Pahayag

Makatuwiran at Makatarungang Galit: Mariing Pagkondena ng Katipunan ng Gurong Makabayan – Balangay Jessica Sales sa Pasistang Aerial Bombing at Strafing ng Philippine Army sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro

Mariin at buong galit na inihahayag ng Katipunan ng Gurong Makabayan (KGM)–Balangay Jessica Sales ang pagkondena sa pasistang pambobomba ng 76th at 68th Infantry Battalion at 5th Scout Ranger Battalion ng Philippine Army sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro noong unang araw 2026. Ayon sa mga saksi, hindi bababa sa 12 bomba ang ibinagsak ng mga helicopter ng mersenaryong militar, na sinabayan pa ng tuloy-tuloy na strafing sa mga komunidad. Bunga nito, tatlong kabataang Mangyan-Iraya ang napatay at sugatan ang kanilang ina. Binawian din ng buhay si Jerlyn Rose Doydora, mananaliksik, teacher-in-training, at lider-estudyante mula sa College of Education Student Council ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Nananatiling nawawala naman si Chantal Anicoche, isang kabataang aktibista.

Bilang makabayang mga guro at edukador, aming binibigyang-diin na ang aerial bombing at strafing ng Philippine Army sa mga pamayanang Mangyan-Iraya ay tahasang lumalabag sa mga pundamental na prinsipyo ng International Humanitarian Law (IHL), partikular na ang principle of distinction, principle of proportionality, at principle of precaution in attack. Sa ilalim ng Common Article 3 at Additional Protocol II, na sumasaklaw sa mga armadong tunggaliang di-internasyunal, mahigpit na ipinagbabawal ang direktang atake sa mga sibilyan, gayundin ang indiscriminate attacks na hindi nagtatangi sa pagitan ng sibilyan at kombatant.

Ang paggamit ng air-delivered bombs at heavy weapons sa mga lugar na pinamamayanan ng mga katutubo ay hayagang nagpapakita ng pagwawalang-bahala ng reaksyunaryong estado sa obligasyon nitong umiwas sa labis at hindi kinakailangang pinsala sa sibilyang populasyon. Ang pagkamatay ng mga kabataan ay hindi maaaring ikubli bilang collateral damage, kundi nagdudumilat na indikasyong ang naturang operasyon ay labag sa internasyunal na makataong batas.

Maliban pa, ang atrosidad na ito ay isa ring malalang paglabag sa International Human Rights Law. Nilalabag nito ang karapatan sa buhay na ginagarantiyahan ng Artikulo 6 ng International Covenant on Civil and Political Rights (ICCPR), pati na ang mga probisyon ng Convention on the Rights of the Child (CRC) na naggagawad ng espesyal na proteksyon sa mga bata laban sa karahasan at armadong tunggalian. Bilang mga katutubo, ang mga Mangyan-Iraya ay may karapatan din sa ilalim ng UN Declaration on the Rights of Indigenous Peoples (UNDRIP) na hindi mapasailalim sa militarisasyon, sapilitang pagpapalayas, at karahasang sumisira sa kanilang buhay, kultura, at lupang ninuno.

Si Jerlyn ay hindi isang kombatant kundi isang sibilyan, nagsasanay na guro, at mananaliksik na ginabayan ng paniniwalang ang edukasyon ay marapat na umugat sa kongkretong kalagayan ng mamamayan. Ang kanyang pananaliksik at pakikipanayam sa mga pamayanang katutubo at maging sa mga kasapi ng armadong kilusan ay saklaw ng kalayaan sa pag-iisip, pamamahayag at akademikong pananaliksik na ginagarantiyahan ng ICCPR at maging ng saligang batas ng reaksyunaryong estado.

Ang pahayag ng mersenaryong militar na si Jerlyn ay “biktima ng rekrutment” ay isang anyo ng red-tagging at posthumous vilification, na layong baluktutin ang katotohanan at iwasan ang pananagutan. Isa itong paglabag sa kanyang dignidad at sa karapatan ng publiko na malaman ang totoo.

Ang pagkamatay ni Jerlyn at ng tatlong kabataang Mangyan-Iraya, ang pagkasugat ng kanilang ina, at ang pagtago kay Chantal ay hindi hiwalay na insidente kundi bahagi ng higit na malawak at sistematikong padron ng pasistang pandarahas at militarisasyon ng reaksyunaryong estado sa isla ng Mindoro, na naglalayong supilin ang paglaban ng mga pamayanan sa korporado at malakihang pagmimina, pangangamkam ng lupa, at iba pang mapangwasak na proyekto. Ito rin ang konteksto ng nauna nang pagpaslang sa mga magsasakang sina Hulyo Agtay at Juan Sumilhig noong 2025, at estudyanteng si Jay-el Maligday noong 2024, mga kasong hanggang ngayo’y hindi nagagawaran ng katarungan at sumasalamin sa malalim na kultura ng impunity sa ilalim ng naghaharing sistema.

Bilang mga gurong makabayan, naninindigan ang KGM–Balangay Jessica Sales para sa lipunang makatarungan, makatao, demokratiko, at maka-agham, na ang kabataan ay hindi pinupunterya, sinisindak, o pinapaslang ng estado kundi nahuhubog bilang mapanuri at mapagpalayang mamamayan. Ang patuloy na paggamit ng pasistang dahas ng mersenaryong militar bilang pangunahing tugon sa mga suliraning panlipunan ay tahasang sumasalungat sa adhikaing ito at nagsisilbi lamang sa interes ng imperyalismo, pyudalismo, at burukratang kapitalismo.

Kaya naman, kaisa ang KGM–Balangay Jessica Sales ng sambayanan sa mariing pagkondena sa pasistang aerial bombing, strafing, at militarisasyon sa Occidental Mindoro at iba pang panig ng bansa. Patuloy kaming sisigaw sa galit at pagkundena sa harap ng mga paglabag sa internasyunal na makataong batas at karapatang pantao ng mamamayan, lalo na ng mga kabataan at katutubo.

Itigil ang pasistang aerial bombing, strafing, at atake sa katutubo at taumbayan! Panagutin ang 76th at 68th Infantry Battalion at 5th Scout Ranger Battalion ng Philippine Army!
Ilitaw si Chantal Anicoche! Hustisya para kay Jerlyn Rose Doydora, sa mga katutubong Mangyan-Iraya, at iba pang biktima ng pasistang karahasan ng reaksyunaryong estado!

Makatuwiran at Makatarungang Galit: Mariing Pagkondena ng Katipunan ng Gurong Makabayan – Balangay Jessica Sales sa Pasistang Aerial Bombing at Strafing ng Philippine Army sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro