Magsasakang Palaweño, ipaglaban ang lupa at pangangalaga sa kalikasan!

Sa paggunita sa ika-36 taon ng masaker sa mapayapang pagkilos ng mga magsasaka sa Mendiola, at sa gitna ng pagkawasak ng malalawak na taniman sa timog Palawan, dapat magbigkis ang mga magsasakang Palaweño para labanan ang lahat ng proyektong nangwawasak sa kanilang kabuhayan at kapaligiran. Hindi pa ganap na nakakabawi sa pinsala ng bagyong Odette noong 2021 at Paeng nitong Oktubre 2022, muli na namang sinalanta ng tuluy-tuloy na pagbaha ang kabuhayan ng mga magsasaka sa probinsya.

Pinakamatinding tinamaan ang bayan ng Brooke’s Point na nakapagtala na ng aabot sa P103 milyong pinsala sa agrikultura at imprastraktura. Pinalawig na ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang state of calamity sa nasabing bayan tungong anim na buwan sa tindi ng pinsala. Nakagigimbal ang tindi ng pinsala gayong walang malakas na bagyo o kalamidad na tumama sa bansa. Epekto na ito ng dambuhalang proyektong mina at kaakibat nitong malakihang pagtotroso na kumalbo sa malalawak na kagubatan hindi lamang sa Brooke’s Point kundi maging sa iba pang bayan sa isla.

Ang timog ng Palawan ang konsentrasyon ng malalaking minahan sa probinsya. Liban sa Balabac at Aborlan, nagpapatuloy ang operasyon ng pagmimina ng mga kumpanyang Riotuba Nickel Corp., Ipilan Nickel Corp., MacroAsia Mining Corp., Berong Nickel Corp., Pyramid Hills Mining and Industrial, Coral Bay Mining Corp., at Citinickel Mining & Development Corp. Ang mga aktibidad ng mga kumpanyang ito ang pangunahing responsable sa malawakang pagkakalbo ng kagubatan sa mga nasabing bayan na dapat sana’y proteksyon ng mamamayan sa hagupit ng malalakas na kalamidad. Sa kabila ng mga hakbanging ipinatutupad ng lokal na gubyerno, nasa 5,500 ektaryang kagubatan pa rin kada taon ang nakakalbo dulot ng mga aktibidad ng tao, pangunahin ang mina at mga proyektong agro-turismo. Aabot sa 429 ang claim at aplikasyon sa mina sa probinsya na sasaklaw sa mahigit kalahati ng lupain nito o 850,000 ektarya ayon sa Mines & Geosciences Bureau (MGB). Kasalukuyan nang sinasaklaw ng mining tenements (permit o lisensya para sa pagmimina mula sa gubyerno) ang mahigit 28,000 ektarya ng lupain sa probinsya.

Bukod sa pinsala ng mga natural na kalamidad, delubyo ring maituturing ng mamamayang Palaweño ang pangangamkam ng lupa ng mga dayuhan at lokal na naghaharing-uri sa pakikipagsabwatan dito ng lokal at mga ahensya ng gubyerno. Liban sa mina, nananalasa sa probinsya, laluna sa timog ang mga proyektong “mono-crop plantation” ng mga dayuhang transnasyunal na kumpanya kasabwat ang mga lokal na malalaking burgesya kumprador at burukratang tulad nina Jose Chavez Alvarez, Joel Reyes at Dennis Socrates. Kilala ang mga kumpanya ng San Andres, Cavdeal, Agumill bilang pangunahing nagpapatanim ng oil palm sa probinsya; Cardinal Agri sa niyog; Cargill at Nestle sa kape at Del Monte sa saging at pinya. Pinakamalawak ang saklaw ng mga plantasyon ng oil palm na mahigit 6,000 ektarya at patuloy pang nagpapalawak.

Kung tutuusin, malawak ang lupain ng Palawan na siyang pinakamalaking probinsya sa buong bansa sa usapin ng lupaing saklaw na may 1,789,655 ektarya. Pangunahing ikinabubuhay ng mayorya o 64% ng mamamayang Palaweño ang pagsasaka. Pinakamarami sa kanila ang nagtatanim ng palay, kasunod ang niyog, mais, saging, kasuy at iba pang pananim. Halos 30% o 447,776 ektarya ng lupain ng Palawan ang deklaradong alienable at disposable o maaaring bungkalin at pagyamanin sa kapakinabangan ng mamamayan pero 35% lamang nito o 188,518 ektarya ang napagyayaman para sa agrikultura ayon mismo sa datos ng reaksyunaryong gubyerno noong 2016.

Ang namamayaning monopolyo sa lupa ng mga dayuhan at lokal na panginoong-maylupa at malalaking burgesya kumprador at ang apat na dekadang pag-iral ng neoliberalismo sa buong Pilipinas ang nagtulak sa masang Palaweño sa kumunoy ng karalitaan at ibayong pagkawasak ng kalikasan. Ayon sa konserbatibong ulat ng Community-Based Monitoring System (CBMS) noong 2014, aabot sa 61% ng kabuuang sambahayan ng 20 sa 23 bayan sa Palawan ang kumikita nang mas mababa sa (poverty threshold). Pinakamalala ito sa Quezon, Linapacan, Sofronio Española, Agutaya, at Balabac.

