Kundenahin ang tumitinding militarisasyon sa San Jorge at buong Eastern Visayas
Kinukundena ng National Democratic Front-Eastern Visayas ang umiigting na militarisasyon at pasistang terorismo ng estado sa rehiyon sa pangunguna ng 8th Infantry Division mula nang magbukas ang 2026. Ang pananalasa ng mga pasistang tropa, laluna sa San Jorge, ay nagresulta sa pagkamatay ng hindi bababa sa isang sibilyan, kaliwa’t kanang pagpapasuko at pinsala sa kabuhayan ng mga magsasaka.
Sa Western Samar, pinangungunahan ng Task Force Gabay ng 801st Infantry Brigade-Philippine Army ang panghahalihaw sa bayan ng San Jorge. Idineploy rito ang mga yunit ng 3rd Infantry Battalion at 14th IB (na inilipat mula sa Leyte ngayong taon) upang magsagawa ng mga operasyong kombat at saywar sa mga komunidad.
Pokus ng matinding presensya ang baryo ng Cagtoto-og kung saan naipabalita ang armadong sagupaan ng Bagong Hukbong Bayan laban sa 3rd IB noong Pebrero 2. Iniulat ng mga residente na isang magsasakang sibilyan nagngangalang “Jaime” ang namatay dahil sa pagpapaputok ng mga pasistang sundalo.
Naireport din ang armadong labanan sa pagitan ng BHB at 14th IB sa Barangay Mobo-ob noong Pebrero 16. Sa susunod na araw ay idineploy sa bayan ang hindi bababa sa dalawang howitzer. Naipabalita rin ang operasyong kombat ng Bravo Company ng 46th IB sa Paranas, Samar.
Sa gitna nito ay samu’t saring saywar ang isinasagawa ng mga pasistang tropa sa mga magsasaka. Matapos makapatay ng inosenteng sibilyan, pinamudmuran ng 3rd IB ng bigas at delata ang mga residente ng Cagtoto-og, sa desperasyong palubagin ang loob nila kasunod ng karahasan at pinsala sa kabuhayang idinudulot ng mga pasista. Hindi sila makapunta sa sakahan bunsod ng mga “lockdown” at ng patakaran ng militar na walang-habas na paputukan ang sinumang makasalubong sa operasyon na hindi marapat na nagpakilala sa kanila.
Kabila-kabila rin ang mga seremonya ng pagpapasuko at paghahain ng “aplikasyon para sa amnestiya” maging sa Northern Samar, Eastern Samar at Leyte. Kabilang dito ang mga ordinaryong magsasakang ilang taon nang biktima ng panggigipit, o di kaya’y mga traydor na matagal nang tinalikuran ang masa at rebolusyon. Palibahasa’y nag-uunahan ang iba’t ibang pasistang yunit ng militar at pulis na magmalaki ng mga “nakamit” at makopo ang pera sa ilalim ng E-CLIP.
Nananawagan ang NDF-EV sa mamamayan ng Eastern Visayas na magkaisa, ilantad at labanan ang pasistang terorismo ng rehimeng US-Marcos. Makakamit lang nila ang kanilang mga karapatan at mapagbabayad nang mahal ang mga pasistang berdugo sa pamamagitan ng sama-samang pagtahak sa landas ng rebolusyonaryong paglaban. Dapat makipagkaisa sa kanila ang mga grupo sa karapatang pantao at mga nagmamahal sa tunay na kapayapaan, para ipanawagan ang hustisya para sa mga biktima ng pasismo ng estado.