Kababaihan, tangan mo ang kalahati ng kalangitan! Puspusang makibaka para sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan!
Ngayong Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis, ginugunita ng Katipunan ng mga Gurong Makabayan (KAGUMA) ang makasaysayang pakikibaka ng kababaihang anakpawis para baguhin ang kanilang abang kalagayan sa Paggawa at itaguyod ang kanilang mga pang-ekonomiko at demokratikong karapatan. Marapat lamang na kilalanin ang rebolusyonaryong pwersang taglay ng kababaihan na baguhin ang kanyang lipunang ginagalawan at igiit ang kanyang kalayaan.
Bilang mayorya sa sektor ng kaguruan ay binubuo ng kababaihan, mahigpit na tumitindig at nakikiisa ang KAGUMA sa malawak na hanay ng kababaihang nakikibaka para lagutin ang tanikala ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo na lubos na nagpapahirap sa sambayanang Pilipino. Iniluluwal ito ang isang malakolonyal at malapyudal na lipunan, kung saan doble o higit pa ang pagdurusang nararanasan ng kababaihan. Bukod sa sistemikong karahasan, diskriminasyon, at pang-aabuso mula sa pyudal-patriyarkal na kultura, sistemikong inhustisya rin ang ipinipataw ng pahirap na estado sa mga kababaihang pesante na walang sariling lupang sinasaka, sa mga kababaihang manggagawa na walang katiyakan sa trabaho, sa kababaihang guro at propesyonal na barat ang pasahod at benepisyo, sa kababaihang katutubo na pinapalayas sa kanilang lupang ninuno, at sa kababaihang maralita na walang seguridad sa paninirahan at pambili ng batayang mga pangangailangan. Sa mahigit tatlong taon ng pahirap at pasistang rehimeng US-Marcos II, nananatili at lalo lamang umiigting ang mga dahilan kung bakit patuloy na Nagpupunyagi ang armado at di-armadong porma ng paglaban ng mamamayan para isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!
Tinutulak ng imperyalismo ang mundo tungo sa tiyak na pandaigdigang krisis. Bilang numero unong imperyalistang bansa, nagkukumahog ang US, sa pamumuno ng hibang na si Donald Trump, na ipirmis at panatilihin ang kanyang kapangyarihan at hegemonya sa daigdig. Sa pangambang maungusan ng mga karibal na imperyalistang bansa, kinakailangan niyang ipataw ang kanyang dominasyon sa mga bansang tumutunggali sa kanyang interes at dikta habang sinasalba ang sarili sa umuuk-ok at hindi na maitagong pang-ekonomikong krisis sa sariling bansa.
Kung kaya’t kamakailan lang, nagpakawala na naman ng panibagong serye ng pambobomba ang US at kasabwat nitong Zionistang Israel sa Iran. Mahigit 1,000 sibilyan na ang nasawi sa unang limang araw ng pambobomba ng US- Israel kabilang ang 181 kabataan na hindi bababa sa edad na 10. Mababalitaang natamaan din ang ilang paaralan sa Tehran at ang isang paaralang elementarya sa Minab kung saan nasawi ang mahigit 160 estudyanteng babae. Garapalang pambabastos ito sa International Humanitarian Law (IHL) at isang malaking krimen sa mamamayan ng Iran at sa buong sangkatauhan. Hindi na ito bago. Isa lamang ito sa serye ng imperyalistang agresyon ng US gaya ng nakita natin sa kanyang walang habas na pambobomba at pagdukot sa lider ng Venezuela, pagpondo at pag-aarmas sa Israel para lusawin ang Palestine, pagpapaypay ng tensyon sa Taiwan at Ukraine, at ilang dantaon nang kasaysayan ng pang-uupat ng gyera at pagsisimula ng armadong sigalot sa iba’t ibang dako ng daigdig.
