Kundenahin ang pasistang tropa ng AFP na sumasakop sa prubinsya ng Abra
Kinokondena ng Agustin Begnalen Command – NPA Abra ang panggigipit (harassment) ng mga ahenteng intel ng 24th IB sa sibilyan na si Jerome Agaid, kasama ang kanyang bunsong anak na limang taong gulang. Si Agaid, na taga-bayan ng Malibcong, ay isang Lupong Tagapamayapa at nabibilang sa tribung Mabaca.
Bago nito ilang beses nang minanmanan at pilit pinapasurrender ng militar si Agaid. Gustong samantalahin ng AFP ang gipit na kalagayan ni Agaid na nasa ospital ang kanyang asawa. Sila daw ang magbabayad ng pagpapagamot at ang kapalit ay ang pagta-traydor ni Agaid sa kanyang tribu.
Ang pangyayaring ito ang pinakabagong krimen ng 24th, 71st at 102nd IB. Noong 27 November 2022, pinagbabaril ng mga sundalo ang 5 sibilyang nangangaso sa Brgy. Buneg, Lacub municipality. Dalawa sa mga sibilyan ang na-ospital bunga ng natamo nilang mga sugat. Dagdag pa dito ang mapang-insultong paglapit ng Army sa pamilya ng mga sugatan para abutan sila ng tulong pinansya. Pagkaabot ng pera ay pinapirma ang mga pamilya ng mga biktima ng katibayan na hindi na sila magsasampa ng kaso laban sa AFP.
Pahaba nang pahaba ang listahan ng mga krimen ng 24th at 102nd IB ng Philippine Army laban sa mga Abreno. Okupado ng militar ang mga bayan ng Lacub, Malibcong, Tineg, Baay-Licuan, Daguioman, Bucloc, Boliney, Sallapadan, Luba, Tubo at Pilar. Nangangamba ang mga mamamayan tuwing pumupunta sila sa kanilang mga sakahan at sa kagubatan. Tuloy-tuloy ang pagpapa-surrender, pagmamanman at pananakot ng Army.
Ang mga pasistang tropa ng AFP ay nakapakat sa Abra upang kitilin ang lahat ng pagtutol ng mamamayan sa pasok ng malakihang pagmimina at proyektong dam. Tapat na naninilbihan ang AFP sa kanilang mga kapitalistang amo. Para silang mga lintang sumisipsip sa kabang yaman ng bansa habang ang mga mamamayan ay lalong nalulugmok sa gutom at kahirapan.
Wakasan na ang paghaharing militar ! Palayasin ang 24th, 71st at 102nd IB sa probinsya ng Abra. Pagbayarin sila sa kanilang mga krimen. Kamtin ang hustisya para sa mga Abreno.