Labanan ang panunulsol sa gera ng US at itaguyod ang mapayapang resolusyon ng mga sigalot sa China

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishIloco

Download: PDF

Kinakaharap ng sambayanang Pilipino ang mga banta sa pambansang soberanya at seguridad sa gitna ng nagpapatuloy na pangkaragatang hidwaan sa West Philippine Sea at ang lalong nagiging agresibo at mapanghamok na hakbangin ng China. Subalit ang mas malaking banta sa kasarinlan at kaligtasan ng bansa ay kung pagpapahintulot ng rehimeng Marcos na gamitin ng gubyerno at militar ng US ang Pilipinas bilang lunsaran ng pang-uupat at paghahanda ng gera laban sa imperyalistang karibal nitong China.

Upang ipagtanggol ang kanilang kasarinlan at kaligtasan, dapat labanan ng sambayanang Pilipino ang patuloy na pagpaparami ng mga dayuhang tropa sa pangunguna ng US sa West Philippine Sea at South China Sea, at ang lumalaking presensya ng mga tropa at sandata ng US sa mga base militar sa Pilipinas, habang nananawagan sa China na tumalima sa desisyon ng International Arbitral Tribunal noong 2016, at igiit ang mapayapang resolusyon sa mga hidwaan sa pamamagitan ng dayalogo. Dpat nilang labanan ang lumalakas na retorikong anti-Chinese sa pampublikong diskurso na tumutungo sa Sinophobia, at ang pang-uupat ng gera ng US, na pawang dahilan na nagiging imposible at napakahirap ang anumang mapayapang solusyon sa mga tunggalian.

Nananagan ang Partido na itakwil ang militaristang pananaw na itinataguyod ng imperyalistang US, gayundin ng rehimeng Marcos at armadong pwersa nito, pati na ng mga sunud-sunurang maka-US, na ang mga hidwaan sa West Philippine Sea ay malulutas lamang, o pangunahin, sa pamamagitan ng lakas militar. Pinalalabas nilang kawawa ang sambayanang Pilipino kung walang proteksyon ng US–labis na binabaluktot o binubura ang kasaysayan ng pagsakop at patuloy na paghahari ng US sa Pilipinas para gawin itong nakasandal sa US sa ekonomya, pulitika at militar.

Dapat magkaroon tayo ng mahigpit na gagap sa kasaysayan at iba’t ibang aspeto na bumubuo ng kasalukuyang mga usapin upang magkaroon ng malinaw na pagtanaw sa landas ng pakikibaka upang ipagtanggol ang kasarinlan ng bansa sa gitna ng umiigting na inter-imperyalistang sigalot.

1. Ang tumitinding mga tunggalian sa pagitan ng Pilipinas at China ay mahigpit na nakaugnay sa ginawa ng US na pagpapalakas ng militar nito sa Asia-Pacific sa nagdaang mga taon, alinsunod sa imperyalistang estratehiya nito sa heyopulitika na hadlangan ang paglago ng kapangyarihan sa ekonomya at militar ng China. Patuloy na tumatalas ang mga kontradiksyon sa kalakalan, ekonomya at diplomasya sa pagitan ng US at China, kapwa mga imperyalistang kapangyarihan, sa harap ng pandaigdigang krisis sa ekonomya, at hangarin ng imperyalistang US na paatrasin ang lumalagong pandaigdigang kapangyarihan ng China, upang mapalawak at sarilinin ang kanyang mga larangan ng impluwensya at pamumuhunan.

Noong 2011, idineklara ng gubyerno ng US ang estratehiyang “pivot to Asia” upang ilipat ang pangunahing diin ng pagpakat ng mga dayuhang tropa nito mula sa Afghanistan tungo sa tinawag nitong rehiyong “Indo-Pacific” (mula sa India hanggang sa Australia). Mula noon, pinalakas ng US ang presensya nito sa silangan at timog na baybayin ng China, sa tinatawag nitong first-island chain mula sa Kuril Islands sa hilagang dulo ng Japan, hanggang sa Korean peninsula, Taiwan, sa Pilipinas at Borneo, bagaman naantala ito nang hindi kaagad sila nakalabas sa Afghanistan hanggang 2021.

