Maramihang lumahok sa demokratikong rebolusyon ng bayan ang sigaw ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid sa ika-57 taong anibersaryo ng Partido Komunista Pilipinas!
Ipinagbubunyi ng PKM ang ika-57 taong anibersaryo ng PKP-MLM sa makasaysayang pamumuno nito sa pakikibaka ng uring magsasaka para palayain ang sarili mula sa pang-aapi at pagsasamantalang pyudal at malapyudal sa kanayunan at sa bansa. Kasabay ng paggunita ang panawagan ng PKM sa uring magsasaka na maramihang sumapi sa PKP at Bagong Hukgbong Bayan para ibayong isulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan.
Ang PKP ang naging gabay ng PKM at uring magsasaka sa buhay at kamatayang pagsusulong ng rebolusyong agraryo sa kanayunan para wakasan ang monopolyo sa lupa at iba’t ibang anyo ng pagsasamantala. Pinamunuan ng PKP ang mga magsasaka para imulat, organisahin at pakilusin ang uri sa kanayunan at para itatag ang PKM, hawanin ang landas sa pagpapalawak ng mga baseng masa at pagsusulong ng armadong pakikibaka na esensyal na bahagi ng pagsusulong ng susing kawing sa kanayunan, ang rebolusyong agraryo.
Matiyagang nakipag-aralan ang mga kasapi at lider ng PKP sa mga magsasaka sa kanayunan para armasan ang uri ng mga batayang kaalaman sa pagsusulong ng rebolusyon at pagpapaunlad ng produksyon. Matiyagang tinuturuan ng PKP ang mga magulang at anak ng magsasaka paano bumasa at sumulat at armasan ng mga syentipiko at mapagpalayang pananaw at kultura. Naging sandigan din ng mga magsasaka ang PKP sa paglutas ng mga tunggalian sa mga komunidad at hanapin palagi ang pagkakaisa ng taumbaryo. Mas malawak ang ganitong mga karanasan sa mga pinalayang purok sa loob ng mga baseng gerilya kung saan ay napasimulan na ang sariling paggugubyerno sa balangkas ng mga Organo ng Kapangyarihang Pampulitika (OKP).
Kasama rin namin ang PKP sa pag-aaral at pagtatasa ng mga naging karanasan ng PKM at uring magsasaka sa pagsusulong ng rebolusyong agraryo. Kapwa naging tapat ang PKP at PKM sa pagtukoy ng mga naging kahinaan sa mga nakalipas na taon at matapang na hinarap ang mga pagwawasto. Naging karamay din ng sektor ang PKP sa pagdadalamhati sa mga magsasakang pinaslang ng estado habang pinangunahan ng BHB sa gabay ng PKP ang pagbibigay hustisya at pamamarusa sa mga berdugong pwersa ng reaksyunaryong estado.
Ang mahabang karanasan ng pakikipamuhay ng PKP sa uring magsasaka ang naging batayan ng sektor upang mulat at maramihang sumapi sa PKP at BHB. May lumilisan at may mga dumarating ng mga kasapi ng PKP at BHB sa mga komunidad at bawat pagtatagpo ay isang ginintuang karanasan.
Sa okasyong ito ay muling ipinanawagan ng PKM sa uring magsasaka na maramihang sumapi sa PKP. Makipagkapit-bisig tayo sa PKP at BHB sa malawakang pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos ng magsasaka at mamamayan sa kanayunan. Gayundin ang pakikiisa ng PKM sa panawagan ng PKP sa uring manggagawa at peri-burgesya sa kalunsuran na tumungo sa kanayunan at lumahok sa pagsusulong ng rebolusyong agraryo, pagpapalawak at pagpapatatag ng baseng masa at armadong pakikibaka.
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
Isulong ang rebolusyong agraryo at digmang bayan!