Ligtas na pag-atras ng yunit ng BHB, alay ng martir ng sambayanan
Patraydor na inatake ng magkakumbinang pwersa ng 31st IB at Provincial Mobile Force Company ang isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan ng Celso Minguez Command, 6:05 ng umaga sa Bgy. Gabud, Bulan, Sorsogon noong Disyembre 15. Nag-alay ng buhay sina Robert “Ka Mio” Estiller, Gaspar “Ka Gabby” Gracela, Eddison “Ka Lito” Omrog at Ka Poy.
Mapagpasyang pinanghawakan ng mga pulang kumander na si Ka Mio, kasama ang mga mandirigmang sina Ka Lito, Ka Gabby at Ka Poy, ang organisadong pagharap ng pormasyon ng BHB sa magtatatlong oras na labanan. Sa huli, inialay nila ang kanilang buhay para bigyan ng sapat na panahon na makaatras ang kanilang mga kakolektibo tungo sa ligtas na tereyn.
Matapos ang labanan, ilang ulit na bumalik ang helicopter ng AFP para mabilis na maitago ang kanilang mga nasawi sa labanan. Ayon sa mga nakasaksi, tinatayang hindi bababa sa sampu ang naging kaswalti sa hanay ng mersenaryong hukbo.
Iniaalay ng RJC-BHB Bikol ang pinakamataas na pagdakila sa apat na martir ng rebolusyong Pilipino. Pinagpupugayan ng buong rebolusyonaryong kilusan ang kanilang mga kapamilya at kaibigan sa pagpapanday ng mga matatapat na pulang mandirigma’t kumander. Makakaasa ang mamamayang Pilipino na ipagpapatuloy ng lahat ng kumand ng BHB sa rehiyong Bikol ang mapagpasyang pagharap sa pasista’t teroristang atake ng MO32 at EO70.
Lumaban para lumaya!
Isulong ang makatarungang digma ng mamamayan!