Ang konsepto first-island chain ng US ay isang susing elemento sa tinatawag nitong estratehiyang Indo-Pacific. Ayon mismo sa mga upisyal militar ng US, ang pagbuhos ng mga pwersang militar ng US, partikular na ang pagsuporta sa “kalayaan” ng Tawian, ay naglalayong pilitin o kantiin ang China na “maunang bumunot ng baril.” Plano ng US na palakasin ang presensya sa mga base militar sa Japan, at ngayo’y namumuhunan para palawakin ang mga base militar nito sa Korea. Noong 2014, binuo ng US ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa Pilipinas para pahintulutan itong magtayo ng mga base at pasilidad militar sa loob ng mga kampo ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Bahagi ng estratehiyang “pivot to Asia” ng US ang pagpapalaki ng ayudang militar sa Pilipinas sa ilalim ng mga programa ng US gaya ng Foreign Military Financing, Foreign Military Sales, Excess Defense Articles at Foreign Assistance Act. Sa partikular, naglaan ng pondo ang US para ilipat sa Pilipinas ang mga barkong nabal para palakasin ang “interoperability” (pagsasaniban sa operasyon) ng Pilipinas sa mga barkong nabal na ipapakat ng US sa rehiyon. Mula noong 2011, inilipat ng US ang hindi bababa sa anim na mga sasakayang nabal nito sa Pilipinas, kabilang ang BRP Gregorio del Pilar, ang BRP Ramon Alcaraz, at ang BRP Andres Bonifacio. May ilang iba pang nakatakda ilipat sa darating na mga taon.

Tulad sa maraming iba pang bahagi ng mundo, desidido ang US na magpasimula ng armadong sigalot sa Asia-Pacific para busugin ang pagkagumon nito sa gera, palawakin ang kanyang hegemonya, palakasin ang kapangyarihan sa ekonomya, at pawiin ang pagkauhaw sa tubo ng industriya sa armas. Upang bigyang katwiran ang kanilang layunin na paigtingin ang presensyang militar nito sa rehiyon, pinapaypayan ng imperyalistang US at mga alyado nito ang mga hidwaan sa pagitan ng Pilipinas at China.

Ang idinaos kamakailan na Balikatan war exercises ay nagpasidhi sa tensyong militar sa South China Sea. Pinangunahan ng US ang mga pwersang nabal mula sa France, Australia, Japan at Pilipinas upang magsagawa ng tinatawag na “joint maritime patrol” sa South China Sea, na sinasabing bahagi ng operasyong “freedom of navigation,” pero may deklaradong militaristang layunin na magsilbing “panghadlang” sa China. Nananatili pa ang mga dayuhang pwersang nabal na ito para sa iba pang tinatawag na war exercise. Mula sa baybayin ng Palawan at Ilocos Norte, nagsagawa ang US ng live fire exercises gamit ang mga HIMARS nito para magpasabog ng mga rocket sa dagat sa direksyon ng China, at umasinta sa isang barkong “gawa-sa-China” na sinabing kumakatawan sa isang “kunwaring kaaway.”

2. Umigting sa nagdaang dekada ang mga sigalot kaugnay ng teritoryong pandagat sa pagitan ng Pilipinas at China, sanhi ng pagtulak ng China laban sa presyur militar ng US. Alinsunod sa planong panseguridad ng China na palawakin at tiyakin ang estratehikong espasyo nito, paulit-ulit nitong niyuyurakan ang mga karapatan ng Pilipinas sa soberanya at ekonomya, at pumaling tungo sa higit na antagonismo.

Noong 2012, habang nagsasagawa ng Balikatan exercises, ipinadala ng militar ng Pilipinas ang noo’y bagong-kuha na BRP Gregorio del Pilar sa Scarborough Shoal upang pigilang mangisda doon ang isang sasakyang pandagat ng China. Humantong ito sa dalawang buwang girian matapos ipakat ng China ang hindi bababa sa dalawang barkong pang-sarbeylans sa lugar upang harangin ang militar ng Pilipinas. Sa ilalim ng isang “gentleman’s agreement” o “usapang lalaki” na pinagitnaan ng US, iniatras ng Pilipinas ang mga barko nito sa lugar, bagay na hindi tinugunan ng China. Mula noon ay pinananatili ng China ang namamayaning presensya nito sa lugar, na nagpapahirap sa pagpunta doon ng mga mangingisdang Pilipino.

