Balita

Teroristang pambobomba ng 8th ID sa Northern Samar, kinundena ng NDF-EV

Kinundena ng National Democratic Front-Eastern Visayas (NDF-EV) ang aerial bombing na isinagawa ng 8th ID sa pansamantalang himpilan ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Sa paunang ulat na nakalap ng grupo, nagkakampo ang yunit sa Barangay Nipa, Palapag, Northern Samar nang bombahin ng alas-2 ng madaling araw noong Nobyembre 29.

Sa ulat ng 8th ID, isang Pulang mandirigma ng BHB-EV ang napatay sa naturang pambobomba. Wala pang pahayag ang panrehiyong kumand ng BHB hinggil dito.

Ayon sa NDF-EV, ang pambobomba ay labag sa internasyunal na makataong batas at mga batas ng digma dahil sa sobra-sobrang paggamit ng nakapipinsalang lakas o pwersa. “Ito rin ay pagpapakita ng desperadong aksyon ng 8th ID para maabot ang kota sa mga papatayin at di matapos-tapos na dedlayn para durugin ang rebolusyunaryong armadong lakas ngayong 2025,” pahayag ni Celine Manlimbasog, tagapagsalita ng grupo.

Liban dito, malaki ang naging negatibong epekto ng aerial bombing sa mga sibilyang komunidad sa palibot ng lugar na binagsakan ng mga bomba. Mula sa pagkakatulog ng mga residente, nabulahaw sila ng malalakas na tunog ng pagsabog ng mga bomba at ilang ulit na pag-iikot ng fighter jet na parang nasa ibabaw lamang ng kanilang mga bubong. Sinundan pa ito ng pang-iistraping mula sa mga helikopter.

Binatikos ng NDF-EV ang pagbibigay katwiran ng 8th ID sa pambobomba. Ayon sa berdugong militar, paraan nila ito para pigilan ang planong pag-atake ng hukbong bayan sa tropang militar na nagsasagawa ng Retooled Community Support Program sa erya. “Pawang kasinungalingan ito,” ayon kay Ka Celine.

Dagdag ng grupo, bago pa ang mga bagyo ay matagal nang sinasalanta ng paghaharing militar at terorismo ng estado ang mga barangay sa bayan ng Palapag. Sa katunayan, pahayag ng NDF-EV, higit pa sa bagyo ang pananalasang dulot ng militarisasyon sa mga magsasaka.

Sa tuwing naglulunsad ng operasyong kombat at RCSP ang militar, naitatala sa mga barangay ang patung-patong na mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao. Kabilang dito ang pananakot, sapilitang pagpapasuko, paghahamlet at panghohostage sa pamilya ng mga magsasaka, kasama ang mga menor de edad, na ayaw magpagamit laban sa kilusan at masa.

“Ang pinakahuling pambobomba sa Palapag ay lalong nakadagdag sa troma ng mga magsasaka na matagal nang gingipit ng militar at nilalapastangan,” ayon kay Ka Celine.

Kaugnay nito, nanawagan ang NDF-EV sa mamamayan ng Palapag na ilantad at labanan ang pasistang pang-aatake ng 8th ID sa kanilang mga komunidad. Hinimok nito na gamitin ng mamamayan ang social media para isadokumento at ilantad ang pang-aabuso ng militar sa kanayunan.

Umapela rin ang NDF-EV sa mga grupo sa karapatang-tao na tulungan ang mamamayan ng Palapag na ilantad ang tumitinding kalagayan nila.

AB: Teroristang pambobomba ng 8th ID sa Northern Samar, kinundena ng NDF-EV