Pahayag

Makibaka sa harap ng pagsirit ng presyo at pagsadsad ng pamumuhay

Dapat tuwirang papanagutin ang rehimeng Marcos sa mabilis na pagsadsad ng antas ng buhay ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino. Mabilis na bumabagsak ang kalidad ng buhay ng mayorya ng mamamayan. Kasunod ito ng ilang mga linggo at buwang pagsirit ng presyo ng mga produktong langis, bigas, karne, gulay at iba pang pagkain, transportasyon at bayaring toll, at iba pang saligang pangangailangan at serbisyo.

Ang patuloy na pagpaimbulog ng mga presyo ay tuwirang epekto ng mga patakarang neoliberal ng rehimeng Marcos. Winawasak ng mga programa ni Marcos ang mga produktibong pwersa at kapaligiran, lalong pinahihina ang kakayahan sa produksyon ng pagkain at iba pang kalakal, lalong sumasalalay sa importasyon, dayong pangungutang at dayong pamumuhunan, nagpapabilis ng paglobo ng populasyon sa kalunsuran at pagkabulok ng mga syudad, at nagpapalalim sa ekonomyang agraryo, hindi industriyalisado at atrasado.

Kapalit ng pautang, ipinatutupad ng rehimeng Marcos ang mga hakbanging kontra-mamamayan at kontra-mahirap alinsunod sa mga patakarang itinakda ng International Monetary Fund, World Bank at iba pang ahensyang imperyalista. Nagsisilbi ang mga hakbanging ito sa interes ng mga dayuhang malalaking bangko at monopolyong kapitalista, at yumuyurak sa saligang mga karapatang panlipunan at pang-ekonomya ng mamamayan.

Pangunahin sa mga ito ang patakaran ng pagpako sa sahod upang panatilihin ang hukbo ng murang paggawa para pagsamantalahan ng mga dayuhang kapitalista sa tinaguriang mga engklabong pang-ekonomya. Nariyan din ang pagkakaltas ng pampublikong badyet sa edukasyon, kalusugan at iba pang serbisyong panlipunan. Upang bayaran ang utang ng bansa, lalong pabigat na buwis ang ipinapataw sa masang mga konsyumer, habang kinakaltasan ng buwis at binibigyan ng samutsaring pabuya ang mga dayuhang mamumuhunan. Lubos ding itinutulak ni Marcos ang liberalisasyon sa importasyon, partikular na sa mga produktong pang-agrikultura, na sa nagdaang mga dekada’y nagbangkarote sa milyun-milyong mamamayan at nagwasak sa lokal na produksyon. Sinasagasa rin ang ibang mga hakbanging nagbigay sa dayuhang mga monopolyong kapitalista at lokal na malaking burgesyang komprador ng kapangyarihang kamkamin ang pinagkukunan ng kita ng ilang milyong mamamayan.

Masidhi ang kawalan ng trabaho kung saan hindi bababa sa 20 milyon ang walang trabaho o pansamantala lamang ang trabaho. Itinatago ni Marcos at ng kanyang mga upisyal ang tunay na lala ng disempleyo sa pamamagitan ng pagbilang na may trabaho ng mga taong hindi naman ineempleyo at dumidiskarte lamang para kumita. Milyun-milyong magsasaka, mangingisda, maging mga drayber at opereytor ng dyip, maliliit na negosyante at may maliliit na kita, ang nawawalan ng kabuhayan dahil kinakamkam ito ng mga dayuhan at lokal na malalaking kapitalista. Kahit itodo, kulang na kulang pa rin ang mahahagilap ng gubyernong Marcos na trabaho sa ibang bansa para sa milyun-milyong walang trabahong manggagawa.

Sumasadsad ang antas ng pamumuhay ng sambayanang Pilipino, na ang mayorya’y subsob sa kahirapan. Matapos kaltasan ang hindi masyadong kailangang gastusin, at dagdagan ang gastos sa upa, kuryente, tubig, kalusugan, edukasyon, pamasahe at komunikasyon, napupwersa na rin ang mamamayan na kaltasan ang gastos sa pagkain o nutrisyon. Upang pagtakpan ang katotohanan na milyun-milyong tao ang lugmok sa kumunoy ng kagutuman at pagdarahop, ang sukatan ng kahirapan ay hinihila pababa ni Marcos at kanyang mga “eksperto sa ekonomya.”

Pinakamalubha ang kalagayan sa kanayunan kung saan itinutulak ng rehimeng Marcos ang mga patakaran at programa na nagpapahintulot sa malalaking panginoong maylupa, malalaking burgesyang kumprador at dayuhag malalaking kapitalista na kamkamin ang daan-daan libong ektarya ng lupa para sa mga plantasyon at minahan, “green” energy, ekoturismo at iba pang proyektong pang-imprastruktura. Lalo pa itong pinatindi ng mga programang pinopondohan ng World Bank para gawing “kabenta-benta” at “kabili-bili.” Daan-daan libong mga magsasaka at nagdarahop na pamilya sa kanayuan at pinagkakaitan ng lupa at iba pang kagamitan sa produksyon at pinagkukunan ng kabuhayan, na nagreresulta sa malawakang pagkabangkarote at kahirapan.