Noong 2013, halos isang taon matapos ideklara ng US ang “pivot to Asia”, nagsimulang magtayo ng mga pasilidad militar ang China sa Spratly Islands. Para bigyang katwiran ang mga kilos nito, inilabas ng China ang mapang “nine-dash line” na labis-labis na umangkin sa buong South China Sea kasama ang mga bahagi ng mga teritoryong pandagat ng Pilipinas, pati na rin ng Vietnam, Malaysia, Brunei at Indonesia. Sa sumunod na ilang taon, nagtayo ang China ng pitong pasilidad sa mga “marine feature” sa Spratly Islands, na may mga bahaging saklaw ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Noong 2016, naglabas ng desisyon ang International Arbitral Tribunal pabor sa Pilipinas sa kaso na inihain nito noong 2013 na humamon sa nine-dash line ng China. Ibinasura ng IAT ang inaangking teritoryo ng China sa South China Sea, at tinukoy ang saklaw ng teritoryong pandagat, exclusive economic zone at extended continental shelf ng Pilipinas. Bukod pa, idineklara nito na ang tatlong pasilidad na itinayo ng China sa Fiery Cross Reef, Subi Reef at Mischief Reef, ay nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas. Tinukoy nito na ang Scarborough Shoal ay wala sa saklaw ng exclusive economic zone ng alinmang bansa, at idineklara ito bilang isang komun na lugar pangisdaan kung saan dapat igalang ang mga karapatan sa pangingisda ng mga mangingisdang Pilipino, pati na rin ng mga Chinese.

Bumaling ang China sa paninindak at panghahamok laban sa Pilipinas sa South China Sea, gamit ang kanyang napakaraming sasakyang pandagat para magsagawa ng mga taktika ng pangunguyog, mga maniobrang panghaharang, panghahadlang sa mga lugar pangisdaan, pambobomba ng tubig sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas, malakihang pangingisdang sumisimot sa yamang dagat, at pangwawasak sa mga rekurso sa karagatan ng Pilipinas.

Noong nakaraang taon, pinaigting ng China ang agresyon nito nang dalawang beses na binomba ng tubig ang mga barko ng Philippine Coast Guard na naghahatid ng mga suplay sa BRP Sierra Madre ng Pilipinas na nakabahura sa Ayungin Shoal. Iginigiit ng gubyerno ng China na ang mga operasyon ng pagsusuplay sa Ayungin Shoal ay lumabag sa isang lihim na “gentleman’s agreement” na pinasok noon ng rehimeng Duterte, kung saan may usapang hindi magdadala ng mga kagamitang pangkonstruksyon para ayusin ang nakabahurang barko dito. Iginigiit din ng China na lumabag ang gayong mga operasyon sa isang “bagong modelo” na kasunduan sa kumander ng Western Command ng AFP, na sinasabing may basbas ng mga upisyal ni Marcos.

Higit na pinatindi ng China ang panghahamok nang binomba nito ng tubig ang mga barko ng Pilipinas na nagpapatrolya sa Scarborough Shoal, at nang magbanta itong aarestuhin, simula Hunyo 15, ang mga dayuhan na “manghihimasok” sa katubigan na walang batayan nitong inaangkin.

3. Ang tumitinding panghahamok ng China sa Pilipinas ay pagbabago sa mahabang kasaysayan ng ugnayang sosyo-ekonomiko, pangkultura at diplomatiko, at mapayapang pag-iral ng dalawang bansa, kung saan ang teritoryong pandagat at lugar pangisdaan ay matagal na kapwa pinakinabangan ng mga mangingisda mula sa dalawang bansa, pati na rin mula sa ibang bansa. Lalong nagiging antagonistiko ang China sa mamamayang Pilipino mula nang naging isa itong imperyalistang kapangyarihan simula sa huling bahagi ng dekada 2000.

