Kabataang martir ng Quezon, pinarangalan
Nagtipon sa University of the Philippines-Diliman sa mga gabi ng Pebrero 25 at 26 ang mahigit 100 aktibista, kaibigan at kaanak ni Kevin Castro, 28 para bigyang-parangal ang kanyang maningning at makabuluhang buhay. Nakilala si Castro bilang si Ka Facio sa prubinsya ng Quezon, isang Pulang mandirigma. Napaslang siya sa isang labanan sa Barangay Binibitinan, Polilio, Quezon noong Pebrero 21.
“Akala namin, si Kevin ay namatay nang mahirap. Hindi pala. Itong lahat ng ito pala ang yaman niya. Hindi mapapantayan ng anumang materyal na bagay ang parangal niyo sa kanya,” pahayag ng tatay ni Ka Facio sa harap ng pagtitipon para sa pagpaparangal sa kanyang anak.
Ayon sa BHB-Southern Tagalog (Melito Glor Command), si Ka Facio ay nagsisilbing pampulitikang instruktor ng isang yunit ng BHB-Quezon (Apolonio Mendoza Command) nang mapaslang. Naging kagawad siya ng Komiteng Subrehiyon sa mga probinsya ng Rizal-Quezon at Laguna. Sumampa si Ka Facio sa BHB taong 2016.
“Hindi naging hadlang sa kanya ang hirap ng buhay sa kanayunan. Tinanggap niya ito bilang bahagi ng sakripisyo sa masalimuot na pagrerebolusyon hanggang sa unti-unting nakaangkop sa buhay sa sonang gerilya,” nakasaad sa parangal ng BHB-Southern Tagalog.
Sa pagsasalaysay ng BHB-ST, malaki ang naging ambag ni Ka Facio sa muling pag-ugnay sa mga naiwang base sa Hilagang Quezon, laluna sa Polilio Group of Islands. Mapangahas niyang tinanganan ang atas na balikan ang mga eryang ito sa kabila ng kawalang kaalaman sa lugar.
Bago sumapi sa BHB, si Ka Facio ay naging bahagi ng Kabataang Makabayan. Nagsilbi rin siyang lider-estudyante sa UP Diliman.
Bilang pagkilala sa kanyang kabayanihan nagpaabot ng parangal ang mga balangay ng National Democratic Front at Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan sa Southern Tagalog, BHB-North Quezon at pambansang balangay ng Kabataang Makabayan.
“Nawala ka man sa aming piling pero nag-iwan ka naman ng walang kamatayang pamana ng kabayanihan,” ayon kay Patnubay de Guia ng NDF-Southern Tagalog.