Pahayag ng Katipunan ng mga Gurong Makabayan (KAGUMA) sa ika-52 na Anibersaryo ng Deklarasyon ng Batas Militar ng Diktador na si Marcos Sr Ituro ang mga aral ng kilusang guro laban sa batas militar ng diktaduryang Marcos! Pukawin ang diwang rebolusyunaryo ng mga kabataan!
Ang KAGUMA ay nakikiisa sa lahat ng mga rebolusyunaryong puwersa kasama na ang mga patriyotikong mamamayan at progresibong sektor ng ating lipunan sa paggunita sa ika-52 na anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. Sa kasalukuyan, maihahalintulad sa Batas Militar ni Marcos Sr ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at ang halimaw na Anti-Terror Law na nagsisilbing garote laban sa mga aktibista at pinararatangang “terorista” raw ng ating lipunan.
Kaya hindi na nakakapagtaka na mula nang naging pangulo ang anak ng diktador at magnanakaw na si Marcos Jr, umabot na sa 15 ang dinukot ng mga pasistang puwersa ng estado, at ang mga pinakabagong biktima nga ay sina Rowena Dasig, James Jazminez, Andy Magno, at Vladimir Maro. Dinukot din sa panahon ni Marcos Jr sina Jhed Tamano at Jonila Castro na mga kababaihan at kabataang tanggol kalikasan. Patuloy pa rin ang pamamasista ng estado sa mga mamamayang Pilipino lalo na sa mga kritiko nito kahit wala na si Duterte at ang kanyang mga kampon. Noong Marso 2024, sa isang seminar sa Taytay Senior High School na ginawa ng Philippine Army 80th Infantry Battalion at DepEd Rizal, namahagi ng pulyeto ang mga pasista na nagpaparatang sa mga pambansa-demokratikong organisasyon sa paaralan bilang rekruter daw ng NPA. Kahalintulad nito ang mga civilian operations na ginagawa ng mersenaryong AFP sa kanayunan.
Mas masahol pa rito ay ang mga pambobomba ng mga salot na militar sa kanayunan na nagdudulot ng pagkawasak ng mga pananim, kabahayan, pagkasindak ng mga magsasaka, at ang pagkahinto ng pag-aaral ng mga kabataan. Sa ilalim ni Marcos Jr, 60 ang naitalang kaso ng pambobomba, panganganyon, at istraping mula Hulyo 2022 hanggang Hunyo 2024, kabilang ang 32 insidente ng aerial bombing gamit ang mga eroplano ng imperyalistang US na FA-50s at Super Tucanos pati na ang Agusta Westland AW109 at T129 helicopter.
Nakakangitngit isipin na wala nang makain ang mga magsasaka sa kanayunan, kakapiranggot ang umento sa sahod ng mga manggagawa, at sumisirit ang mga presyo ng bilihin, ay nilulustay pa ng Department of National Defense ang pera ng bayan para mamakyaw ng mga misayl, jet fighter mula sa mga imperyalistang tagapagtaguyod ng gyera, na nagkakahalaga mula 300 hanggang 400 milyong piso. Bagama’t pinangangalandakan itong pangdepensa raw sa ating teritoryo, ang totoo ginagamit talaga ito sa pambobomba ng mga pamayanan sa kanayunan na pugad raw ng mga terorista. Nilustay na pera ng bayan, pambomba sa pamayanan!
Imbes na militarisasyon, ang KAGUMA ay nananawagan sa pagtuloy ng usapang pangkapayapaan kahit tutol ang mga sagadsagaring pasistang retiradong heneral dito. Naninindigan ang KAGUMA na mas kailangan ng mamamayang Pilipino ang polisiyang magtataguyod ng kapakanan at karapatan ng mga mamamayan tulad ng repormang agraryo at industriyalisasyon na isinusulong ng National Democratic Front (NDF). Sadsad ang kalidad ng ating edukasyon, napakabusabos ng kalagayan ng ating mga pampublikong guro, at nabubulok na sa korapsyon ang DepEd. Ang kailangan ng ating edukasyon ay mas malaking badyet, mataas na pasahod sa mga guro, at mga silid-aralan at makabayang teksbuk, hindi mas maraming bomba, misayl, kanyon at bala.
Kaya naman ngayong ika-52 na anibersaryo ng Batas Militar, ginugunita ng KAGUMA ang dakilang sakripisyo ng mga kasamang rebolusyunaryong guro na nagtaguyod ng makabayan, siyentipiko, at makamasang edukasyon sa panahon ng diktaduryang Marcos Sr. Pag-aalabin namin ang diwang rebolusyunaryong ipinamana ng mga makabayang guro tulad nina Joma Sison, Lorena Barros, Jessica Sales, Evelyn Pacheco, at iba pa, upang hindi magmaliw sa alaala ng mga mamamayang Pilipino ang kalupitan ng Batas Militar ng diktaduryang Marcos Sr, at tumindig ang kasalukuyan at mga susunod pang henerasyon sa pagsusulong ng pambansa- demokratikong rebolusyon.
Pinatunayan ng mga makabayang guro sa panahon ng diktaduryang Marcos na lumalawak ang sakop ng armadong pakikibaka habang tumitindi ang krisis panglipunan at panggigipit ng pasistang estado sa mga magsasaka at manggagawa.
Kaya naman naniniwala ang KAGUMA na lalawak, uunlad, at yayabong pa ang kilusang guro sa ating panahon para tumugon sa panawagan ng malawak na hanay ng ating lipunan na wakasan ang papet at inutil na pamamahala ng anak ng diktador at magnanakaw na si Marcos Jr.
Hindi na muli sa diktadurya! Hindi na mauulit ang batas militar!
Tutulan ang pagbabaluktot ng kasaysayan!
Katarungan sa mga biktima ng batas militar ng diktaduryang Marcos!
Panagutin ang pamilyang Marcos sa karumaldumal na krimen laban sa mamamayan!
Mabuhay ang mga rebolusyunaryong guro!
Mabuhay ang Pambansang Demokratikong Prente Ng Pilipinas (NDFP)!
Mabuhay ang Partido Komunista Ng Pilipinas!