Pahayag

Liham ni Ka Eliza sa mga kapwa ina

Para sa aking mga kapwa ina,

Hindi natin maikakaila ang maramdaman ang walang katulad na kaligayahan sa pagdinig natin sa unang pag-iyak ng ating anak. Sa yugtong ito ipinangako nating i-iiwas siya sa anumang panganib at aalagaan natin siya higit pa sa ating mga buhay.

Gumuho ang mundo ko nang makita ang nakahandusay na katawan ng aking anak sa kalsada habang ang ulo’y nakasandig sa gilid ng barandilya ng daanan ng tao. Nababalot ng packaging tape ang buo niyang katawan. Ang kanyang dugo ay pilit na nagpupumiglas sa mga pagitan ng mga butas ng packaging tape habang unti-unti itong dumadaloy sa mga kanal patungong imburnal. Sa gilid ng kanyang katawan mayroong karton na may nakasulat na “gumamit ako!, drogista ako!”.

Hindi ako makapaniwala! Ang aking si Emmanuel na lagi kong iniiwas sa kagat ng lamok, ngayon ay pinagpipiyestahan ng langaw habang naliligo sa sariling dugo. Nanlumo ako nang makita na tadtad ng bala ang kanyang katawan – halos wasakin ang kanyang bungo. Hindi ako makapaniwala, kahapon lang ay masaya kaming magkakasama sa bahay. Nakikipag-asaran at nakikipagkulitan sa kanyang mga kapatid.

Mabait at responsableng anak si Emanuel. Disisais palang siya. Siya ang panganay sa kanilang tatlong magkakapatid. Tumigil siya sa pag-aaral dahil tutulong na lang daw siya sa akin sa paghahanapbuhay. May sakit ang ama niya at kailangan ng maintenance kaya kahit mahirap sa kanya ang tumigil sa pag-aaral, ginawa niya. Nanghihinayang ako dahil matalino siyang bata. Laging honor student sa eskwelahan.

Nang tumigil siya sa pag-aaral nasabak siya sa maagang pagtatrabaho. Sa umaga, nag-iikot siya sa mga subdibisyon para mangalap ng mga basura. Sa hapon naman pupunta siya sa palengke, makikipagbuhatan. Ang kinikita niya sa maghapon ay ibinibigay niya sa akin o ‘di kaya’y binibili niya na ng bigas at ulam pag-uwi. Kapag may sobra, kahit limang piso lang, ay itinatabi niya ‘yon. Mag-iipon daw siya para sa pag-aaral ng kanyang mga kapatid.

Wala siyang barkada. Tanging bisikleta lang ang kasa-kasama niya araw-araw. Hindi man lang siya natutong manigarilyo at uminom. Lagi niyang sinasabi sa akin na walang maitutulong ‘yon sa kanya – ang ibibili niya ng isang stick ng sigarilyo ay ibibili na lang niya ng pagkain ng kanyang mga kapatid. Minsan pinapayagan ko siyang manood ng sine o kahit anong makalilibang sa kanya. Hindi niya ‘yon ginawa kasi mas importante sa kanya ang isang araw na pagtatrabaho kaysa maglakwatsa.

Responsable ang anak ko. Wala siyang kasalanan. Wala siyang linalabag na batas. Hindi siya nasangkot sa anumang krimen sa aming baryo. Hindi ako naniniwala na gumamit siya ng ipinagbabawal na gamot. Napagbintangan lang ang anak ko. Paano nila napatunayang gumagamit ang anak ako? Hindi sila ang nagpalaki sa kanya. Hindi nila alam. Wala silang alam. Parang hayop ang ginawa nila sa anak ko. Tinadtad pa nila ng bala. Hindi na sila naawa.

Masakit ang mawalan ng isang anak laluna sa ganoong paraan. Galing siya sa sinapupunan ko at naging karugtong ng aking hininga. Iningatan hanggang sa maisilang. Ilinayo sa mga sakit at ano pang panganib. Ginabayan hanggang sa magkaroon ng malay sa kanyang paligid. Tinuruan namin siya ng tamang asal at kabutihan sa kapwa.

Bakit ang anak ko?

Hindi ako makapaniwala na sa maruming gyera kontra-droga tatapusin ang buhay ng anak ko. Parang Batas Militar ni Marcos ang ginagawa ng gubyerno. Pinatutunayan ni Duterte na wala siyang pinagkaiba sa ibang mga presidente. Lalo pa nga niyang pinabulok ang gubyerno. Walang due process ang sistema ng hustisya sa Pilipinas. Dinadaan nila sa dahas. Habang sinusupil nila ang mga mamamayan, hindi naman hinuhuli ang malalaking drug lord.

Para sa mga ina, huwag tayong pumayag na magpatuloy pa ang ganitong modus operandi ng gubyerno. Kailangan nating tapusin ang marahas na panunupil sa atin at lalong lalo na sa ating mga anak. Huwag na nating hayaang maraming kabataan ang hindi makakamit ang kanilang mga pangarap, ang wala nang kinabukasang maaasahan, dahil tinapos lang ng mga balang pinakakawalan ng gubyernong ito.

Para sa sambayanan,

Ka Eliza
Kasapi ng MAKIBAKA-Bikol

Liham ni Ka Eliza sa mga kapwa ina