Mga manggagawa sa unahan ng rebolusyon sa 135 taon ng Mayo Uno

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Ipinararating ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), ang abanteng destakamento ng proletaryadong Pilipino, ang rebolusyonaryong pakikiisa nito sa mga manggagawa sa buong mundo sa okasyon ng Pandaigdigang Araw ng Manggagawa. Ginawa ang deklarasyon ng Mayo 1 sa Paris, 135 taon na ang nakalilipas, bilang paggunita sa pag-aaklas noong Mayo 1, 1896 ng mga manggagagwa sa plasa ng Haymart, sa Chicago, USA, para sa walong-oras na araw ng trabaho, na marahas na binuwag ng mga pwersa ng pulis.

Mahigit isang siglo mula noon, ang mga manggagawa sa buong mundo, kasama ang iba pang mga uri at sektor ng anakpawis, ay patuloy na nakipaglaban para sa kanilang mga karapatan at hangarin, sa gitna ng hindi mabatang mga kundisyong dulot ng wala pang kapantay na krisis ng pandaigdigang kapitalistang sistema. Nais nilang magrebolusyon at ibalik ang kasaysayan sa landas ng sosyalismo.

Sa harap ng talamak na krisis ng kawalan ng trabaho, patuloy na hinihila ang sahod ng mga manggagawa na mas mababa sa pang-araw-araw na gastos sa pamumuhay. Isinasadlak sila sa mas masahol pang mga anyo ng pang-aabuso at pang-aapi, samantalang ang gahaman-sa-tubong mga oligarko sa pinansya at mga monopolyo kapitalista ay nag-uunahan sa pagkamal ng mas malaki pang yaman.

Sa mahigit na apat na dekada, winasak ng mga pang-ekonomyang patakarang neoliberal na liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon ang panlipunan, pang-ekonomya at pampulitikang mga karapatan ng mga manggagawa, upang sagarin ang pagkamkam ng labis na halaga mula sa kanilang lakas-paggawa. Ipinataw sa mga atrasado, malakolonyal at malapyudal na mga bansa ang liberalisasyon ng kalakalan at pamumuhunan upang bigyang-daan ang walang-habas na pandarambong ng mga dayuhang monopolyong kumpanya sa likas na yaman na nagresulta sa labis na pagwasak sa kapaligiran, at ang walang-rendang pagsasamantala sa paggawa sa pamamagitan ng pagpako sa sahod at pagsupil sa mga karapatan sa pag-uunyon.

Biktima ang mga manggagawang Pilipino ng todo-todong neoliberal na pag-atake mula pa noong huling bahagi ng dekada 1980. Patuloy na lumalaki ang agwat sa pagitan ng sahod at ng gastos sa pamumuhay ng mga manggagawa sa Pilipinas. Ang tuwiran at di-tuwirang pag-atake laban sa mga unyon ay puminsala sa kakayahan ng mga manggagawa na makipagtawaran at humingi ng mas mataas na sahod, na lalo pang pinalala ng pamalagiang malawakang kawalan ng trabaho.

Binago ang mga batas sa paggawa upang bigyang-daan ang mga pag-atakeng neoliberal, kabilang ang “regionalization” ng sahod, ang “floorwage” at “two-tier” na mga sistemang pasahod, at iba pang mga iskema para hilahin pababa ang sahod. Pinapayagan din ng mga batas na ito ang mga kapitalista na gumamit ng iba’t ibang anyo ng “flexible labor”, kabilang ang kontraktwalisasyon sa paggawa, “compressed work week,” “outsourcing,” at iba pa. Pinahahaba nito ang oras ng pagtatrabaho ng mga manggagawa, pinag-oobertaym na walang karampatang kabayaran, at iba pang mas masahol na kundisyon sa pagtatrabaho.

Bunga nito, patuloy na sumasadsad ang mga pamantayan sa pamumuhay ng mga manggagawa, lalo na sa harap ng matarik at walang tigil na pagtaas sa presyo ng pagkain, langis, at iba pang pangunahing pangangailangan, lalo na sa nakalipas na dalawang taon sa ilalim ng rehimeng Marcos. Sa kantidad at kalidad, dumaranas ang mga manggagawa at ang kanilang mga pamilya ng mas mababang antas ng pamumuhay, sa usapin ng edukasyon ng kanilang mga anak, pagkain at nutrisyon, pangangalagang pangkalusugan, at akses sa mga pampublikong mga yutiliti at serbisyo. Walang impok at lubog sa utang ang mga manggagawang Pilipino at ang kanilang mga pamilya.

