Mula Senior tungong Junior: Ang Pamana ng Panlilinlang, Korapsyon, Pagkatuta at Pasismo
Mahigit limang dekada nang nakaraan ngayon ang Martial Law pero nandyan pa rin ang pamana nitong panlilinlang, korapsyon, pagkatuta, at pasismo na dala mismo ng pinakamataas na pinuno sa bansa ngayon.
Nang itatag ang diktadura noong 1972, hindi lang ito laban sa kuno ay banta sa “national security” kundi para bigyang-daan ang korapsyon na ang lawak at lala ay noon lang nakita sa kasaysayan ng bansa. Ang absolutong kapangyarihan ay nanganak ng panunupil ng estado laban sa kahilingan ng mamamayan na maampat ang krisis pang-ekonomiya, kahingian ng transparency sa gubyerno, at panawagang alisin ang mga base militar ng US.
Ang ibinungang malawakang pandarambong, mga marahas na abusong militar, pagyurak sa karapatang-pantao, pag-institusyonalisa ng militarismo at kawalang-pananagutan ay nakatala na sa kasaysayan. Ito ang pamana ng madilim na nakaraan ng ating bayan.
At ngayon, ang orihinal na nepo baby—tagapagmana ng bilyong nakaw na yaman, na nagsayaw sa mga party sa marangyang presidential yacht habang nagkakasakit o namamatay sa malnutrisyon ang mga bata—iginigiit na hindi totoo ang napatunayan nang paglabag ng tatay niya sa karapatang-pantao ng 10,000 biktima. Ayaw pa rin niyang magbayad ng Php 203 bilyong buwis at sumusubok pang ilihis ang ngitngit ng mamamayan sa pagsabing gusto sana niyang sumali sa mga rali kung hindi lang siya presidente. Hindi ito simpleng panlilinlang o pa-drama kundi lansakang insulto sa makatarungang galit ng mamamayan.
Dahil ang Martial Law noon ay hindi isang simpleng dagliang pag-agaw sa kapangyarihan ng isang masibang burukrata. Pinagplanuhan at pinagalaw ito ng imperyalistang US at malalaking panginoong maylupa para mapanatili ang kanilang kapangyarihan sa pamamagitan ng pinili nilang ahenteng burukrata-kapitalista. Ahenteng buong pusong nagpakatuta dahil sa sariling masibang interes. Kaya, sa ilalim ng pasistang diktadurang Marcos, pinanatili ang mga base militar ng US, ginarantiyahan ang mga ari-arian ng mga korporasyong US, dinambong ang mga likas na yaman, lumobo ang utang, hinuthot ng mga kroni na malalaking kapitalista at panginoong maylupa ang pondo ng bayan—at ang mahirap na mamamayang Pilipino ay lalong naghirap. Ang martial law ay pasismo, ang pinakagarapal na mukha ng burukrata-kapitalismo, na lubos na kasapakat ng imperyalismong US at lokal na pyudalismo.
Ang pamanang ito ng martial law ang ipinagpapatuloy ng kasalukuyang rehimeng US-Marcos Jr. Kapalit ng mga base militar ng US ay nariyan ang EDCA at paparaming presensyang militar ng US para sa ambisyon nitong kontrolin ang daigdig. Ginagawa nitong target ng atake ang Pilipinas kung maggyera ang mga imperyalista. Muling hinuhuthot ang pera ng mamamayan para sa mga pekeng flood control at iba pang ghost projects ng walang patumanggang korapsyon sa halos iba’t ibang rehiyon at ahensya. Patuloy na pinapasan ng mamamayan ang pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo at iba’t ibang buwis samantalang nananatili sa 30% ng badyet ang pambayad utang. Ang mga pambobomba mula sa jet, hamletting, EJK, pagdukot, arbitraryong aresto, harassment at pekeng amnesty o local peace talks ng NTF-ELCAC, pulis, at militar ang bumubuo sa istruktura ng hindi-deklaradong Martial Law.
Makatarungan ang malawakan at iba’t ibang anyo ng protesta ng mamamayan laban sa panlilinlang, korapsyon, pagpapakatuta, at pasismo upang sumingil ng pananagutan at humiling ng kagyat at totoong reporma. Sumasaludo at sumusuporta ang National Democratic Front of the Philippines sa mga protesta ng hayag at demokratikong kilusang masa at nananawagan sa mamamayang Pilipino na ipagpatuloy ang ganitong laban at dalhin sa mas malaki at mas mataas pang antas.
Pero magbunga man sa kinakailangang mga reporma ang mga hayag na protestang masa, ang pamana ng Marcos ay magbabagong anyo lamang sa iba’t iba pang mapanlinlang na mga porma. Gamit ang marahas na panunupil militar at mapanlinlang na mga ahensya ng gubyerno sa mga paimbabaw na reporma, muli’t muli nitong sasagkaan ang tunay na pagbabago.
Matagal nang naghapag ang NDFP ng mga reporma para sa pambansang pag-unlad pang-ekonomiya para matiyak ang pang-ekonomiya at pampulitikang soberanya ng bansa. Ang pagsasabansa at pagsasapubliko ng mga estratehikong industriya, pampublikong utilities, serbisyong panlipunan at likas na yaman; ang compulsary licensing, compulsary disclosure, at limitasyon sa mga patent para sa mga dayuhang korporasyon; pamamahagi ng lupa sa mga magsasakang walang lupa; pagkilala sa mga karapatan sa lupang ninuno, at pagtigil sa land conversion at mga korporasyong nakakasira sa kalikasan ay ilan lang sa mga ito. Pero ang lahat ng panukala ay lubos na tinanggihan dahil ang ganitong mga reporma ay pipigil sa kakayahan ng magkakutsabang imperyalistang US, panginoong maylupa at burukrata kapitalista na magreyd sa kabang-yaman ng bayan at magpapahina sa kanilang poder sa pulitika na nakabatay sa korapsyon.
Hangga’t nangingibabaw ang imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo, maglulunsad ito ng gyera laban sa mamamayan, gamit ang panlilinlang at pasismo para mapanatili ang kapangyarihan.
Walang ibang maaasahang daan ang mamamayan para sa lubusang panlipunang pagbabago kundi ang maglunsad ng pambansa demokratikong rebolusyon na magbibigay ng makabuluhan, epektibo, at pangmatagalang mga reporma—mga repormang sa loob ng isang rebolusyong maipagwawagi lamang sa pamamagitan ng digmang bayan, may mga rebolusyonaryong organisasyong masa, at may hukbong bayan. Kaya hindi lamang makatarungan kundi lubos na kinakailangan ng mamamayan ang humawak ng sandata at sumama sa paglunsad ng makabayan at rebolusyonaryong armadong pakikibaka para sa tunay na demokrasya, kalayaan, kasaganahan at kapayapaan.