Ka Facio: Huwarang rebolusyonaryo, tunay na Komunista at tagapaglingkod ng mamamayang Pilipino
Pinakamataas na parangal at pagpupugay ang iginagawad ng National Democratic Front-Southern Tagalog kay kasamang Kevin Castro na mas nakilala ng masa at mga kapwa rebolusyonaryo bilang Ka Andres, Ka Facio, Ka Lima at Ka Pablo. Nasawi siya sa isang labanan sa Brgy. Binibitinan, Polilio, Quezon nitong Pebrero 21, 2022 sa edad na 28. Isang bata ngunit responsableng ng kadre ng Partido si Ka Facio, kagawad ng Komiteng Subrehiyon sa mga probinsya ng Rizal-Quezon at Laguna, rebolusyonaryong guro at mahusay na propagandista-ahitador ng Hukbong bayan at mamamayan.
Nagmula siya sa uring petiburgesya sa Malolos, Bulacan. Isa siyang mabuting anak at panganay sa isang nakababatang kapatid na lalaki. Nakapag-aral siya ng kursong edukasyon sa University of the Philippines-Diliman at aktibo sa pagsusulong ng karapatan ng mga estudyante sa pamantasan laluna nang maging miyembro ng konseho sa kanilang kolehiyo. Kalaunan ay naging aktibo rin siya sa paglaban sa iba pang isyu ng mga kabataan at iba pang uri at sektor sa loob at labas ng pamantasan at namulat sa kalagayan ng mamamayang Pilipinong isinadlak sa kahirapan ng tatlong salot ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo. Sumapi siya sa Kabataang Makabayan, ang lihim na pambansa-demokratikong organisasyon ng mga kabataang nagtataguyod ng armadong pakikibaka. Noong 2016, naging aktibo siya sa pagdalo at pagiging bahagi ng mga peace forum na inorganisa ng NDFP sa iba’t ibang pamantasan sa Maynila at sa Timog Katagalugan.
Isa siya sa mga kabataan-estudyanteng tumugon sa panawagan ng Partido Komunista ng Pilipinas na sumapi sa BHB noong 2016. Mula noon, buong sigasig na ginampanan ni Ka Facio ang mga rebolusyonaryong tungkulin at higit na ginagap ang pagsusulong ng matagalang digmang bayan sa kanayunan. Naitalaga siyang kumilos sa larangan sa Hilagang Quezon kung saan siya umugat at epektibong namuno bilang sumisibol na batang kadre ng rebolusyon. Sa mahusay na paggabay at pamumuno ng komite ng Partido sa subrehiyon sa pangunguna ng namartir na si Ermin “Ka Monte/Romano” Bellen, mabilis na nahasa si Ka Facio bilang isang komprehensibong kadre na naging mahalagang salik para muling mareaktiba ang ilang naiwang mga base sa Hilagang Quezon laluna ang mga base sa Polilio Group of Islands.
Napakataas ng pagpapahalaga niya sa lahat ng gawain laluna ang gawaing masa, na di niya alintana ang mga panganib makabalik lang at mapamunuan ang masa. Kahit nga sa panahon ng pandemya, sinikap niyang alamin ang kalagayan nila at gabayan ang mga masa sa pagharap sa mahihirap na kalagayan– hinggil sa kabuhayan, kalusugan at iba pang laban ng mamamayan.
Walang tanggi sa atas si Ka Facio, hindi siya nagsasayang ng panahon para matupad ang kanyang misyon at maiabante ang mga gawain saanman siya maitalaga. Isa rin siyang mahusay na manunulat at makata. Lapat siyang makitungo sa mga kasama at masa dahilan para mahalin siya ng mga ito, laluna ng mga katutubong Dumagat at Remontado. Katunayan, mataas ang inaani niyang respeto mula sa mga kapwa kasama at mamamayan sa taglay niyang mahusay na aktitud at pagiging huwarang batang kadre. Kritikal siya sa sarili at likas ang kanyang kababaang loob kaya mahusay niyang napakikitunguhan ang mga suliraning kinakaharap niya—sa pakikitungo sa mga kasama, sa kanyang pamumuno, at maging sa pakikitungo sa masa. Larawan siya ng pagiging di makasarili at ng walang pag-iimbot na ibigay ang kanyang kakayahan para sa katuparan ng mga rebolusyonaryong tungkulin at gawain. Isa rin siyang huwarang kasamang may piniling kasarian at aktibong mandirigma sa pagsusulong ng pantay na pagkilala at pagrespeto sa kanilang hanay.
Nakapanghihinayang na maagang tinawid ni Ka Facio ang imortalidad. Marami pa siyang magagawa at misyong maisasakatuparan, marami pa siyang masang nais paglingkuran at masang naghihintay. Pero ang lahat ng kanyang pagsisikap at sakripisyo ay hindi masasayang dahil ipagpapatuloy ito ng mga kapwa rebolusyonaryong nakasama niya sa buhay-at-kamatayang pakikibaka, ng bawat mamamayang nakadaupang-palad niya. At higit sa lahat, ang kanyang kadakilaan at kabayanihan ay buong-panahong mananahan at magpapasalin-salin sa iba’t ibang henerasyon ng mamamayan sa Maynila, sa Hilagang Quezon at sa buong Pilipinas.
Nakitil man ng kaaway ang kanyang kaisa-isang buhay, hindi nila makikitil, ni mapipigil ang pag-agos ng rebolusyonaryong enerhiya ng mamamayang binigkis ng mga pagsisikap ni Ka Facio, ng Partido at buong rebolusyonaryong kilusan sa Hilagang Quezon. Ipagpapatuloy ng higit na nakararaming kabataaan at mabubuting anak ng bayan sa lalawigan ang mga dakilang misyon at simulain ni Ka Facio.
Nawala ka man sa aming piling pero nag-iwan ka naman ng walang kamatayang pamana ng kabayanihan. Ginawan ka namin ng bantayog na nakaukit sa aming mga puso at isipan at patuloy na magiging inspirasyon ng mga susunod na henerasyon, lalong higit, ng mga kabataan at batang kadre na katulad mo.
Mabuhay si Ka Facio!
Mabuhay ang mga martir ng rebolusyon!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!###