Pahayag

Kundenahin ang gerang agresyon ng US-Israel laban sa Iran

,

Lubos na tinutuligsa ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang walang probokasyon na agresibong mga aksyong militar ng Zionistang estado ng Israel na may suporta ng US laban sa Iran mula noong Biyernes, Hunyo 13. Walang patumanggang niyuyurakan ng mga pag-atakeng ito ang internasyunal na batas at ang soberanya ng Iran. Tinarget ng mga misayl ang mga pasilidad pangmilitar at hindi, kabilang ang mga repineriya ng langis, mga lugar na pang-industriya, mga pasilidad sa pananaliksik, maging mga gusaling tinitirhan ng sibilyan.

Sa utos ng mga among Amerikano, isinagawa ng Israel ang mga pag-atake laban sa Iran na may estratehikong layuning ipataw ang hegemonya ng imperyalismong US sa Middle East at kontrolin ang malawak na rekursong langis ng rehiyon. Sa pagsasagawa ng mga missile strike, layunin ng Israel at ng US na parusahan ang Iran sa pagtindig nito para sa kanyang soberanya at sa pagtangging sumuko sa imperyalistang dominasyon. Layunin din nitong takutin ang ibang bansa sa rehiyon at pwersahin ang mga ito na yumuko sa kapangyarihan ng US at Israel.

Ang pakana ng US ay gamitin ang kongklusyon ng International Atomic Energy Agency (IAEA) para palabasin na mayroong “potensyal na mag-aarmas nukleyar ang Iran” upang udyukin ang pag-atake ng Israel. Ang ipokritong pagkatwiran ng Israel na diumano’y mga “preemptive strike” ang isinagawa nitong pag-atake gamit ang misayl, ay pinaglumaang imperyalistang pangangatwiran. Ganap na walang karapatan ang Israel, na naiuulat na may hanggang 400 nuclear warhead, para ipataw sa Iran ang pagbabawal na magpaunlad ng sariling kakayahan, para man sa ekonomya o militar. Diniskaril ng mga missile strike ng Israel ang negosasyon ng US at Iran para ibalik ang dating kasunduan para sa pagbabawal na magparami ng armas nukleyar, na ibinasura ng US noong 2018.

Dapat mariing batikusin ang mga pag-atake ng Israel gamit ang misayl laban sa Iran, lalo’t bago nito’y halos dalawang taon na nitong binobommba at sinasakop ang Gaza Strip, na nagresulta sa pagpatay sa halos 60,000 Palestino, ang lubos na pagwasak sa teritoryo ng Palestine, at sa isang masidhing krisis humanitarian (laganap na gutom at sakit).

Dahil sa pagsuporta ng US sa pagwasak sa Gaza, lumakas ang loob ng Zionistang estado ng Israel, na inaarmasan at kasabwat ng US, na palawakin ang gerang agresyon nito sa nagdaang taon, sa pamamagitan ng mga pag-atake sa Lebanon, Yemen at Syria. Mismong ang militar ng US ay nagpapaulan ng misayl laban sa Yemen. Kinontrol ng mga mapanakop na pwersa ng Israel ang Golan Heights at iba pang estratehikong bahagi ng Syria.

Naninindigan kami kasama ang Iran at sa karapatan nitong gumanti at magtanggol ng sarili laban sa agresyon at probokasyon ng US-Israel. Iginigiit namin na kagyat na wakasan ng US at Israel ang pagpapaulan nito ng misayl laban sa Iran. Muli naming inuulit ang pagsuporta sa mamamayang Palestino, at panawagang palayasin ang mga pwersa ng Zionistang estado ng Israel mula sa Gaza, at bigyang daan sa mga Palestino na muling itindig ang kanilang mga tahanan at buhay. Nananawagan kami sa mamamayan ng Israel na manindigan laban sa pasistang rehimeng Netanyahu at igiit ang kagyat na pagwawakas sa mga gerang agresyon nito.

Ang gerang agresyon laban sa Iran ay tanda ng lumalalim ng krisis ng imperyalismo, at isang mayor na tulak ng imperyalistang US sa ilalim ni Trump na muling hatiin ang mga yaman ng mundo, pabor sa kanyang interes. Mula Europe, tungong Middle East at Asia, nagiging lalong agresibo ang US sa pagbubuhos ng malaking rekursong pangmilitar, at paglulunsad ng mga proxy war laban sa mga bansang sumasagka sa pagpapataw nito ng hegemonya sa buong mundo.

Nakikiisa ang Partido at lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa Pilipinas sa mga pwersang progresibo at nagmamahal sa kapayapaan sa pagtuligsa sa war machine ng US-Israel. Napakahalaga na itatag ang malapad na demokratikong nagkakaisang prente upang labanan ang mga gerang agresyon ng US at paghahanda nito ng gera. Dapat na magkakasama tayong manindigan upang ipagtanggol ang karapatan ng mga bansa sa sariling pagpapasya at kapayapaan.

Muling pinagtitibay ng Partido Komunista ng Pilipinas ang paninindigan nito para sa pakikibaka laban sa imperyalismo at mga alyado nito. Nananawagan kami na kagyat na tapusin ang paninibasib, pauwiin lahat ng mga dayuhang tropa, at bigyang galang ang kasarinlan ng Iran at lahat ng ibang bansang humaharap sa katulad na banta.

Kundenahin ang gerang agresyon ng US-Israel laban sa Iran