Sa ilalim ng rehimeng Marcos, lalong pang naging garapal ang korapsyon sa pinakatuktok ng burukrasya. Sa pamamagitan ng Maharlika Investment Fund, ieembudo ang ₱500 bilyong pondong pampubliko tungo sa pinapaburan ni Marcos na malalaking burgesyang kumprador, kroni at mga tau-tauhan. Ang kakarampot na milyunaryo at bilyunaryong ito’y nabubuhay sa karangyaan habang ang mayorya ng Pilipino’y lublob sa kahirapan at lumalalang kalagayan. Hawak mismo ni Marcos ang ilang bilyong pisong “confidential” at “intelligence” na pondong hindi tinutuos. Gamit ang salapi ng taumbayan, nagliliwaliw siya sa ibang bansa at ginagamit ang Malacañang para sa sunud-sunod na mga piging.

Habang kulang na kulang ang pondo para sa edukasyon, kalusugan at iba pang serbisyong panlipunan, daan-daang bilyong pisong salapi ng bayan ang nilulustay sa labis na pinalobong pwersang militar at pulis, na ang mga upisyal at tauhan ay binubundat ng sobra-sobrang sweldo at bayad upang tiyakin ang katapatan, tumatanggap ng sobrang-laking pensyon (na hindi nila hinuhulugan), at binibigyan ng malaking puwang na gumastos at magbulsa ng kikbak sa pagbili ng sobra’t pinaglumaang kagamitan militar ng US para sa programang “AFP modernization.”

Dapat lumaban ang sambayanang Pilipino para ipagtanggol ang kanilang mga karapatang panlipunan at pang-ekonomya at tutulan ang lalong pagbagsak ng pamantayan ng kanilang buhay. Dapat ipaglaban nila ang pagpapababa ng presyo ng langis, pagkain at iba pang saligang pangangailangan at serbisyo; pagtataas ng sahod at sweldo ng mga manggagawa at karaniwang kawani; pagbabasura ng mga pabigat na buwis at bayarin; pagpapababa ng upa sa lupa at presyo ng binhi at iba pang kagamitan sa produksyong pang-agrikultura; pagpawi sa usura; pagpapataas ng bentahan ng mga produktong-bukid; at pangkalahatang pangangalaga at pagpapalawak ng kabuhayan at pagkakakitaan ng masa. Ang mga ito at iba pang kagyat na demokratikong kahingian ay dapat ipaglaban ng malawak na masang manggagawa, magsasaka at iba pang anakpawis upang pigilang lalong sumadsad ang kanilang katayuang panlipunan at pang-ekonomya.

Dapat nilang ilantad at batikusin si Marcos sa ginagawang panloloko gamit ang mga pakitang-taong pakana tulad ng sobra-sobrang ipinagyayabang ni Marcos na tindahang Kadiwa, na iilan lang naman at hindi kayang impluwensyahan ang presyo sa pamilihan. Nariyan din ang “food stamp” na itinulak ng World Bank at iba pang pakana na “cash for work” na pwedeng makabiyaya sa ilanlibo, habang binabalewala ang lagay ng ilampung milyong mamamayan. Nilalabusaw lamang ng mga programang “poverty alleviation” o “pampahupa ng kahirapan” ang malalalim na dahilan ng malubhang kalagayan ng mamamayan.

Isinusubo ng rehimeng Marcos ang sambayanang Pilipino sa bunganga ng hayok-sa-tubong mga dayuhang monopolyong kapitalista, lokal na malalaking burgesyang komprador, malalaking panginoong maylupa, at burukratang kapitalista. Ang palubha nang palubhang kalagayan ng sambayanang Pilipino ay nagdidiin sa kakagyatang isulong ang pakikibaka para wakasan ang malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan at ang atrasado, agraryo at hindi industriyal na ekonomya, na nagsasadlak sa malawak na masa sa pamalagiang krisis.

Ang pakikibaka ng sambayanang Pilipino para ipagtanggol at ipaglaban ang kanilang mga karapatang panlipunan at pang-ekonomya ay mahigpit na nakakawing sa kanilang pakikibaka para sa pambansang demokrasya, partikular na ang mga susing pang-ekonomyang hakbangin na tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Layunin ng reporma sa lupa ang wakasan ang ilang siglong problema ng kawalan ng lupa at pabigat na singiling pyudal na nagkakadena sa mayorya ng sambayanang Pilipino sa atrasado at mapang-aping sistemang pang-ekonomya. Layunin ng pambansang industriyalisasyon ang paunlarin ang produktibong pwersa ng bansa, imaksimisa ang likas na yaman at lakas ng taumbayan, iluwal ang buong potensyal na lumikha para sa pangangailangan ng mamamayan at itayo ang bansa sa sarili nitong paa.

Matatamo lamang ang hangarin ng sambayanang Pilipino na mapagpasyang wakasan ang hirap at kagutuman sa pamamagitan ng pagsulong ng rebolusyonaryong pakikibaka para wakasan ang paghahari ng imperyalismong US at estadong neokolonyal, at kamtin ang tunay na kalayaan at demokrasya.

Makibaka sa harap ng pagsirit ng presyo at pagsadsad ng pamumuhay