Nananatiling atrasado at maliitan ang pagsasaka sa probinsya. Dalawampu’t apat na porsyento (24%) lamang sa mga palayan ang may irigasyon habang mayorya ng mga katutubong nagpapalayan sa timog ay naghihintay lamang ng patak ng ulan at walang ibang gamit sa produksyon kundi ang mga tukaw o gulok. Sa mga bayan ng Bataraza, Brooke’s point, San Vicente, Taytay, Puerto Princesa City, Narra at Quezon na may malalawak na palayan, nanatili ang paggamit ng araro at kalabaw habang may pailan-ilan lamang na traktora. Masahol pa, mula nakaraang taon ay halos nag-triple ang presyo ng mga farm inputs tulad ng abono’t pestisidyo kasabay ng pagpaimbulog ng presyo ng petrolyo at arawang bilihin na halos di makayanan ng mga magsasaka dahil hindi naman tumataas ang benta ng kanilang mga produktong bukid.

Bunga nito, lalong lumalaganap ang sistemang pagpapaupa ng mga manggagawang-bukid bilang dagdag pansustento sa kanilang pangangailangan kapalit ang napakababang sahod na P300 o mas mababa pa. Ang mga kalagayang ito ang labis na sinsamantala ng mga panginoong maylupa at mga komersyanteng usurero sa pamamagitan ng mataas na pagpapaupa sa mga makina, mababang sahod ng manggagawang bukid at napakataas na 15% na interes sa pautang. Pinakamasahol ang sistemang “bungguan” sa mga manggagawang bukid kung saan iniipit ang kanilang sahod para mapilitang mangutang kapalit ang napakataas na interes.

Sa mga plantasyon, ang mga magsasakang may-ari ng lupa ay nagiging mga manggagawang bukid sa sariling lupain dahil sa panggagantso ng mga dambuhalang kumpanyang multinasyunal. Sa isang kwentada ng taunang kita ng Cavdeal noong 2012, sa bawat P1 na kita ng magsasakang may-ari ng lupa, P128 ang napupunta sa kumpanya. Barat na barat ang sahod ng mga manggagawang bukid kung saan sa bawat P1 na sinasahod niya, P893 ang napupunta sa kumpanya.

Ipinagmamalaki ng lokal na gubyerno sa probinsya at mga ahensya ng gubyerno ang pagbubuhos umano nila ng tulong sa sektor ng agrikultura ngunit ang mga ito ay pawang palpak, selektibo at batbat ng korapsyon. Sa mas maraming panahon, kasangkapan sila ng lokal at dayuhang mga kapitalista sa panlilinlang at pagnanakaw sa masang magsasaka at minorya. Garapalan nilang inihahain at isinusubasta ang likas yaman at pambansang patrimonya kapalit ng kapangyarihan, pabor at pabuya. Sa gitna ng matitinding dagok na kinakaharap at pinapasan ng mga Palaweño, nagtetengang-kawali sila sa panawagan ng mamamayan, mga grupong makakalikasan at progresibong indibidwal at lingkod bayan na itigil ang mapaminsalang mga proyekto tulad ng mina sa probinsya at ang paggigiit na pagtuunan ng pansin ang pagsuporta at pagpapaunlad sa sektor ng agrikultura. Pabaya at inutil sila, tulad ng ilehitimong rehimeng Marcos-Duterte sa kalunus-lunos na kalagayan ng masang anakpawis. Masahol pa, iwinawasiwas nila ang brutal na panunupil sa malakas na kilusang masa laban sa mina at iba pang anyo ng pagsasamantala sa tabing ng gera kontra-“terorismo”. Lalo nilang inilalantad ang sarili bilang mga papet at sunud-sunuran sa interes ng dayuhan at lokal na naghaharing-uri.

Dapat ibayong magbikis ang mamamayang Palaweño para ipatigil at ipagbawal ang mapaminsalang operasyon ng mina, at lahat ng anyo ng malawakang pagsira sa kalikasan. Kasabay nito, dapat magkaisa ang mga magsasaka, setler at iba’t ibang minoryang grupo sa probinsya para depensahan at pangalagaan ang karapatan sa lupa at kalikasan ng Palawan. Dapat nilang igiit at isulong ang tunay na reporma sa lupa at paunlarin ang atrasadong agrikultura at pagsilbihin ito sa pangangailangan ng lahat ng mamamayan. Mahigpit na kaugnay ng pakikibaka para sa lupa ng mga magsasaka at minorya ang paglaban at pagtatanggol sa soberanya ng mamamayang Pilipino laban sa anumang dayuhang pagsasamantala, pandarambong at panghihimasok. Dapat silang sumalig sa demokratikong rebolusyong bayan bilang tanging solusyon sa kahirapan sa buong bansa na magbabagsak sa tatlong salot ng lipunang Pilipino na imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Sa pagtatayo ng demokratikong gubyernong bayan, maitatatag ang lipunang tunay na masagana at makatarungan na pakikinabangan ng nakararaming mamamayan.###

Magsasakang Palaweño, ipaglaban ang lupa at pangangalaga sa kalikasan!