Ang kontradiksyon sa pagitan ng China at mamamayang Pilipino ay tumindi sa ilalim ng nagdaang rehimeng Duterte. Para kunin ang pabor ng China, isinantabi ni Duterte ang desisyon ng International Arbitral Tribunal noong 2016 at nanikluhod sa paghahari-harian ng China sa South China Sea, kapalit ng mga pangako ng pampulitikang suporta at pamumuhunan ng malaking halaga sa mga proyektong imprastruktura sa Pilipinas. Nagbulag-bulagan si Duterte sa pagtanggi ng China na iatras ang napakalaking presensya nito sa Scarborough Shoal, sa kabila ng pangako na hindi pipigilan ang mga Pilipino na mangisda sa lugar. Habang nagsusunud-sunuran si Duterte sa China, patuloy na pinalakas ng gubyerno ng US ang ugnayan nito sa AFP kung saan nagbigay ito ng hindi bababa sa \$600 milyon mula 2016 hanggang 2022, at pinalakas ang mga operasyong nabal sa Pilipinas at mga kalapit na dagat.

Umigting at naging lantarang ang panghahamok ng China nitong nagdaang taon sa harap ng pagpapahigpit ng rehimeng Marcos ng pakikipagsabwatan sa plano ng US na palawakin ang presensyang militar nito sa bansa, kapalit ang suportang militar at pulitika ng US. Mula 2022, pinahintulutan ng rehimeng Marcos ang US na palawakin ang presensya sa loob at palibot ng Pilipinas, at ipinwesto ang mga kagamitan at tropang militar sa naiulat na 17 lugar sa buong bansa, kabilang ang siyam na upisyal na “napagkasunduang mga lokasyon” sa ilalim ng EDCA.

Sa udyok ng mga tagapayong militar ng US, naglunsad ang rehimeng Marcos, sa pamamagitan ng AFP at Philippine Coast Guard, ng higit na mga agresibong operasyon sa West Philippine Sea simula 2023. Sa ilang pagkakataon, nagsagawa ang Philippine Coast Guard ng mga “supply mission” sa Ayungin Shoal na nagdala ng mga kagamitan para sa konstruksyon para sa BRP Sierra Madre, na malinaw na may layuning kantiin ang China, na tumugon naman sa anyo ng maniobrang panghaharang at pambobomba ng tubig sa mga barko ng Pilipinas.

Pumasok din kamakailan lamang si Marcos sa isang “alyansang trilateral” kasama ang US at Japan, na tumuligsa sa “mapanganib at agresibong kilos” ng China sa South China Sea.

Sa kabila ng pagdedeklara ng kanyang intensyong maghanap ng “isang mas mapayapang paraan” sa paglutas sa mga tunggalian sa China, patuloy si Marcos at kanyang mga upisyal sa pang-uupat sa kanyang mga pwersang militar na maghanda laban sa “panlabas na banta” na malinaw nakapatungkol sa China. Patuloy na itinutulak ni Marcos ang mga sasakayang nabal at pandagat ng Pilipinas na maglunsad ng mas maraming operasyon na nagpapatindi sa tensyon sa China.

Bigo si Marcos na bigyang prayoridad ang mga daluyang diplomatiko at pampulitika, gayundin ang ligal na mga hakbang, para igiit ang makatwirang pag-angkin ng bansa sa West Philippine Sea, na pinagtibay ng desisyon ng IAT noong 2016. Pinupunto ng mga ekspertong ligal kung paanong sinayang ng gubyerno ng Pilipinas ang tagumpay nito sa IAT noong 2016, nang walang kahit anong pagsisikap na itulak ang karapatan ng bansa para sa danyos laban sa China sa kaukulang mga internasyunal na korte.

4. Sa nakalipas na ilang buwan, kapansin-pansin ang ikinukumpas na kampanya na lumikha ng multong China para manipulahin ang isip ng mga Pilipino at paypayan ang Sinophobia (o galit sa mga Chinese). Isa sa nangunguna dito si Commodore Jay Tarriela, na kamakaila’y pumailalim sa pagsasanay sa Washington na pinondohan ng embahada ng US, na walang tigil ang bunganga sa mga tiradang anti-China. Sa araw-araw, bumabaha ang mga balita at komentaryo na pumupukaw sa sa negatibong pampublikong sentimyento laban sa China. May ilang may mabuting intensyong mga indibidwal at organisasyon ang natatangay sa ahitasyon ng US para sa gera.

