Pahayag

Kahihiya-hiyang pagkutya sa kalayaang pang-akademiko ang deklarasyon ng pakikipagtulungan ng UP sa AFP

Mariing kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang deklarasyon ng kooperasyong inilabas ng administrasyon ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) kasama ang Armed Forces of the Philippines (AFP). Nakikiisa kami sa mga estudyante at akademikong komunidad ng UP sa pagpapahayag ng galit sa garapalang pakikipagsabwatan sa mga lumalabag sa karapatang-tao at internasyonal na makataong batas.

Tinuya ng administrasyon ng UP ang kalayaang pang-akademiko, na matagal nang ipinagmamalaki ng unibersidad na bukal nito, sa paglalabas nito ng magkasanib na deklarasyon kasama ang pangunahing instrumento ng paniniil at terorismo ng estado.

Isang kahiya-hiyang alyansa sa AFP ang pinasok ng UP, diumano para sa layunin ng kooperasyon sa akademikong pananaliksik, publikasyon, pagbabahagi ng teknikal na kadalubhasaan, pagpapalitan ng mga tauhan at pagbibisita, bukod sa iba pang mga bagay. Tinatabunan nito ang mga krimen na ginawa ng AFP sa ngalan ng anti-terorismo at anti-komunismo. Marami sa mga nabiktima nito’y mga estudyante at alumni ng unibersidad na nag-alay ng kanilang buhay sa makabayan at demokratikong adhikain ng sambayanang Pilipino.

Inilabas ng UP at AFP ang deklarasyon ng kooperasyon ilang araw lamang matapos ang Red-tagging hearing sa Senado ni Bato dela Rosa, isang dating heneral ng pulis, na pumuntirya sa mga progresibong organisasyon ng mag-aaral. Layunin ng pagdinig na bigyang katwiran ang panunupil sa mga karapatan ng mga estudyante na mag-organisa at malayang magpahayag ng saloobin. Walang batayang inakusahan ni dela Rosa ang mga organisasyong ito na bahagi ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka.

Gayundin, inilabas ang deklarasyon halos dalawang taon matapos ang pagbasura sa Kasunduang UP-DND (Department of National Defense), na nagbabawal sa pagpasok ng mga ahente at tauhan ng militar sa kampus. Una itong nabuo noong 1982 sa harap ng malawak na mga kilos protesta ng mga estudyante laban sa batas militar na nananawagan ng pagwakas sa pagpapadala ng mga ahenteng militar para maniktik sa kampus upang tukuyin ang mga mag-aaral na kritikal sa tiranikong rehimen. Mula nang makai-isang panig na ibinasura ng DND ang naturang kasunduan, may mga ulat ng militarisasyon na kinasasangkutan ng pagpasok ng mga ahenteng panseguridad ng estado sa mga kampus ng unibersidad.

Kahihiya-hiyang pagkutya sa kalayaang pang-akademiko ang deklarasyon ng pakikipagtulungan ng UP sa AFP