Ang kalagayan ng mga manggagawa at sambayanang Pilipino ay mabilis na lumalala sa ilalim ng papet at pasistang rehimen ni Marcos, na agresibong itinutulak ang mga patakarang pabor sa mga dayuhang interes sa ekonomya at militar. Nagtetengang-kawali si Marcos sa sigaw ng mga manggagawa para sa umento sa sahod. Alinsunod ito sa patakaran ng kanyang rehimen para sa murang lakas-paggawa bilang isang susing bahagi sa kanyang anti-nasyunal na layuning akitin ang mga dayuhang mamumuhunan. Bilang pagtugon sa hinihingi ng mga dayuhang kapitalista, abala ngayon ang rehimeng Marcos na baguhin ang konstitusyon ng 1987 upang sementuhin ang mga patakarang neoliberal na higit na magpapatindi ng paniniil at pagsasamantala sa mga manggagawang Pilipino.

Lalong tumitindi ang pampulitikang panunupil ni Marcos laban sa mga unyon, kung saan ang mga organisador ng mga manggagawa ay target ng mga ahente ng militar sa paniniktik, pang-aatake, pang-aaresto, pagdukot at ekstrahudisyal na pamamaslang. Ginagamit ng rehimeng Marcos ang tinaguriang Anti-Terrorism Law sa teroristang mga pag-atake ng estado laban sa mga manggagawa at iba pang demokratikong sektor.

Sa paglilingkod ni Marcos sa mga layuning heyopulitikal ng kanyang imperyalistang among US, pinayagan niya ang mga pwersang militar ng US na dagdagan ang kanilang presensya at palakasin ang pagtrensera sa bansa. Ginagamit ng gubyerno ng US ang Pilipinas, sa pamamagitan ng kanilang mga baseng militar sa ilalim ng EDCA, para sa pagpapakitang-gilas at pang-uupat ng digma laban sa lumalakas na imperyalistang karibal nitong China. Ipinapakat sa Pilipinas ang libu-libong tropang Amerikano, mga jet fighter, aircraft carrier, mga missile system, at iba pang mga armas at kagamitang pandigma, sa kapinsalaan ng kasarinlan at kaligtasan ng Pilipinas.

Sa harap ng lumalalang mga anyo ng pagsasamantala at paglubha ng kalagayang pang-ekonomya, tumitinding pampulitikang panunupil at lubos na paninikluhod ng rehimeng Marcos sa imperyalismong US, ang kilusang manggagawa sa Pilipinas ay dapat na tumayo nang mas matatag sa unahan ng pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya.

Dapat ubos-kayang sikapin ng mga manggagawang Pilipino na mag-organisa at bumuo ng kanilang mga unyon at lahat ng iba pang tipo ng mga organisasyong masa (na may pampulitika, pangkultura, o iba pang layuning demokratiko at makabayan) sa kanilang mga pabrika at komunidad. Ang mga manggagawa ay dapat pukawin, organisahin at pakilusin upang ipaglaban ang makatarungang sahod na katumbas ng gastos sa produksyon ng kanilang lakas-paggawa. Sa gitna ng pagbulusok ng ekonomya, lubos na makatwiran para sa mga manggagawa na hingin na muling buksan ang negosasyon para sa kanilang mga collective bargaining agreement (CBA). Dapat ipaglaban ang minimum na arawang sahod na humigit-kumulang ₱1,200 na katumbas ng gastusin para sa disenteng pamumuhay ng lima-kataong pamilya. Dapat nilang tutulan ang lahat ng anyo ng pag-atake laban sa kanilang mga karapatan sa ekonomya at pulitika.

Kasabay nito, dapat nilang ikawing ang kanilang mga pakikibakang pang-ekonomya sa napapanahong mga isyung panlipunan at pampulitika na kinakaharap ng sambayanang Pilipino. Ang lakas ng uring manggagawa ang pangunahing inaasahan ng sambayanang Pilipino sa kanilang paglaban sa pakanang “chacha” ni Marcos at sa lumalaking banta sa kasarinlan at kaligtasan ng bansa bunga ng pang-uudyok ng gera ng imperyalismong US. Dapat palakasin ng mga manggagawa ang kanilang tinig at iabante ang pinakamatalas na pambansa-demokratikong pagsusuri at kritisismo, at manguna sa mga pagkilos ng masa upang ipamalas ang kolektibong paninindigan ng mga manggagawa sa mga tampok na isyung kinakaharap ng mga manggagawa at mamamayang Pilipino, at ng mga mamamayan sa buong daigdig.

