KKK at NPA: Ang kabataan bilang tagapagmana at tagapagpatuloy ng rebolusyong Pilipino
Ngayong ika-59 anibersaryo ng Kabataang Makabayan at ika-160 kaarawan ng dakilang rebolusyonaryong bayani at kabataan na si Gat Andres Bonifacio, halina’t pag-aralan ang natatanging tungkulin at ambag ng mga kabataan sa pagsusulong ng armadong rebolusyon para sa pagpapalaya ng bayan!
127 taon na ang nakararaan, inihudyat ng mga katagang “Punitin ang sedula!” ang pagsisimula ng isang malawakang armadong paglaban ng mga mamamayang Pilipino laban sa kolonyal na paghahari ng Espanya, na pinangunahan ni Andres Bonifacio at buong Katipunan. Ang karaniwang Pilipino, kabilang ang mga kabataan ay buong-tapang na tumangan ng baril at bolo at itinutok ito sa kaaway at di malao’y nagtagumpay at napalayas ang mga dayuhang mananakop. Sa kabila nito, nanghimasok ang imperyalistang Estados Unidos na nagpapanggap bilang `tagapagligtas’ ng ating bayan at hanggang sa ngayon ay nagpapanatili sa Pilipinas bilang malakolonya nito. Hindi man nito direktang sakop ang ating bayan, kontrolado naman nito ang ekonomya, pulitika, at kultura ng ating bayan sa pamamagitan ng papet na republika ng Pilipinas at lokal na naghaharing uring panginoong may lupa at malaking burgesya komprador.
Dahil dito, ipinagpatuloy ng mamamayang Pilipino sa pangunguna ng uring manggagawa at magsasaka ang armadong pakikibaka laban sa mga imperyalistang kapangyarihan. Mula sa Hukbong Bayan Laban sa Hapones (HUKBALAHAP) at Hukbong Mapagpalaya ng Bayan (HMB) na pinamunuan ng lumang Partido Komunista ng Pilipinas (1930), hanggang sa muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas-Marxismo-Leninismo-Maoismo (PKP-MLM) noong 1968 at pagtatag ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) noong 1969. Matingkad ang naging ambag ng mga kabataang magsasaka, manggagawa, estudyante at propesyonal sa pagsulong ng kilusang mapagpalaya sa Pilipinas at buong daigdig.
Ang pangulong tagapagtatag ng Kabataang Makabayan noong Nobyembre 30, 1964 na si kasamang Jose Maria Sison ay siya ring naging pangulong tagapagtatag ng PKP-MLM makalipas ang limang taon. Kagaya nina Bonifacio, mahigpit na tinanganan ng Kabataang Makabayan ang linya ng pambansang demokrasya. Aktibong lumaban ang KM sa diktadurang Marcos hanggang sa maging lihim na organisasyon ito mula nang ideklara ang Batas Militar hanggang sa kasalukuyan. Buong-pusong tinanggap ng laksa-laksang kabataan ang tawag ng tungkulin na tumungo sa kanayunan at pagsilbihan ang masang magsasaka’t buong mamamayan sa pamamagitan ng armadong pakikibaka. Ibayong lumakas ang Bagong Hukbong Bayan at buong rebolusyonaryong kilusan. Mapagpasya rin nitong iniwasto ang mga mapanirang paglihis ng mga at pagtalilis sa mga batayang prinsipyong rebolusyonaryo na idinulot ng mga rebisyunistang peste. Matagumpay na muling ibinangon ng buong rebolusyonaryong kilusan ang kaniyang sarili.
Sa kasalukuyang lipunan, kinakailangang gamitin ng mga kabataan ang kanilang liksi, enerhiya, at talino upang ipagtagumpay ang rebolusyong magpapalaya sa kanila mula sa pang-aapi’t pagsasamantala. Milyon-milyong kabataan ang nagsisimula nang magtrabaho bago pa umabot ng 15-taong gulang. Ang mga kabataang manggagawa ay maliit ang sahod, kulang o walang benepisyo, at pinipiga ng pagsasamantala sa pabrika na karaniwa’y pag-aari ng imperyalista at burgesyang komprador. Sinisiil din ng estado at kumpanya ang kanilang karapatan sa pagbubuo ng mga unyon.
