Mga magsasaka sa San Jorge, Samar, inistraping at hinaras ng 52nd IB
Hindi tinatantanan ng pasistang pananalasa ang San Jorge, Samar. Nakatanggap ng ulat ang aming himpilan na ilang magsasakang residente ng Barangay Bay-ang ang inistraping, iligal na dinetine at isinailalim sa interogasyon ng mga elemento ng 52nd IB. Kasunod lamang ito ng panganganyon at hiwalay na insidente ng pangingistraping sa mga kalapit na baryo.
Batay sa isang panimulang ulat, inistraping ng mga pasistang tropa ang mga residenteng sina Toytoy Gabane, Rodolpo Locaban, at Rey Dacles noong Pebrero 20. Tuluy-tuloy silang pinaputukan kahit na isinsigaw ng isa sa kanila na mga sibilyan sila. Maswerteng sumbrero lang ang natamaan ng punglo ng militar.
Pinagsisigawan sila, pinadapa sa lupa, at habang walang kalaban-laban ay hinalungkat ang mga dalang gamit at isinailalim sa interogasyon. Paulit-ulit nilang iginigiit na mga sibilyan lamang sila, ngunit pinagbantaan pa rin sila ng mga pasistang tropa na huwag manlalaban dahil “naengkwentro pa lamang” umano sila.
Matapos ang insidente, pinapirma ang mga biktima ng dokumentong nagsasaad na “Nakabalik [sila] nang maayos. Ang kasulatang ito ay nagpapatunay na hindi [sila] binugbog ng tropa ng 52nd IB.”
Nagkumahog ang militar na pagtakpan ang ginawa nilang pang-aabuso. Nang ireklamo ng mga biktima ang pangyayari sa lokal na gubyerno ng San Jorge, pinamudmuran lang ang mga biktima ng ilang kilong bigas at pakete ng nudels na mapang-insulto at bigong pawiin ang takot at perwisyong idinulot sa kanila ng mga pasista.
Ito ang ikalawang insidente ng pangingistraping sa San Jorge ngayong Pebrero. Noong Pebrero 2 nangistraping ang 3rd IB sa kabahayan ng Barangay Cagtoto-og na ikinasawi ng residenteng si Jaime Pabillar. Katulad ng nangyari sa Bay-ang, namudmod din ng bigas at delata ang 3rd IB at 8th CMO Battalion.
Sinasalanta ng matinding militarisasyon ang Western Samar. Patuloy na nirereklamo ng masa ang pagkakampo sa Bay-ang ang mga tropa ng 52nd IB. Kasama nila ang 14th IB at ang 3rd IB na may operational control sa buong San Jorge sa paghalughog sa mga bukid ng masa at pagkakampo sa mga baryo. Kasunod ng napabalitang engkwentro sa Barangay Mobo-ob noong Pebrero 16, walang habas na kinanyon ang San Jorge na dumagundong at nagdulot ng takot sa buong bayan. Sinasalanta rin ng iba pang yunit militar ang mga bayan ng Gandara, Motiong, Paranas, Hinabangan, Catbalogan City at San Jose de Buan. Bukod pa ito sa mga yunit ng pulis na halos araw-araw ay nagpapasuko ng mga sibilyang magsasaka. Ayon pa sa mga residente, napakaraming kaso ng pang-aabuso ng militar ang hindi nailalantad sa publiko.
Sa ngalan ng masang magsasaka sa Samar, nananawagan ang NDF-Eastern Visayas sa publiko, laluna sa mga grupo sa karapatang pantao, mga nyutral na organisasyon, taong simbahan at midya, na ilantad ang pasistang pananalasa ng militar sa prubinsya. Pilit na inililingid ng militar ang teroristang gawain nila sa masa. Pinagdurusahan ng masang magsasaka hindi lang ang kagutuman at kahirapan kundi maging ang paghaharing militar ng mga armadong pwersa ng rehimeng Marcos. Makiisa tayo sa panawagan nilang palayasin ang teroristang militar sa kanayunan.