Memorandum Order 32: Tahasang Paglabag sa Karapatan ng Mamamayan sa Pagtatanggol sa Sarili (Self-Defense) at Karapatan sa Pagpapasya Para sa Sarili (Self-Determination)

Bunga ng hindi matatawarang paglaban ng mamamayan sa iba’t ibang porma ng pang-aapi at pagsasamantala sa buong kasaysayan, isa ang karapatang ipagtanggol ang sarili sa mga karapatang taong kinikilala sa kasalukuyan sa buong daigdig. Napakaraming mga internasyunal na batas ang malinaw na kumikilala at sumusuporta sa karapatan ng mamamayang ipagtanggol at lumaban para sa kanyang mga demokratikong interes – sa marahas mang pamamaraan kung kinakailangan.

Ayon sa Universal Declaration of Human Rights 1948,

“it is essential, if man is not to be compelled to have recourse, as a last resort, to rebellion against tyranny & oppression, that human rights should be protected by the rule of law.” [GA. Res. 217A, at 135, U.N. Doc. A/810 (1948).]

Ayon pa sa Declaration Of The Independence Of Colonial Nations & Peoples” (Resolution 1514, XV, December 14, 1960:

“2. All peoples have the right of self-determination. They are free to politically determine the force of this right & to freely struggle for economic, social, & cultural development.
3. All armed actions & measures of repression, of any type whatsoever, against dependent peoples are to be halted in order to make it possible for them to peacefully & freely enjoy their right to full independence. “

Ibig sabihin, sa puntong wala nang ibang masusulingan ang mamamayan laban sa pang-aapi ng sarili niyang gubyerno at iba pang entidad, kinikilalang lehitimo, at karapatan pa nga, ang kanyang paglaban – anuman ang tipo nito: mapayapa at parlyamentaryo o hindi kaya ay armadong paglaban. Malinaw na isinasaad ng naturang deklarasyon na dapat ay malaya mula sa anumang banta ng panunupil ang mga indibidwal o grupong nagsasabuhay ng kanilang karapatang ipagtanggol ang sarili mula sa pagsasamantala at pang-aapi.

Sa bansa, ibinunga ng mahabang panahon ng kahirapan at kaapihan ng mamamayang Pilipino sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na kaayusan sa Pilipinas ang maramihang pagkamulat at pagkatutong lumaban ng masa. Sila ay nagtutulungan sa kanilang mga suliranin, nagkakaroon ng mga grupo, samahan at nagbubuklod sa adhikaing mapaunlad ang kanilang kabuhayan at makamit ang kanilang mga demokratikong interes. Umuunlad ang kanilang pampulitikang kamulatan at naghahangad ng demokratikong karapatan bilang nakararami sa lipunan. Nagmumula sa kanila ang lumalahok sa mga pakikibakang masa sa kanayunan at kalunsuran ng bansa.

Ginagamit nila ang lahat ng maaaring rekurso at anyo ng ligal na pagkilos at pakikibaka mula sa lansangan, talakayan, midya, hanggang mga ahensya ng gobyerno, kongreso, Malacanang at Supreme Court. Ngunit, mapanupil na estado ang humaharap sa kanila. Nagsisilbi ang mga korte at kulungan sa naghaharing-uri at palagiang naglalabas ng mga desisyong malayo sa interes ng masang api at pinagsasamantalahan. Karahasan at pamamaslang ang tugon sa anumang tipo ng lehitimong pagbabalikwas ng mamamayan.

Sa kasalukuyan, ang labis na kahirapang idinulot ng inutil na rehimeng US-Duterte sa mamamayan bunga ng pagtaas ng mga bilihin at serbisyo sanhi ng TRAIN LAW, gobyerno-lokal na kartel na sabwatan sa presyo ng bigas, imperyalistang kontrol sa presyo ng langis at mabigat na gastusin sa pabahay, pagamot, edukasyon, pamasahe, tubig at kuryente ang nagtutulak sa masang anakpawis na lumahok sa iba’t ibang porma ng pakikibakang masa.

Gayundin, ang Bagong Hukbong Bayan, sa gabay ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang tumugon sa tungkuling ipagtanggol ang masa sa pamamagitan ng armadong paglaban. Kinikilala ang pampulitikang prestihiyo nito sa buong daigdig. Rinerespeto, maging ng internasyunal na komunidad, ang pagiging lehitimo ng armadong pakikibaka sa bansa laban sa sukdulang kasalatan at pagdarahop. Ngunit sa halip na kilalanin ito at tugunan ang ugat ng armadong sigalot sa bansa, higit pang panunupil ang sagot ng rehimeng US-Duterte sa paglaban ng mamamayan sa tumitindi pang kahirapan, militarisasyon at abusong militar laluna sa kanayunan ng mga isla ng Samar, Negros at rehiyong Bikol.

Sa ganitong balangkas, malinaw na ang Memorandum Order 32 na nag-aatas na dagdagan ang pwersa armadang susupil sa paglaban ng mamamayan, nagbibigay sa militar ng arbitraryong kapangyarihang itakda ang mga lehitimong hakbangin ng mamamayan upang ipagtanggol sa sarili bilang ‘banta sa seguridad’, ‘lawless violence’ o ‘act of terrorism’ at nagbibigay-laya sa AFP-PNP-CAFGU na atakehin ang masa at iba pang mga ahensya sibil ay direkta at tahasang paglabag sa karapatang tao. Napakamapanganib nito dahil hindi lamang nito tinatarget ang rebolusyonaryong kilusan – tinatarget nito ang lahat ng porma ng pakikibakang masa at binibigyan ng walang sagkang kapangyarihan ang sandatahang lakas ng bansa na maglunsad ng gera at sistematikong atakehin ang sinumang mangangahas tumuligsa sa mapagsamantala at pasistang pamamalakad ng rehimen.

Ang MO 32 ang pinakabago sa arsenal ng pasismo ng papet na rehimeng Duterte na sinusuportahan ng imperyalistang US. Alam ng reaksyunaryong gubyerno ng Pilipinas at ng amo nitong imperyalista na ang paglaban ng mamamayan ang pwersang pumipigil at lumalaban sa tuluyang pagkubabaw ng kapitalistang interes sa bansa. Kung kaya naman, sadyang binubuhusan ng pondo at nasa pinakamataas na prayoridad ng rehimeng US-Duterte ang panunupil sa paglaban ng mamamayan. Ang MO 32 ay bahagi ng whole of the nation approach na estratehiya ng rehimeng US-Duterte upang obligahin ang pagsuporta ng pinakamaraming bilang ng ahensya at sangay ng gubyerno sa kontra-insurhensyang programa nito, takutin at hadlangan ang paglahok ng malawak na hanay ng masa sa mga lehitimong paglaban at tuluyang ihiwalay ang rebolusyonaryo at progresibong kilusan mula sa sambayanan.

Tulad ng mga naunang mapanupil na batas at programa gaya ng Calibrated Pre-emptive Response (CPR), Presidential Proclamation 1017, Executive Order 464 at Human Security Act sa panahon ni Gloria Macapagal Arroyo, walang ibang layunin ang MO 32 kundi kriminalisahin, paratangang hindi lehitimo at tuluyang supilin ang makatarungan at makatwirang paglaban ng mamamayan.

Kaugnay nito, nananawagan ang NDF-Bikol na ibayong pagtibayin ng masang anakpawis sa rehiyon at buong bansa ang kanilang pagbibigkis. Marapat lamang na manindigan ang mamamayan – mga magsasaka, manggagawa, kabataan-estudyante, taong-simbahan, mga kagawad ng midya, propesyunal, intelihensya, makabayan at mga progresibong grupo at iba pang sektor ng lipunan para sa kanilang karapatang ipagtanggol ang sarili nang walang banta ng pasismo ng estado. Ito ay isang karapatang hindi lamang lehitimo dahil kinikilala ng mga internasyunal na batas kundi makatwiran dahil ito ang tanging sagot sa walang kaparis na pang-aapi at pagsasamantalang isinasabalikat ng masa.

Memorandum Order 32: Tahasang Paglabag sa Karapatan ng Mamamayan sa Pagtatanggol sa Sarili (Self-Defense) at Karapatan sa Pagpapasya Para sa Sarili (Self-Determination)