Walang anumang bansa ang may karapatang manghimasok at magpataw ng kanyang kapangyarihan sa isang nagsasariling bansa. Samakatuwid, hindi dapat nanghihimasok ang imperyalistang US sa mga maliliit na bansa gaya ng Pilipinas. Ngunit sa pamamagitan ng mga burukrata-kapitalistang nakaupo sa gobyerno gaya ni Bongbong Marcos, Jr. at Sara Duterte, malayang nakakapagdikta ang imperyalistang US ng mga pasista at anti-mamayang polisiya para sa kanilang sariling interes. Malaya ring nakapagtatayo ng mga base-militar sa bansa at negosyong pamumuhunan. Sa pagpapakatuta ni Marcos, Jr. sa amo niyang US, naging sistematiko ang imperyalistang pandarambong at pagnanakaw sa mamamayang Pilipino. Imbes na tugunan ang ugat ng kahirapan at magbigay ng libre at dekalidad na serbisyo sa mamamayan, bawat sentimong buwis at bawat kaltas sa sweldo ay inilalagak lang sa dambuhalang maleta ng korapsyon.
Tiyak na kakambal ng imperyalistang gyera ang krisis pang-ekonomiya. Inanunsyo na mismo ng Malacañang ang inaasahang pagsirit ng presyo ng langis at tiyak na tataas pa lalo ang presyo ng mga bilihin at serbisyo. Mamamayang Pilipino na naman ang babalikat ng mga pansamantalang lunas ng gobyerno habang hindi pa rin napapanagot ang punong kurakot sa bansa na si Marcos, Jr. Matinding pagkabaon sa utang, disempleyo, kontraktwalisasyon, mababang sahod at kita ang kinakaharap ng ordinaryong mamamayan. Bukod pa rito, patong-patong ang buwis na ipinapataw sa mamamayang naghihikahos gaya ng value- added tax (VAT) at mga excise tax pero nakakalusot ang naglalakihang lokal at dayuhang korporasyon sa pagbubuwis dahil sa tax exemption at holidays. Ni hindi rin nararamdaman ang mga buwis na ito dahil napupunta lamang sa bulsa ng mga ganid na burukrata-kapitalista, bayad-utang, o pinangpopondo sa militarisasyon at panunupil sa mamamayan, sa halip na pondohan ang mga batayang pangangailangan at serbisyong panlipunan. Kung kaya’t makatwiran lamang ang panawagan ng kababaihang anakpawis na tanggalin ang VAT dahil dagdag-pasanin lamang ito sa mamamayang naghihikahos!
Hangga’t nananatiling walang tunay na reporma sa lupa, walang pambansang industriya, walang tunay na hustisya, at pagtugon sa interes ng masang Pilipino, mananatili rin ang mga kondisyon para magrebolusyon ang mamamayan, lalo ang kababaihang anakpawis na doble ang dinaranas na pagsasamantala sa isang malakolonyal at malapyudal na lipunan. Sa mahigit limang dekada ng pagsusulong ng matagalang digmang bayan, naiukit na sa kasaysayan ang di- matatawarang ambag ng kababaihan para sa pag-abante ng demokratikong rebolusyong bayan. Patuloy lamang na sisibol ang mga rebolusyonaryong kababaihang lider- magsasaka, lider-maralita, unyonista, kadre, Pulang kumander at mandirigma na aktibong tatanganan ang pinakamataas na porma ng pakikibaka para waksihin ang tatlong salot sa lipunang Pilipino.
Kababaihan, tangan mo ang kalahati ng kalangitan! Hawanin ang landas tungo sa ganap na pagpula ng silangan!
KABABAIHAN, ITAKWIL ANG REHIMENG US-MARCOS AT DUTERTE! LUMAHOK SA DIGMANG BAYAN!
MABUHAY ANG MGA KABABAIHANG REBOLUSYONARYO!
MABUHAY ANG BAGONG HUKBONG BAYAN!
MABUHAY ANG DEMOKRATIKONG REBOLUSYONG BAYAN!