Makiisa sa transport strike ng mga tsuper
Nakikiisa ang National Democratic Front of the Philippines-Rizal sa isinasagawang tigil-pasada ng mga grupo sa transportasyon. Binabati rin namin at nagpupugay kami sa 80-90% paralisasyon na nagawa ng mga Rizaleñong tsuper at opereytor. Kolektibong pahayag ito ng mariing pagtutol nila sa Jeepney Phaseout na sasagasa sa kabuhayan ng daan-daang libo mula sa sektor ng pampublikong transportasyon.
Anti-mamamayan ang Jeepney Phaseout at ang LTFRB Order 2023-013 na magbabawal sa mga tsuper at opereytor na mamasada kung hindi sila papaloob sa mga kooperatiba at itatakwil ang mga lumang jeep. Ipinapapasan sa mga tsuper at opereytor ang responsibilidad ng pagbabayad sa mga modernong jeep habang alam na alam ng LTFRB at rehimeng US-Marcos II ang labis na kahirapang sinapit ng mga tsuper sa nakaraang dalawang taon mula noong pandemyang COVID-19. Umabot ito sa pagbebenta nila ng kalakal sa kalsada dahil sa kawalan ng kinikita, habang sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ay hindi pa rin sila nabigyan ng luwag upang makabangon. Kung itutuloy ang jeepney phaseout, tatanggalan na ng kabuhayan ang mga tsuper at opereytor ng jeep.
Hindi lang din ang mga tsuper at opereytor ng jeep ang apektado nito. Para naman sa mga komyuter, tiyak na mangangahulugan ito ng mas mataas na pamasahe kapalit ng labis na mataas na presyo ng mga modernong jeep. Kung hindi lang din ito kakayaning bilhin at paggastusan ng mga tsuper ay mangangahulugan ito ng mas maliit na bilang ng jeep sa mga kalsada para sa milyun-milyong estudyante, manggagawa at iba pang mamamayang umaasa sa abot-kayang transportasyon.
Hindi dapat pagbanggain ang usapin ng pangangalaga sa kalikasan at pangangalaga sa interes ng mamamayan. Habang tinitiyak ang mas makakalikasang moda ng transportasyon ay dapat ding tiyakin ang suporta at ayuda para sa mga drayber at opereytor na papasan ng epekto nito. Ayon mismo sa pag-aaral ng Blacksmith Institute and Clean Air Asia, 15% lamang ng mga dumi sa hangin ang nagmumula sa mga jeep at karamihan ay mula pa sa mga pribadong sasakyan.
Malaki ang papel ng mga tsuper at opereytor ng jeep sa araw-araw na pagtakbo ng ekonomya ng bansa. Maaapektuhan ang normal na takbo ng ekonomya at buhay-panlipunan ng bansa sa kawalan nila. Ganundin, dadagdag ang mga tsuper na mawawalan ng trabaho sa patuloy na lumolobong disempleyo at bilang ng mamamayang sadlak sa kahirapan. Marapat lamang na dinggin at itaguyod ang kanilang mga karaingan.
Nananawagan ang NDF-Rizal na makiisa at lumahok ang mamamayan sa pakikibaka ng mga tsuper laban sa jeepney phase-out. Dapat makita ang epekto ng jeepney phaseout hindi lang sa mga tsuper kundi sa buong mamamayang Pilipinong nangangailangan ng abot-kaya at epektibong sistema ng pampublikong transportasyon. Dapat paigtingin ang pagtutol sa jeepney phaseout at sa PUV Modernization Program na nasa layunin lamang ng pagkakamal ng naghaharing uring malalaking burgesya kumprador at mga ahente nitong burukrata-kapitalista ng kita at nagkukubli sa maskara ng pagbibigay ng serbisyo at pangangalaga sa kalikasan.###