Kabilang dito ang pinapaypayan sa midya na “nakaaalarmang paglaki” ng “libu-libong” estudyanteng Chinese sa prubinsya ng Cagayan (na may nagsabing baka mga “espiya”) na kalaunan ay pinasinungalingan ng mga paaralan at maging ng mga ahensya ng gubyerno. Sinabi rin kamakailan ng nangungunang mga upisyal ng AFP na nagrerekrut ang China sa hanay ng mga heneral para ikalat ang hinala ng pang-eespiya. Si Marcos mismo ay nagpahayag sa publiko na mayroong mga tangka ng “impiltarsyon” ng dayuhang mga kapanagyrihan. Pinagtatakpan naman nila ang katotohanang ang nangungunang mga upisyal ng AFP ay matagal nang tumatanggap ng indoktrinasyon at pagsasanay mula sa US, at na matagal nang nagsisilbing mga tagapayo ng AFP ang mga upisyal militar ng US.

Para hikayatin ang mga sentimyentong anti-China, pinapaypayan rin ngayon ang iligal at kriminal na mga aktibidad na ginagawa sa likod ng “Philippine Offshore Gaming Operations” o POGO, na hinikayat rin naman ng gubyerno ng Pilipinas. Ang usap-usapan ngayon sa pagkakasangkot ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa iligal na operasyon ng POGO ay ginagamit para lumikha ng mga hinala na isa siyang “sleeper agent” o tuta ng China.

Kamakailan, pinatatampok sa midya ng Pilipinas ang pambibintang ng mga upisyal ng gubyerno ng Pilipinas, kahit walang tuwirang ebidensya, na ang China ang nagtambak ng tumpok ng patay ng koral na natagpuang sa Escoda Shoal, ang pinakamalapit na maritime feature sa Palawan. Ito rin ang mga upisyal militar na kamakailan lamang ay labis-labis ang pagkamangha sa pambobomba at pagpapasabog ng rocket sa karagatan ng Pilipinas na isinagawa ng militar ng US noong nakaraang Balikatan war exercises, pero walang sinabi tungkol sa labis na pinsala nito sa kalikasan, yamang karagatan at kabuhayan ng mamamayan.

5. Tunay na pambansang kalayaan, kapayapaan at kaligtasan ang hangad ng sambayanang Pilipino sa gitna ng sumisidhing inter-imperyalistang sigalot. Tungo rito, dapat nilang batikusin ang imperyalismong US sa pagsasamantala sa mga hidwaan sa karagatan ng Pilipinas at China upang kaladkarin ang Pilipinas sa pang-uupat at paghahanda nito ng gera laban sa imperyalistang karibal nitong China. Kasabay nito, dapat nilang itulak ang China na galangin ang mga pasya ng International Arbitral Tribunal noong 2016, at aktibong itulak ang pagdadayalogo at mapayapang resolusyon ng mga hidwaan sa karagatan.

Dapat ubos kayang labanan ng sambayanang Pilipino ang imperyalistang gera at gerang proxy, batikusin ang panghihimasok militar at pang-uupat ng gera, igiit ang pagpapaalis sa lahat ng pwersang militar ng US sa lupa at teritoryong pandagat ng bansa, at labanan ang pagpapakatuta ng rehimeng Marcos sa estratehiya sa heyopulitika ng US na humahadlang sa mapayapang resolusyon ng mga sigalot.

Sa partikular, dapat igiit ng sambayanang Pilipino ang paglalansag sa lahat ng base at pasilidad militar ng US sa Pilipinas, kabilang ang mga upisyal na idineklara sa ilalim ng EDCA, pati na ang mga sikretong pasilidad militar ng US< at ang pag-aalis ng lahat ng sandata ng US na nakapusisyon sa mga ito.

Dapat aktibong itulak ang demilitarisasyon sa West Philippine Sea, kabilang ang pag-aalis ng lahat ng barkong nabal ng US at mga alyado nito, pati na ang mga barko at mga sasakyang pandagat ng Coast Guard ng China, mula sa mga teritoryong pandagat ng Pilipinas, at sa exclusive economic zone at extended continental shelf nito, gayundin ang paglalansag ng mga pasilidad militar ng China sa Spratly Islands.

