Kasuklam-suklam ang pagtatanggol ng DOJ sa tahasang pang-aatake sa mamamayan

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Talaga namang nasisira na ang tuktok ng mga alagad ni Marcos II. Marahil ay sa kahihithit ng pulbura. Nitong nakaraan, ipinagtanggol ng mismong kalihim ng Department of Justice na si Boying Remulla ang red-tagging. Bahagi umano ito ng demokrasya at isang porma lamang ng kritisismo. Anong lohika naman kaya ang nagtulak sa kanyang ikumpara sa simpleng pagpupuna ang arbitraryo at malisyosong pambabansag sa iba’t ibang mga sektor ng lipunan na nagiging batayan upang sila ay targetin ng militar at pulis? Kaya ba niyang panindigang kritisismo lamang ito sa harap ng mga pamilya ng lahat ng mga pinaslang na aktibista, progresibo, taong-simbahan at mga propesyunal na naging biktima ng red-tagging? Ipinakikita nito ang tunay na kulay ng bulok na estadong nandarahas ng mamamayan at ipinagtatanggol pa ang tahasang paglabag sa karapatan.

Sa bansa, ang red-tagging ay katumbas ng pagiging tuwirang target ng pamamaslang laluna’t wala namang pinipiling biktima ang utak-pulburang militar at pulis. Sapat nang mabansagang kalaban ng estado kahit walang anumang patunay upang takutin, gipitin, arestuhin, tortyurin at patayin ang isang indibidwal – anuman ang kanyang katayuan sa buhay.

Kasuklam-suklam ang pagtatanggol ng mga upisyal na tulad ni Remulla sa sistematikong panunupil at pang-aatake sa sibilyang populasyon. Sa halip na kastiguhin ang militar, pulis at mga entidad na walang habas kung magbansag na kalaban ng estado ang mamamayan, ayos lamang sa kanyang garapalang atakehin ang taumbayan kahit na wala silang krimen sa mata ng batas.

Ang mga tulad ni Remulla ang nagpapatunay sa kawalan ng pagpapahalaga at respeto ng reaksyunaryong gubyerno sa kapakanan ng sambayanan. Patunay siya ng lubusang pagkabulok ng kasalukuyang sistemang walang ibang pinahahalagahan kundi ang interes ng iilan. Wala silang pakialam kung abusuhin man o humantong sa kamatayan ang pambabansag sa karaniwang Pilipino. Ang mahalaga ay masupil nila ang paglaban ng mamamayan at makapanatili sila sa kapangyarihan.

Patunay na walang maaasahan ang masang inaapi at pinagsasamantalahan sa walang pusong gubyernong ito. Tanging sa kanilang pagsasapraktika ng kanilang pinakamataas na akto ng demokrasya – ang pag-aarmas upang ipagtanggol ang sarili mula sa mismong estado nila, matatagpuan ng mamamayan ang kaligtasan. Sa tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan lamang magkakaroon ng pagkakataong sumibol at yumabong ang tunay na pambansang demokrasyang hindi nakabatay sa panunupil at pagsasamantala.

Kasuklam-suklam ang pagtatanggol ng DOJ sa tahasang pang-aatake sa mamamayan