Militarisasyon ng 801st IBde sa Gandara, kinundena ng mga magsasaka
Mahigpit na kinukundena ng rebolusyonaryong samahan ng mga magsasaka sa Eastern Visayas ang pananalasa ng mga tropa ng 801st Infantry Brigade sa ilang baryo sa Gandara, Samar.
Mahigit 100 residente ng Marcos at San Miguel ang napilitang lumikas sa kanilang mga tahanan dahil sa masinsing operasyong militar ng 3rd IB, 46th IB at 52nd IB sa kalapit na Barangay Gereganan mula pa noong Nobyembre 22.
Malaking dagok sa buhay at kabuhayan ng mga Samareño ang presensya ng mga pasistang tropa. Naibalita ang pagpataw ng hamlet o “lockdown” sa nasabing lugar. Dahil dito, nagagambala ang pagpunta sa bukid at paghahanapbuhay ng mga magsasaka dahil sa hibang na paghahabol ng militar sa Bagong Hukbong Bayan.
Limos lang, panandalian, at hindi sasapat para mabawi ang nawalang kita ng mga residente ang relief goods na ibinigay ng lokal na gubyerno ng Gandara kasama ang 3rd IB at 8th CMO Battalion. Bahagi din ito ng saywar ng militar sa mga residente. Walang-wala pa ang pinamigay nila kumpara sa milyun-milyong ninanakaw ng AFP mula sa mga gatasan nila na E-CLIP at SBDP.
Itinatakwil namin ang panawagan ni Brig. Gen. Sendaydiego na sumuko na ang mga kasapi ng BHB. Ang kahirapan at pasismong hatid ng 801st IBde sa kanayunan ang dahilan ng patuloy nilang pag-aarmas at pagrerebolusyon. Pinaparangalan at ipinagmamalaki namin ang mga kapwa namin magsasaka na ginagawa ang pinakamataas na sakripisyo ng pagiging buong-panahong Pulang mandirigma. Patuloy na susuportahan ng masang magsasaka ang BHB at isusulong ang demokratikong rebolusyong bayan na siyang tunay na nagtataguyod ng kanilang kagalingan at interes.
Dapat kagyat na lisanin ng pasistang militar ang aming mga komunidad. Itinatakwil namin si Sendaydiego at ang 801st IBde bilang mga mersenaryong nagtataguyod sa paghahari ng rehimeng US-Marcos, ng mga korap na upisyal ng gubyerno, at ng mga kapitalistang nandarambong sa likas na yaman ng aming lugar. Ang pagiging mga bayarang berdugo ng naghaharing uri ang adhikain na siyang tunay na walang saysay.
Mahigpit kaming nakikiisa sa mga magsasaka ng Gandara. Dapat silang magkaisa at matapang na ilantad, kundenahin at labanan ang pasistang terorismo ng 801st Brigade sa kanilang lugar. Walang ibang landas para makamit ang tunay na kapayapaan at kaunlaran kung hindi sa pamamagitan ng digmang bayan.
Militar sa kanayunan, palayasin!
801st Brigade, kaaway ng mamamayan!
Masang magsasaka, magkaisa! Pasismo ng rehimeng US-Marcos, biguin! Isulong ang digmang bayan!