Itakwil ang indoktrinasyon at kampanyang panlilinlang ng "Bagong Pilipinas"

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Itinatakwil at tinutuligsa ng mamamayang Pilipino at kanilang rebolusyonaryong mga pwersa ang indotrinasyon at engrandeng kampanyang panlilinlang ng pasistang rehimeng US-Marcos. Ang kampanyang ito ay nilaman ng kamakailang atas ni Marcos na bigkasin ang isang panata at awitin ang isang himnong papuri sa huwad niyang larawan ng isang “Bagong Pilipinas.”

Ang kampanyang indoktrinasyon ng “Bagong Pilipinas” ay hindi naiibas sa “Bagong Lipunan” ng kanyang diktador na ama na ginamit para pagtakpan ang mga abuso noong batas militar at pagandahin ang imahe ng tiranikong paghahari ni Marcos.

Ang konsepto ni Marcos Jr ng isang “Bagong Pilipinas” ay pawang hungkag at huwad na mga salita. Salamin ito ng kanyang pekeng “landslide” na pagkapanalo, at gagamitin para pagtakpan ang panggogoyo at panlilinlang sa darating na eleksyon para palakasin ang dinastikong paghahari ng mga Marcos.

Layunin ng mga Marcos sa ginagawang manipulasyon sa isip ang labusawin ang kamalayan ng bayan sa pagkubli sa lumang bulok na sistema at kung paano nakaugat sa dayuhang dominasyon, pasistang panunupil at pyudal na pang-aapi at kanilang mga suliranin.

Nililinlang ng “Bagong Pilipinas” ni Marcos ang mamamayang Pilipino sa mga ilusyon ng isang “bagong” hinaharap. Sa katunayan, walang kahit anong pundamental na “bago” sa mapang-api at mapagsamantalang malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas at sa lumang korap na paghahari ng malalaking burgesyang komprador at malalaking panginoong maylupa. Patuloy silang nagpapakasasa sa kayamanan, at naghahari gamit ang mga instrumento ng terorismo ng estado.

Walang kahit anong bago liban sa higit na pagdurusa ng mamamayang Pilipino. Sadlak sila sa papalalim na kumunoy ng kahirapan at kagutuman. Nagdurusa sila sa mas mababang sahod, mas malawakang kawala ng lupa, disempleyo, pang-aagaw ng kabuhayan, higit na mas mataas na mga presyo, mas pabigat na mga buwis, at nasisirang mga pampublikong serbisyo.

Higit na malaki ang agwat sa pagitan ng naghaharing mga uri at pinagsasamantalahan at inaaping mga uri. Kaya naman, determinado ang sambayanang Pilipino na ipagpatuloy ang pakikibaka para baguhin ang landas ng kasaysayan ng bansa, kamtin ang pambansang kalayaan, baguhin ang sosyoekonomikong sistema, at magtayo ng isang tunay na demokratikong gubyerno. Itinatakwil ng sambayanang Pilipino ang “Bagong Pilipinas” ni Marcos at muling pinagtitibay ang kanilang kahandaan na makibaka para sa pambansang demokrasya.

Itakwil ang indoktrinasyon at kampanyang panlilinlang ng "Bagong Pilipinas"