Dapat manawagan sila sa internasyunal na komunidad na na tuligsain ang US, France, Australia at Japan sa ginagawang pagpapatindi ng tensyong militar sa rehiyon.

Kaugnay ng mga sigalot sa karagatan sa China, dapat aktibong manawagan ang sambayanang Pilipino ng dayalogo at mapayapang resolusyon ng mga hidwaan sa pagitan ng Pilipinas at China alinsunod sa pasya noong 2016 ng International Arbitral Tribunal. Dapat hikayatin nila ang pagkakaisa ng mga kalapit bansa sa palibot ng South China Sea, at manawagan sa United Nations at iba pang pormasyong internasyunal, para itulak ang China na tumalima sa mga pasya alinsunod sa UNCLOS, na kanyang pinirmahan at kinabibilangan.

Maaaring itulak ang pagsasampa ng mga kaso sa mga dayuhan at internasyunal na korte para papagbayarin ang China sa halaga ng winasak na yamang karagatan dulot ng ginawang reklamasyon ng lupa, pangingisdang industriyal, konstruksyon ng mga pasilidad militar, at sa upa sa paggamit ng mga pasilidad militar sa Fiery Cross Reef, Subi Reef at Mischief Reef.

Dapat ding igiit ng sambayanang Pilipino ang China na ihinto na ang paggamit ng agresibong pwersa laban sa mga sibilyang, laluna ang maliliit na mangingisda, iatras ang mga armadong barko at mga pang-industriyang sasakyang pangisda sa Scarborough Shoal, at galangin ang karapatan ng mga mangingisdang Pilipino at iba pang nasyunalidad na isagawa ang tradisyunal na pangingisda sa lugar. Dapat batikusin ang China sa taliwas sa batas at imperyalistang utos na arestuhin ang mga mangingisda sa inaangkin niyang tubig sa saklaw ng West Philippine Sea, at igiit ang kagyat na pagbabasura nito.

Dapat manindigan para sa pagmamabutihan at mapayapang pag-iral ng Pilipinas at China, batikusin ang gubyernong Marcos sa pagtulak ng gera bilang instrumento ng pambansang patakaran at sa kabiguan nitong itulak ang mapayapang resolusyon ng mga hidwaan sa China. Dapat ding hingin sa China na buong-linaw na ideklara na wala itong intensyong gumamit ng armadong lakas laban sa Pilipinas.

Nananawagan ang Partido sa sambayanang Pilipino na itatag ang malapad na nagkakaisang prente at buklurin ang lahat ng patriyotikong organisasyon, institusyon at mga indibidwal na naghahangad ng tunay na pambansang kalayaan, tumututol sa imperyalistang gera at gerang proxy, at naglalayon ng mapayapang resolusyon ng mga hidwaan sa pagitan ng mga bansa.

Dapat paigtingin ng sambayanang Pilipino ang paglaban sa imperyalistang paghahari ng US sa Pilipinas, panghihimasok militar at pang-uupat ng gera. Nananawagan ang Partido sa lahat ng sektor na suportahan ang armadong pakikibaka ng Bagong Hukbong Bayan laban sa pasistang galamay ng imperyalismong US, na ginagamit ng US sa pang-uupat nito ng gera. Ang pagsusulong ng armadong pakikibaka laban sa papet na hukbo ng US ay mahalagang ambag sa pagsisikap na pigilan ang pagsiklab ng inter-imperyalistang gera.

Dapat itatag ng sambayanang Pilipino ang pakikipagkapatiran sa mamamayan sa buong daigdig, kabilang ang mamamayan Amerikano at Chinese, upang isulong komun na mga hangarin para sa kapayapaan at pagwawakas sa inter-imperyalistang mga gera o mga gerang sinulsulan ng imperyalismo. Dapat silang magkaisa para itulak ang US na ihinto ang pagpapaypay at pagpapatagal ng mga gera tulad sa Ukraine, Gaza at iba pang bahagi ng mundo, na nagsasapanganib sa mga buhay, kalayaan at seguridad ng lahat ng mamamayan.

Labanan ang panunulsol sa gera ng US at itaguyod ang mapayapang resolusyon ng mga sigalot sa China