Sadlak naman sa kawalan ng lupa ang mga kabataan sa kanayunan na pinagsasamantalahan ng uring panginoong maylupa. Bilang kasamá o nakikisaka lamang sa lupa ng iba, biktima sila ng mataas na upa sa lupa, usura, at pang-aalila ng panginoong maylupa. Gayon din ang mga manggagawang bukid gaya ng mga maggagapak ng tubó sa probinsya ng Batangas, na tumatanggap ng katiting na sahod sa kabila ng napakahirap na kondisyon sa pagtatrabaho.
Kahit ang kabataang petiburges, naghihirap din! Kapwa hinahagupit ng napakataas na presyo ng bilihin at kulang na sweldo ang mga kabataang empleyado at propesyunal. Mataas na matrikula at araw-araw na gastos sa eskwelahan naman ang pinoproblema ng mga kabataang estudyante.
Sinasamantala ng reaksyunaryong gubyerno ang ganitong kalagayan ng mga kabataan para pasalihin sila sa AFP, CAFGU, at iba pang pasistang armadong pwersa at paramilitar na organisasyon. Kahit ang mga menor de edad ay kanilang nirerekrut sa CAFGU. Walang habas namang sinusupil ng reaksyunaryong gubyerno at militar ang mga kabataang nagsusulong ng makabayan at demokratikong adhikain. Patunay rito ang mga gawa-gawang kaso ng 59th Infantry Battalion laban sa tagapagsulong ng karapatang tao na si Hailey Pecayo ng Tanggol Batangan na kamakailan lamang ay ibinasura ng mismong reaksyunaryong piskalya. Mababalikan din ang pananakot at profiling ng 59th IBPA kay Jay Kim Federizo, kabataang coordinator ng SUGAR Batangas na pangunahing tagapagsulong ng interes ng mga magtutubó sa probinsya. Inaresto din kamakailan lang si Karla Mae Monge, progresibong kabataan at boluntir ng SUGAR Batangas na nagtapos sa UP Los Baños, habang siya ay nakikipamuhay at nagsasagawa ng research sa mga komunidad ng magtutubó sa Tuy. Tatlo lamang sila sa napakahabang listahan ng mga kabataang hinaras at inatake ng reaksyunaryong gobyerno. Di na mabilang ang kabataang naging biktima ng pagdakip, pagbilanggo, tortyur, at pagpaslang ng pasistang estado. Sa mata ng mga naghaharing uri at papet na gobyerno, ang makabayang kabataan at mamamayan ay terorista at dapat lipulin.
Ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo sa malakolonyal at malapyudal na lipunan ang ugat ng mga problemang ito ng mga mamamayang Pilipino, kabilang ang kabataan.
Upang malutas ang ganitong kalagayan ng sambayanan, kinakailangang yakapin at isulong ng kabataang Pilipino ang demokratikong rebolusyon ng bayan! Upang mabago ang lipunan, kinakailangang ibagsak ang kasalukuyang naghaharing sistema sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyong bayan, at itayo ang isang lipunang malaya at demokratiko.
Kinakailangang buong-pasyang tanggapin ng mga kabataan ng kalunsuran ang dakilang hamon at gampanan ang tatlong pangunahing tungkulin ng rebolusyonaryong kabataan sa kanayunan: ang pagsusulong ng kilusang magsasakang nagsisilbi sa demokratikong rebolusyong bayan, ang pagganap sa gawaing propaganda para sa paglaganap ng pambansa-demokratikong mithiin at pangangailangan ng armadong pakikibaka, at ikatlo, ang masiglang paglahok, pagsuporta, at pagsusulong ng armadong pakikibaka. Sa pagtatagumpay ng rebolusyon at pagtatayo ng bago at demokratikong lipunan lamang tunay na makakamtan ng mga kabataan ang kanilang interes at kalayaan.
Kabataan, isulong ang bagong tipo ng pambansa-demokratikong rebolusyon! Isabuhay ang rebolusyonaryong diwa at katapangan ng Kataas-taasan, Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan! Sumapi na sa Bagong Hukbong Bayan!
###