Kundenahin ang pag-aresto sa konsultant pangkapayapaan ng NDFP na si Simeon "Ka Filiw" Naogsan
Mariing kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang rehimeng US-Marcos at ang mga pasistang galamay nito sa ginawang pag-aresto at pagkukulong kay Simeon “Ka Filiw” Naogsan, tagapagsalita ng Cordillera People’s Democratic Front at isang kilalang konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa negosasyong pangkapayapaan.
Ayon sa mga ulat, si Ka Filiw ay inaresto kaninang ala-5 ng umaga sa Ilocos Norte at dinala sa Baccara Municipal Police Station. Taliwas sa kanyang mga karapatang ligal, kinuha siya sa naturang kulungan ng mga ahente ng militar at dinala sa isang hindi tinukoy na lokasyon, kung saan maaari siyang maisailalim sa tortyur.
Iginigiit namin na dapat igalang ang mga karapatan ni Ka Filiw at agad siyang palayain. Dapat kilalanin ang karapatan niya sa sariling abugado, at pagpili sa sarili niyang duktor. Si Ka Filiw ay 72 taong gulang at may malubhang diabetes, hypertension, at osteoarthritis. Siya ay pinagpahinga upang mabigyan ng atensyong medikal.
Ang pag-aresto kay Ka Filiw ay isang walang pakundangang paglabag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) sa pagitan ng NDFP at ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP), na nagbibigay proteksyon sa mga konsultant at tauhang pangkapayapaan laban sa mga hakbanging paghihiganti ng alinmang panig.
Ang pag-aresto kay Ka Filiw ay kasunod ng pag-aresto sa isa pang NDFP peace consultant na si Porferio Tuna sa Tagum City, Davao del Norte, sa maagang bahagi ng buwang ito. Ang mga pag-aresto na ito ay hindi nakatutulong sa pagbubuo ng tiwala sa negosasyong pangkapayapaan at lumilikha ng seryosong pagdududa sa mga intensyon ng gubyerno ng Pilipinas kaugnay ng pakikipagnegosasyong pangkapayapaan sa NDFP.
Sa pag-aresto kay Ka Filiw, layunin ng rehimeng Marcos na parusahan siya sa paglilingkod niya sa malawak na masa ng mga manggagawa, magsasaka, mga minorya, at iba pang mga inaaping uri at sektor, lalo na sa rehiyon ng Ilocos-Cordillera.
Bilang tagapagsalita ng CPDF, aktibong itinutulak ni Ka Filiw ang tunay na awtonomiya at karapatan sa sariling pagpapasya ng mamamayan ng Cordillera, na patuloy na nilalabag ang mga karapatan. Siya ay tumututol sa rehimeng Marcos na nagsisilbing protektor ng mga interes ng mga dayuhan at lokal na malalaking negosyo, lalo na ang mga kumpanya sa pagmimina at mga kumpanya sa imprastruktura, na dumadambong sa mga bundok at ilog ng Cordillera.