Pahayag

Kundenahin ang muling teroristang pambobomba ng 8th ID sa Palapag

Nakatanggap ng panimulang ulat ang National Democratic Front-Eastern Visayas hinggil sa isinagawang air strike ng 8th ID katuwang ang 78th IB sa himpilan ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa erya ng Barangay Nipa, Palapag, Northern Samar kaninang pasado alas-2 ng madaling araw.

Mariin naming kinukundena ang muling paggamit ng sobra-sobrang lakas para salakayin ang yunit ng BHB. Ito ay malinaw na paglabag sa internayunal na makataong batas at mga batas ng digma. Ito rin ay pagpapakita ng desperadong aksyon ng 8th ID para maabot nito ang kota sa mga papatayin at di matapos-tapos na dedlayn para durugin ang rebolusyunaryong armadong lakas ngayong 2025.

Mga nakuhanang bidyo mismo ng mga residente na inilabas sa social media ang nagpapatunay sa teroristang pang-aatake mula sa himpapawid ng 8th ID. Nabulahaw ang masa mula sa mahimbing na pagtulog sa malalakas na tunog ng pagsabog ng mga bomba at ilang ulit na pag-iikot ng fighter jet na parang nasa ibabaw lang ng kanilang mga bubong. Nakipagsalit-salitan dito ang mga nang-iistraping na helicopter.

Dahil lantad at hindi na bumebenta ang pangangatwirang “fortified” ang base ng BHB, naghahabi naman ng bagong kasinungalingan ang 8th ID na pagpigil umano ito sa planong pag-atake ng BHB sa nakahimpil na RCSP unit. Pawang kasinungalingan ito. Bago pa ang mga bagyo ay matagal nang sinasalanta ng paghaharing militar at terorismo ng estado ang Palapag. Nauna nang binomba ng 8th ID ang Barangay Osmeña noong Marso 2024 kung saan isang magsasaka ang namatay.

Higit pa sa bagyo ang pananalasang dulot ng militarisasyon sa mga magsasaka. Alam na alam ng masa sa Palapag na hindi pagtulong ang layunin ng pasistang militar kundi paghahasik ng teror, pananakot, sapilitang pagpapasuko, panghohostage sa pamilya ng mga magsasakan, kasama ang mga menor de edad, na ayaw magpagamit laban sa kilusan at masa. Mga pasistang tropa ang pumatay sa mga sibilyang sina Ryan Arnesto, Oscar Alastoy at Joel Recare. Mga yunit ng RCSP ang responsable sa paghahamlet sa mga komunidad tuwing may operasyon at nagpapataw ng restriksyon sa malayang paghahanapbuhay ng mga magsasaka. May mga detatsment ng regular na tropa at CAFGU sa Sityo Canonghan, Sityo Cag-anibong, Barangay Bagacay at Barangay Matambag. May isang buong kumpanyan ng 78th IB na nakaistasyon sa poblasyon ng Palapag.

Ang pinakahuling pambobomba sa Palapag ay lalong nakadagdag sa troma ng mga magsasaka na matagal nang gingipit ng militar at nilalapastangan ang kanilang sibilyang poder. Ikinakabahala din nila ang epekto sa kanilang kabuhayan ng mga restriksyon at “lockdown” na ipapatupad ng 8th ID sa kanilang mga komunidad.

Nananawagan kami sa mamamayan ng Palapag na ilantad at labanan ang pasistang pang-aatake ng 8th ID sa kanilang mga komunidad. Dapat patuloy nilang gamitin ang social media para isadokumento at ilantad ang pang-aabuso ng militar sa kanayunan. Nananawagan din kami sa mga grupo sa karapatang pantao na tulungan ang mamamayan ng Palapag na ilantad ang tumitinding kalagayan nila.

Higit kanino man, ang mamamayan ng Palapag ang nakababatid sa tunay na kalagayan ng kanilang komunidad at ang mahalagang papel na ginampanan ng BHB sa ilang dekadang mahigpit na pagtutulungan para sa kanilang interes at kagalingan. Ito ay mga materyal na batayan kung kaya hindi kailanman tatalikuran ng masa ang BHB at ang rebolusyon, anuman ang pananakot at panlalansing gawin ng reaksyunaryo at pasistang 8th ID.

Kundenahin ang muling teroristang pambobomba ng 8th ID sa Palapag