Kawalan at kakulangan sa lupa ng masang magsasaka, sumisidhi sa ilalim ng neoliberal na patakaran at panlilinlang ng reaksyunaryong estado at imperyalismo

,

Masakit na paalala ang Hunyo 10 ng napakatagal nang pagkakait ng estado ng tunay na reporma sa lupa at ang pagdurusang binabata ng mga magsasaka dahil sa patuloy na kawalan o kakulangan sa lupa. Noong Hunyo 10, 1988, ipinatupad ng rehimeng US-Aquino I ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa layuning linlangin ang mga magsasaka na magkakaroon sila ng lupa at apulain ang kanilang galit sa estado. Ngayong 36 taon na ang lumipas, hindi mapapasubalian ang pagiging huwad at inutil ng ipinatupad na reporma sa lupa ng reaksyunaryong gubyerno.

Bigo ang CARP kahit sa sariling pamantayan ng reaksyunaryong estado. Higit pitong milyong ektarya sa tinukoy na higit 12 milyong ektaryang lupang agrikultural ang itinakdang ipamahagi sa mga magsasaka sa ilalim ng batas, ngunit hindi ito nakamit kahit na limang administrasyon na ang nagdaan. Humigit-kumulang limang milyong ektarya lamang ang “naipamigay” sa mga magsasaka sa kabila ng daang bilyong pisong ginastos ng gubyerno. Masama pa, marami sa mga napagkalooban ng CLOA ay napupwersang magbenta ng lupa dahil ‘di makayanan ang amortisasyon sa lupa, tumataas na gastusin sa produksyon at ang kaakibat na nagtataasang presyo ng mga bilihin at gastusin sa pamumuhay .

Nagdudumilat din ang kainutilan ng CARP na lutasin ang labis na kahirapan sa kanayunan. Hindi maitago kahit ng mga burgis na pananaliksik na hindi garantiya ang pagkakaroon ng CLOA sa ilalim ng CARP na makakawala sa kahirapan ang isang agrarian reform beneficiary (ARB). Sa isang sarbey noong 2010-2012, ikinategoryang below poverty line o mahirap ang nasa 54% ng mga ARB sa mga agrarian reform community o pamayanang nakatatanggap ng pinakamaraming suporta mula sa gubyerno at mga NGO. Higit na malala ang kalagayan ngayon lalo’t napakalaki nang itinaas ng cost of living habang lumiliit ang tunay ng halaga ng kita dahil sa epekto ng implasyon sa nagdaang 10 taon. Ayon mismo sa reaksyunaryong ahensya sa estadistika, doble ang kahirapan ng mga komunidad pang-agrikultura sa kanayunan kaysa mga lungsod sa bansa.

Pasahol nang pasahol ang kalagayan ng magsasaka dahil sa parasitikong katangian ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal. Sa pagtindi ng krisis, lalong nagiging masiba ang monopolyo kapitalista at lokal na naghaharing uri sa mga likas na yaman ng Pilipinas—lalo na sa lupa, at sa murang lakas-paggawa. Nagpapakana ang mga ito ng mga patakaran upang agawin ang lupa mula sa mga magsasaka at irekonsentra ito sa iilang MBK-PML at sa mga dayuhang kapitalista. Ito ay sa pamamaraang land use conversion, mega farms, Support to Parcelization of Land for Individual Titling (SPLIT) at pang-eengganyo sa pagmimina ng mga minerales at rekursong enerhiya. Isinusulong din ang National Land Use Act (NLUA) na magiging ligal na balangkas ng lansakang pangangamkam ng lupa. Ang mega farms at parcelization ay itinutulak at pinopondohan ng World Bank (WB) at International Monetary Fund (IMF) sa tabing ng pagpapaunlad umano sa agrikultura, ngunit sa katunayan ay pagpapadulas lamang sa pagpasok ng malalaking korporasyong agribisnes sa sakahan ng mga Pilipino.

Sa pakanang mega farms, pagsasama-samahin ang lupa ng mga magsasaka hanggang makabuo ng aabot sa 100 ektarya na tatamnan ng isang uri ng pananim. Mapapawi ang indibidwal na karapatan ng magsasaka at mapupunta ang pag-aari sa isang “samahan”. Katambal ang reaksyunaryong gubyerno sa pagtatayo ng mga mega farm sa anyo ng pamimigay umano nito ng mga input at suporta. Isang engrandeng plano sa unang tingin, subalit sa aktwal napakalaki ng panganib na mawalan lalu ang magsasaka ng karapatan lalo’t makokontrol ng mayayamang magsasaka at mga MBK-PML ang mga “samahan” ng mega farms. Ang mega farms na ito ay magsilbi rin bilang taniman ng mga export crops sang-ayon sa dikta ng IMF-WB.