Sa okasyong ito ng Mayo Uno, balikan natin ang kasaysayan ng mga pakikibaka ng manggagawa sa buong mundo, mula sa Paris Commune noong 1871 hanggang sa mahigit isang siglo nang pakikipaglaban sa imperyalismo sa buong mundo. Magbalik-tanaw din tayo sa mayamang kasaysayan ng pakikibaka ng mga manggagawang Pilipino, mula sa aktibong paglahok sa rebolusyong anti-kolonyal, paglaban sa kolonyalismong Amerikano, pagsulong ng pakikidigmang gerilya laban sa pananakop ng Japan, paglaban at pagbasag sa batas militar ng diktadurang Marcos, pagsulong ng kilusang welga noong dekada 1980 at mga paglaban sa mga patakarang neoliberal sa nagdaang apat na dekada.

Sa loob ng mahigit 150 taon, nakamit ng uring manggagawa ang malalaking tagumpay, simula sa Rebolusyong Oktubre noong 1917 sa Russia na nagbukas ng isang bagong panahon ng sosyalistang rebolusyon sa buong mundo. Sa sumunod na pitong dekada, sa pangunguna ng rebolusyonaryong proletaryadong ginagabayan ng Marxismo-Leninismo, nagkamit ang mga manggagawa at magsasaka ng malalaking tagumpay sa mga rebolusyong anti-kolonyal, anti-imperyalista, at sosyalista sa China, Korea, Vietnam, Cuba, mga bansa sa Silangang Europa hanggang sa East Germany at iba pang bahagi ng mundo.

Nagkamit ng walang kapantay na demokratiko at mapagpalayang tagumpay ang mga bansang ito, pangunahin ang Soviet Union at China, dahil ang mga pwersa sa produksyon ng lipunan ay inilagay sa kontrol ng proletaryong estado at ginamit para maglingkod sa interes ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang anakpawis. Sinakop ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon ang sangkapat ng buong daigdig at nagbukas ng isang bagong panahon ng pagsulong sa ekonomya, panlipunang pagkakapantay-pantay, at kapayapaan–ang unang gayong panahon sa kasaysayan ng sangkatauhan.

Gayunman, ang mga tagumpay na ito ng uring manggagawa ay winasak ng modernong rebisyunistang pagkakanulo sa sosyalismo sa Unyong Sobyet simula noong 1956 at sa China mula noong 1977, na humantong sa pagpapanumbalik ng kapitalismo. Mula noon, nakita natin ang muling pag-iral ng atrasadong kalagayan sa ekonomya, pag-abuso at pang-aapi, at ang muling pagdurusa ng daan-daang milyong mamamayan. Ang mga pwersa sa produksyon–mula sa malalaking industriya hanggang sa lupa–ay ibinalik sa pribadong pagmamay-ari, at ginamit ng burgesya upang magkamal ng tubo. Ang malulubhang kalagayang sosyo-ekonomiko at pampulitikang panunupil na dinaranas ngayon ng milyun-milyong manggagawa at magsasaka dahil sa panunumbalik ng kapitalismo, ay nagdidiin sa pangangailangang magsagawa ng rebolusyonaryong pakikibaka sa uri, upang muling ibalik ang takbo ng kasaysayan sa landas ng sosyalistang pagsulong at kalayaan.

Ang matingkad na kalagayan ng kapitalistang pagsasamantala at imperyalistang panlulupig sa buong mundo ay nagdidiin sa pangangailangan at kawastuhan ng pagsusulong ng mga rebolusyong bagong demokratikong at sosyalista. Dapat masugid na pag-aralan at itaguyod ng rebolusyonaryong proletaryado sa lahat ng mga bansa ang Marxismo-Leninismo-Maoismo, at ilapat ito sa kani-kanilang konkretong kalagayan, na may layuning magsilbing gabay para sa rebolusyonaryong pagkilos.

Sa araw na ito ng Mayo Uno, muling pinagtitibay ng Partido Komunista ng Pilipinas ang determinasyon nitong pamunuan ang uring manggagawa at sambayanang Pilipino sa pagsulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon upang wakasan ang saligang mga suliranin ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo, sa pamamagitan ng pagsulong ng matagalang digmang bayan alinsunod sa estratehikong linya ng pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan.

Nananawagan ang Partido sa lahat ng manggagawa na bumangon at lumaban upang ipagtanggol ang kanilang mga karapatan, at tumayo sa unahan ng pakikibaka para sa pambansang demokrasya at sosyalismo.

Mga manggagawa sa unahan ng rebolusyon sa 135 taon ng Mayo Uno