Pahayag

Upisyal na pahayag ng Kabataang Makabayan sa Cagayan Valley para sa ika-59 anibersaryo ng pagkakatatag ng KM Lumaban para sa tunay na demokrasya at kalayaan! Kabataan, tahakin ang landas ng armadong paglaban!

, ,

Sa okasyong ito ng ika-59 anibersaryo ng pagkakatatag ng Kabataang Makabayan (KM), kasabay ang ika-160 taon ng kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio, bayani at supremo ng Katipunan na nakibaka para sa pambansang paglaya laban sa kolonyalistang Espanyol, marapat lamang na gunitain ang makasaysayang araw na ito na puno ng militansya at pagsasabuhay sa diwa, mga aral at adhikain kapwa ng KM at ng Katipunan.

Ngayon higit kailanman, tumitingkad ang mahalagang papel ng mga kabataan para sa radikal na pagbabagong panlipunan at ang pangangailangan at kawastuhan ng linya at programa ng pambansa-demokratikong rebolusyon sa harap ng tumatalim na inter-imperyalistang ribalan ng US at China, at tumitinding kronikong krisis sosyo-ekonomiko sa mga neokolonya katulad ng Pilipinas.

Sumasadsad ang ekonomya ng bansa—malaganap ang disempleyo, mala-alipin ang sahod ng mga manggagawa, di-mapigilan ang pagtaas ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin, lubog sa pagkabangkarote ang mga magsasaka at malaganap ang pangangamkam ng lupa at pagpapalit-gamit ng malalawak na lupaing agrikultural. Sa kanayunan, paghaharing-militar ang nangingibabaw sa mga baryong isinailaim sa RCSP habang walang-pakundangang binobomba mula sa himpapawid ang mga sibilyang komunidad, sakahan at bundok. Pinapaluhod sa takot ang mga magsasaka, binabansagang terorista at “pinagsusurender,” dinudukot, at pinapatay.

Kaalinsabay nito ay tahasang niyuyurakan ang kasarinlan at soberanya ng bansa sa pagpapahigpit ng dominasyong militar ng US sa bansa at pangangayupapa ni Marcos sa amo nito. Kinakaladkad ng US ang Pilipinas sa gera nito laban sa China. Gamit ang kalupaan at karagatan ng bansa, nagtatayo ito ng mga base at pasilidad militar, naglulunsad ng mga war games kasama ang ilang libong sundalong Amerikano habang patuloy ang panunulsol nito sa Taiwan upang udyukan ang China. Ang buong hilagang Luzon, partikular ang Cagayan Valley ay nanganganib ang buhay at kabuhayan ng mamamayan, lalo na ng mga magsasaka at kabataan na pangunahing apektado sa mga pagtatayo ng mga “EDCA site.”

Ang militarisasyon sa kanayunan ay tumatagos hanggang sa mga eskwelahan na pangunahing tumatarget sa mga kabataan. Kaliwa’t-kanan ang pagbubuo ng mga binibihisang “people’s organization” at mga kontra-rebolusyonaryong porum ng AFP at PNP. Ipokritong nananawagan ng “diwang makabayan” at “patriyotismo” sa pamamagitan ng mandatory ROTC habang pinipigilan ang kabataan na maging kritikal at mapanuri at binabansagang “NPA subjects” ang pag-aaral ng lipunan at kasaysayan ng bansa at pandaigdigang kalagayan. Sa imbing layuning ilihis ang mga kabataan sa mga pangunahing usapin—ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo bilang mga batayang suliranin ng lipunang Pilipino—pawang paninira lang sa NPA at sa armadong pakikibaka ngunit hindi naman inuugat kung bakit nga ba may armadong tunggalian sa bansa.

Sa kabilang panig, ang mga kabataang kritikal sa mga isyung panlipunan at nagsusulong ng tunay na interes, hindi lamang ng kanilang sektor kundi ng buong mamamayan, ay ipinapailalim sa surbeylans at nire-red-tag. Katulad na lamang nitong nakaraang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections kung saan nakapagtala ng ilang kaso ng red-tagging sa mga tumatakbong progresibong kabataan sa prubinsya ng Isabela.

Hindi matatakpan ng mga pakanang ito ang katotohanang lubos na naghihikahos ang mga mamamayan ng Cagayan Valley. Saan mang dako ng rehiyon makikita ang mga batang nasa walong taong gulang lamang na nagtatrabaho na sa bukid—nagtatanim at nagpipitas ng mais, naglalagay ng abono at pestisidyo at iba pa—na kumikita ng mas mababa kaysa sa karaniwang sinasahod. Hungkag at walang-silbi ang baryang dagdag sahod dahil sa mga liblib na lugar, nanatiling nakapako sa ₱150-₱300 ang arawang kinikita ng mga seasonal na magsasaka, mas mababa pa para sa mga bata. Ipinagmamalaki ng rehiyon na ito raw ang may pinakamalaking tantos empleyo sa buong bansa ngunit kung tutuusin, kalakhan ay pleksibleng paggawa na kalakhan ay kabataan at malaganap na child labor. Mismong ahensya ng DOLE Region 2 na ang nagbanggit sa pag-iral ng mga child laborers, mga bata at kabataang dapat sana ay nasa loob ng paaralan.

Sa halip na tugunan ang kawalan ng sapat at maayos na silid-aralan sa mga eskwelahan, at taun-taong budget cut na nagkakait sa mga kabataan para sa abot-kaya at de-kalidad na edukasyon, mas pinagtutuunan ng pansin ng estado ang panggigipit sa karapatan ng mga kabataang organisahin ang sarili at binubusalan ang bibig upang pigilan silang magpahayag ng kritisismo at pagsususri, at paglaban para sa kanilang mga demokratikong karapatan. Pilit na pinatatahimik ang nagkakaisang boses ng kabataan para sa karapatan, edukasyon, katarungan at hustisya.

Sa pagtindi ng pagsasamantala at pang-aapi sa mamamayan, walang ibang pagpipilian ang mga kabataan kundi ang higit pang bigkisin ang pagkakaisa, sama-samang pagkilos at tahakin ang landas ng armadong paglaban sa kanayunan na inilulunsad ng Bagong Hukbong Bayan, tulad ng ginawa nila Andres Bonifacio na itinaas ang itak ng mga Katipunero laban sa mga mananakop. Mananatiling hungkag at bigo ang mga hakbangin ng estado na matutuldukan ang ugat ng insurhensya sa simpleng pagdungis sa pangalan at prestihiyo ng BHB, at lantay-militar na mga hakbangin. Kasaysayan na ang nagpatunay, at nagpapatunay, mula pa ng panahon nila Bonifacio, na hanggat may pang-aapi at pagsasamantala, lilitaw at lilitaw ang armadong lakas ng mamamayan.

Sa pagpapatuloy sa halos anim na dekada nang pakikibaka ng kabataang Pilipino sa pamumuno ng Kabataang Makabayan, marapat lamang na gunitain at bigyang-pugay si Kasamang Jose Maria Sison, ang pangulong tagapagtatag ng KM. Malaking papel ang ginampanan ng KM at Ikalawang Kilusang Propaganda sa paghahasik ng binhi ng demokratikong rebolusyong bayan na malaon nang lumago at namunga. Matamang inilatag at inakay ni Kasamang Joma ang makabayang kabataan sa tunay na daan ng pagbabagong paglaban—ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka.

Lumaban para sa tunay na demokrasya at kalayaan! Kabataan, tahakin ang landas ng armadong paglaban!