Mananagot ang mga Burukrata Kapitalista sa Sambayanang Pilipino
“Ang burukrata kapitalismo ay isa sa tatlong saligang suliranin ng lipunang Pilipino kasama ang paghahari ng imperyalismong US, at ang pyudalismo. Magpabago-bago man ang mga rehimen ay nananatili ang sistemang ito, kung kaya’t hindi kailanman nalutas ang kurapsyon. Sino man ang maging pangulo sa ilalim ng kasalukuyang kaayusan ang siyang mangangasiwa sa kurap at bulok na sistema.
“Dapat ilantad na ang mga burukrata-kapitalista ay kabilang sa naghaharing uri, na nagsisilbing ahente ng mga dayuhang imperyalistang bangko at korporasyon at nakarugtong sa mga pyudal na dinastiyang pampulitika.”
Tumitindi ang pampapulitikang krisis ng rehimeng US-Marcos Jr na pinaghaharian ng mga burukrata kapitalista. Sumidhi ang bangayan ng mga naghaharing-uri sa sumambulat na malawak na korapsyon kaugnay ng flood control projects. Tarantang-taranta ang mga burukrata kapitalista sa kung sino ang unang malalaglag. At hindi kataka-takang umabot na ang turuan sa kurapsyon sa Malacanang.
Si BBM ang hari ng mga magnanakaw!
Hinding-hindi na maikakaila na ang rehimeng US- Marcos Jr ang pangunahing may pananagutan sa kasuklam-suklam na korapsyon. Mahaba-haba na ang rekord niya sa pagnanakaw mula sa taumbayan.
Aktibo niyang binabawi ang tagong-yaman (hidden wealth) na ninakaw ng kaniyang pamilya nung panahon ng diktadurya ni Marcos Sr. Walang intensiyon ang pamilyang Marcos na ibalik ang kinulimbat nilang mahigit na 10 bilyong dolyares mula sa kaban ng bayan.
Ninakaw din niya ang milyon-milyong boto ng taumbayan noong eleksyong 2022 sa pamamagitan ng malawakang pandaraya. Ang kaniyang pagkapangulo ay itinuturing ng malawak na bahagi ng mamamayang Pilipino na di lehitimo.
Si BBM ang pangunahing kumakatawan sa burukrata kapitalismo sa Pilipinas
Hindi pa nga nag-iinit ang pag-upo niya bilang presidente ay nilikha niya, kasama ang kanyang mga kasabwat na burukrata kapitalista, ang Maharlika Investment Fund (MIF). Pinapaboran ng MIF ang mga negosyo ng kanyang mga kroni upang higit pang mapalawak ang kaniyang “political patronage”. Ang MIF ang siyang pangunahing daluyan ng pondo para sa tiwaling rehimeng US-Marcos Jr.
Ngayon, lalo pang nalantad ang katiwalian sa mga flood control projects na ang karamihan ay may direktang ugnayan sa kanyang mga malalapit na alipores. Hindi niya maitatago na ang kanyang taunang National Expenditure Program na binuo, inaaprubahan, at ipinapatupad mula noong 2022 ang siyang naglaan ng bilyon-bilyong piso para sa mga palpak, maanomalya at “ghost projects”.
Kaya, anuman ang kanyang gawin para sa damage control, mahihirapan niyang malusutan ang kasalukuyang naisawalat na mga anomalya sa flood control projects. Hirap na hirap siyang maibenta ang kanyang mga hungkag na hakbanging “anti-corruption” na, sa totoo lang, ay naglalayon lamang na pahigpitin ang kanyang kontrol sa pangungurakot sa estado. Maging ang binuo niyang Independent Commission on Infrastructure (ICI) ay hindi katanggap-tanggap. Hindi maaaring umiral ang tunay na “transparency and accountability” kung mananatili sa poder ang parehong mga uri at dinastiya.
Ibagsak ang burukrata-kapitalismo! Ibagsak ang rehimeng US-Marcos Jr!
Sa ilalim ng rehimeng US-Marcos Jr, dumaranas ang mamamayang Pilipino ng lumalalang pang-aapi at pagsasamantala. Habang nagpapakasasa ang mga burukrata-kapitalista sa ninanakaw nila mula sa kaban ng bayan, lunod na lunod ang mamamayang Pilipino sa hirap at gutom.
Galit na galit na ang taumbayan. Kailangan nang palitan ang isang sistemang mapang-api at mapagsamantala upang mabigyan ng kalutasan ang mga batayang suliranin ng lipunang Pilipino. Kailangang maging tunay na malaya ang Pilipinas mula sa kontrol ng dayuhan, malutas ang malawak na kahirapang dulot ng pagsasamantala ng mga naghaharing uri at magkaroon ng tunay na kapangyarihan ang aping mamamayan lalo na ang mga manggagawa at magsasaka.
Ngunit kailangan itong ipaglaban. Ipinakita ng kasaysayan na ang pagpapanagot sa mga kapitalista at burukrata kapitalista ay hindi maaaring ipaubaya sa reaksyunaryong sistema ng hustisya na patuloy na nagtatanggol at nagbibigay lehitimo sa isang bangkarote at korap na sistema.
Walang pagpipilian ang malawak na masa ng manggagawa, magsasaka, peti-burges at iba bang inaaping uri kundi ang maglunsad ng mitanteng pakikibaka—mula sa parlamento ng lansangan sa kalunsuran hanggang sa armadong pakikibaka sa kanayunan—upang maipagtanggol ang kanilang mga karapatan at isulong ang kanilang mga mithiin para sa tunay na kalayaan at pambansang demokrasya.
Isulong ang pambansang demokratikong rebolusyon!
Isulong ang digmang bayan!
Ibagsak ang burukrata kapitalismo!
Baguhin ang bulok na sistema!
Makibaka para sa pambansang demokrasya!