Napakatuso naman ng pakanang SPLIT o pagpaparsela at pagpapatitulo ng lupa na nagsasalaula sa esensya ng kahilingan ng mga magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa. Artipisyal lamang nitong pagkakalooban ang mga magsasaka ng lupa dahil wala itong katugon na suporta ng estado sa pagsasaka. Ang tunay na layunin sa likod nito ay padaliin ang proseso ng pangangamkam ng maliliit at pira-pirasong lupa . Sa harap ng grabeng pagkalugi ng mga magsasaka dahil sa mataas na gastos sa produksyon at pagbagsak ng presyo ng produktong bukid, nagmimistulang minatamis na lason ang alok ng mga korporasyon na pagbili o pag-aryendo sa kanilang lupa.

Sinusuhayan ng rehimeng US-Marcos II ang mga neoliberal na iskemang ito sa pamamagitan ng pagtutulak ng NLUA. Sang-ayon sa plano ng IMF-WB, palalawakin ng NLUA ang saklaw na lupain sa bansa na maaaring ipasok sa pamilihan at ispekulasyon. Sa panukalang land use plan ikaklasipika ang mga lupain bilang pang-produksyon, pang-pabahay, pang-imprastraktura at protektadong erya. Ang taktikang palitan ang gamit ng lupa ay tabing upang maging “ligal” ang pangangamkam ng lupa. Sasaklawin nito pati ang mga kabundukan at karagatan kaya tiyak na lubhang maapektuhan ang pinakamahihirap na mamamayan kabilang ang mga mangingisda, setler at katutubo. Sa kabilang banda, buung-buo ang suporta sa NLUA ng mga asosasyon ng malalaking negosyante at panginoong maylupa pati mga dayuhang kapitalista na laway na laway sa mga lupain at likas na rekurso ng bansa. Pasakalye na para rito ang pang-eengganyo ni Marcos Jr. sa mga dayuhang kumpanya ng mina, enerhiya at malalaking korporasyon sa agrikultura na “mamuhunan” sa Pilipinas. Sa aktwal, magbubunga ito ng pang-aagaw ng lupa ng masang magsasaka at pagkasira ng kapaligiran.

Walang matatamong ginhawa ang masang magsasaka sa ilalim ng kasalukuyang bulok na kaayusan ng lipunang malakolonyal at malapyudal. Kung kaya’t makatarungan lamang na patuloy na makibaka para kamtin ang karapatan sa lupa at hustisyang panlipunan. Nagpupugay ang NDFP-ST sa mga magsasakang hindi nagpapatinag sa pasismo at matapang na sumusuong na landas ng pambansa demokratikong pakikibaka kahit sa gitna ng white terror na inihahasik ng estado. Ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon sa balangkas ng pambansa demokratikong rebolusyon, ang tanging solusyon upang tupdin ang demokratikong interes ng uring magsasaka at para sa kaunlaran ng buong bayan.

Puso ng programa ng bagong tipong pambansang demokratikong rebolusyon ang katuparan ng kahilingan ng masang magsasaka. Isinusulong nito ang rebolusyong agraryo na may minimum at maksimum na layunin. Nasa minimum na programa ang pagpapababa sa upa sa lupa, pagtataas ng sahod ng manggagawang-bukid, pagpawi sa usura, pagpapataas sa presyo ng produktong bukid at iba pang hakbang upang kagyat na iangat ang kalidad ng buhay ng mga magsasaka. Sa maksimum na layunin ay kukumpiskahin ang lupa ng mga PML-MBK at ipamamahagi ito nang libre sa mga magsasakang wala o kulang sa lupa. Ang rebolusyonaryong agraryo ang dahilan kung bakit dumarami ang mga magsasakang sumasapi sa NPA at nag-aalay ng kanilang buong panahon, lakas at talino sa pagsusulong ng digmang bayan.###

Kawalan at kakulangan sa lupa ng masang magsasaka, sumisidhi sa ilalim ng neoliberal na patakaran at panlilinlang ng reaksyunaryong estado at imperyalismo