Pahayag

MAKIBAKA-Bicol hinggil sa palpak na blended learning ng DepEd

Ang husga ng mga nanay at magulang – palpak ang blended learning ng Deped! Hindi na nga magkadaugaga sa pasa-todong pagtatrabaho sa loob ng bahay at sa paghahanapbuhay sa gitna ng kalula-lulang krisis, ipapapasan pa sa mga magulang ang pagtuturo sa kanilang mga anak? Saang palad pa sila kukuha ng panggastos at panahon para tugunan ito? Higit pa, paano naman maaasahan ang mga magulang na makapagbigay ng sapat at tamang edukasyon kung sila mismo ay napagkaitan ng pagkakataong makapag-aral?

Ang kabiguan ng blended learning ng DepEd ay repleksyon ng kawalang-malasakit at kalabnawan ng pag-unawa ng reaksyunaryong estado sa kalagayan ng pamilyang Pilipino. Ang buktot na patakaran sa edukasyong ito ay isa sa mga larawan kung paanong sa sistemang malakolonyal at malapyudal, lagi’t laging ipapasa ng bulok na gubyerno ang kanyang obligasyon sa taumbayan. Laluna, nasa interes din naman nitong panatilihing mangmang ang masang anakpawis.

Nananawagan ang MAKIBAKA-Bikol sa mga ina, ama at sa lahat ng masang inaapi’t pinagsasamantalahan na manindigan para sa kinabukasan ng kanilang mga anak at ng mga susunod pang henerasyon. Wakasan na ang kultura ng kamangmangang sinadyang ipataw ng naghaharing uri sa mamamayan! Tuldukan na ang paghahari ng kanilang nangungunang kinatawan sa kasalukuyan – ang papet at pahirap na rehimeng US-Duterte! Magkaisa, isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!

MAKIBAKA-Bicol hinggil sa palpak na blended learning ng DepEd