitaan, ang di-pagkakapantay-pantay—at ng pagkakahon nito sa naghaharing estetiko noon, na ang interes ay sa pag-iwas sa “bulgaridad” ng kasalukuyan at pagpokus sa indibidwal.
Tinatag ang Kabataang Makabayan noong 1964. Si Ka Joma ang unang tagapangulo. Sa kultural na sangay nito nanggaling ang Panday Sining, at ang kabuuang kilusang masa na pinagkapalooban nito’y nag-anak ng marami pang kultural na organisasyon. Isa lamang ang Panulat para sa Kaunlaran ng Sambayanan (PAKSA); sa una nitong pambansang kongreso, noong 1971, nagbigay ng talumpati si Ka Joma at doon ay pinuna niya ang kaniyang sarili at ang Brothers. Aniya, “Karamihan sa mga tula ay hindi makapapasa sa paglilitis ng proletaryong kritisismong rebolusyonaryo. Bagamat 1961 pa ito naipagsama…siguradong magkakaroon ito ng maling impluwensya kung hindi itatakwil. Inaasahan ko na sa pagtatakwil na ito’y makapagsusulat ako ng lalong maiinam na tula.” Sa katunayan, bago pa ang pahayag na iyon ay naisulat na niya ang “Ang Gerilya ay Tulad ng Makata,” na hanggang ngayon ay kinikilalang klasiko ng panulaang Pilipino. Sa kaparehang taon, 1968, muling itinayo ang Partido Komunista ng Pilipinas sa pamamatnubay ng Marxismo- Leninismo-Maoismo, at si Ka Joma ang hinirang na tagapangulo ng Komite Sentral. Siya rin ang naging patnugot ng Ang Bayan sa una nitong mga taon, na sa kasalukuyan ay ang nag-iisang diyaryo sa Pilipinas na inilalathala sa anim na wika: Pilipino, Ingles, Binisaya, Iloko, Waray at Hiligaynon. Isang tema sa pagtalakay ni Ka Joma sa pakikibakang kultural ay ang pangangailangan ng talagang pambansang karakter ng kilusang mapagpalaya, at bukod sa pagsulong ng Pilipino bilang wikang pambansa ay itinaguyod din ang paglinang at pagpopularisa sa mga wikang lokal.
Marami pang maipapalagay kay Ka Joma na ambag-kultural, tuwiran o di-tuwiran. Siya ang unang nagdugtong sa konsepto ni Sen. Claro M. Recto ng “Ikalawang Kilusang Propaganda,” bilang pagpapatuloy ng nauna nina José Rizal at iba pang nasyonalista, sa teorya’t praktika ng rebolusyong pangkultura, at ilagay ito sa mahigpit na yakap ng sosyalistang perspektiba. Pinakamahalaga, pinamunuan niya ang muling-pagsilang ng kilusang rebolusyonaryo sa Pilipinas na naging daan sa paglikha ng talagang alternatibo, talagang radikal, talagang mapagpalaya na kultura sa bansa, kaiba sa mga pantasyang petiburgis at pakunwaring-sosyalista.
Tinuloy ni Ka Joma ang pagtutula at pag-aambag sa kilusan maging sa haba ng pagkakakulong sa kaniya. Upang labanan ang nakababaliw na katahimikan ng piitan, kumanta siya, tumula nang pabibig, sinubukang makipagkuwentuhan sa mga bantay, atbp., atbp. Ang Prison and Beyond ang naging produkto ng mahabang pagkakulong na iyon, kung saan ang pinakamapupuri, bilang dokumentasyon ng dinanas niyang tortyur, ay ang “ Fragments of a Nightmare.” Nang siya’y makalaya matapos ang pagpapatalsik sa diktador na si Marcos, tinanggapniya ang alok ng Asian Center sa U.P. na magturo at ginamit ang pagkakataong linawin ang patuloy na krisis ng malakolonyalismo’t malapyudalismo, at sa gayon ang patuloy na kahalagahan ng rebolusyong pambansa-demokratiko, sa pamamagitan ng isang serye ng mga lektura. Naglelektura siya sa ibayong dagat nang kanselahin ang pasaporte niya ng rehimeng Aquino at naitulak siya sa buhay ng isang tapon.
Hindi nagpatinag si Ka Joma sa ilang dekada niyang pagkabunot sa lupang sinilangan. Patuloy siyang nag-organisa at nag-abuloy sa teorya’t praktikang Marxista-Leninista-Maoista. Hindi matatawaran ang halaga ng nilaan niyang tinig at isipan sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto at sa sumunod na mga pagsusumikap. Hiwalay man sa Pilipinas nang libo-libong kilometro, walang tigil siya sa pagsusuri ng obhetibo’t subhetibong kondisyon at pagbibigay ng payo. Sa panunula, bukod sa mga tuwirang politikal na obra’y nakapagsulat din siya ng mga pansirili ngunit naninindigang tula tulad ng “Sometimes, the Heart Yearns for Mangoes” at “I Wish to be Taken for Granted,” na habang sinasalamin ang sakit ng pagkawalay sa tinubuan ay isinasaboses din ang rebolusyonaryong optimismo at kasiguraduhan sa ibayong paglaban at tagumpay sa huling panunuos.
Sa isang panayam ilang taon bago siya mamatay, sinabi ni Ka Joma na wala siyang takot mamatay: “Yumao man ako, tiwala ako na ipagpapatuloy ang rebolusyon ng mga susunod sa aking rebolusyonaryo at ng sambayanan.” Kinumpirma niya ang paniniwalang ito nang isulat ang huling pahayag niya, na ang pamagat ay “Hindi magagapi ang demokratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino.”
Maaari, kung hindi niya piniling tahakin ang rebolusyonaryong landas, ay namatay si Ka Joma na respetadong propesor sa U.P., kaysa rebeldeng kinamumuhian ng estado sa bansang ni hindi siya mamamayan. Maaari, kung ang tesis-masterado niya tungkol kay Nick Joaquin ay hindi kinumpiska ng gobyerno noong 1962, ay makikita ang pangalan niya ngayon sa mga istante ng U.P. Press kaysa listahan ng mga terorista, o mga sulat-sulat sa pader na pinoproklamang “Ka Joma Lives,” o mga pahayag na pesanteng di kailanman nakaapak sa klasrum ang nagsulat.
Ano’t ano man ay siya rin ang nagpasya sa huli. Sa halip na pansamantalang alwan at institusyonal na papuri, ang pinili niya’y ilaan ang buong buhay niya sa kolektibong pagsusumakit para sa makatarungan at pangmatagalang paglaya ng sambayanang Pilipino. Ngayong araw ng kaniyang kapanganakan, hinihikayat namin ang lahat ng manggagawang pangkultura na gunitain ang alaala ni Ka Joma, tumulad sa rebolusyonaryo niyang halimbawa at isulong ang rebolusyong pangkultura bitbit ang ginintuan niyang mga aral.
Mabuhay si Ka Joma!
Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
Isulong ang rebolusyong pangkultura, sumapi sa ARMAS!