Kundenahin ang AFP sa pambobomba sa mga sakahan sa Guihulngan, Negros Oriental

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pambobomba sa sakahan sa mga bundok sa ilang barangay sa Guihulngan City, Negros Oriental kahapon ng umaga, na nagsapanganib sa buhay ng mga sibilyan at nagpamalas ng kanilang kawalang respeto sa mga karapatang pang-ekonomya ng mamamayan.

Ang panganganyon ay isinagawa ng 62nd Infantry Battalion mula sa kanilang detatsment sa Barangay Villegas simula alas-5 ng umaga at tumagal nang hanggang 6:30 ng umaga. Bumagsak ang mga bomba sa magubat na bahagi sa dugtungan ng mga barangay ng Nagsaha, Villegas, Magsaysay at Imelda. Taniman ng gulay ng mga lokal na magsasaka ang naturang lugar.

Ang pambobombang tumagal nang isa at kalahating oras ay lantarang terorismo ng estado na inihasik ng mga pasistang tropa ng 62nd IB. Ang pambobomba ng AFP sa lugar na kalapit sa mga komunidad ng magsasaka ay nagsasapanganib sa buhay ng mga sibilyan at walang-pakundangang paglabag sa internasyunal na makataong batas.

Na-troma ang mga residente sa panganganyon at marami ang napilitang mamalagi sa kanilang bahay, na nangangamba sa kanilang kaligtasan. Hanggang kaninang maaga, hindi pa nila nababalikan ang kanilang mga sakahan at alagang hayop dahil sa takot na hindi pa tapos ang panganganyon ng mga sundalo.

Dinumog ng mga sundalo ng 62nd IB at pwersa ng Philippine National Police (PNP) 7th Regional Mobile Force Battalion ang maraming barangay sa Guihulngan na pumepeste sa masang magsasaka, gumagambala sa lokal na kapayapaan, dumidiskaril sa kabuhayan ng mamamayan at nagdudulot ng kahirapan sa kabuhayan.

Kundenahin ang AFP sa pambobomba sa mga sakahan sa Guihulngan, Negros Oriental