Nag-uumapaw na galit laban sa imperyalismong US at Zionistang Israel sa brutal na atake laban sa Iran
Ipinapahayag ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang nag-uumapaw na galit sa imperyalistang gubyerno ng US ng pasistang hibang na si Donald Trump at ng Zionistang estado ng Israel na pinamumunuan ng kaparehong pasista na si Benjamin Netanyahu sa ginawang malawakang pag-atake gamit ang misayl laban sa Iran noong Pebrero 28.
Ang walang-pakundangang pananalakay militar ay hindi inupat at tusong isinagawa sa gitna ng mga negosasyong nukleyar. Kasama ang lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa Pilipinas, ipinapahayag ng Partido ang pakikiisa sa mamamayan ng Iran na nagmamahal-sa-kalayaan, sa mariing pagbatikos sa pag-atake gamit ang misayl na labis na yumurak sa soberanya ng Iran at sa mga internasyunal na batas na malawakang kinikilala.
Isinagawa ang malawakang pag-atake sa luklukan ng gubyerno ng Iran na nagresulta sa pagpatay sa kanyang Supreme Leader Ayatollah Ali Khamenei at iba pang susing lider ng gubyerno. Ipinapatay ni Trump si Khamenei sa maling pag-aakalang mapayuyuko nito ang mamamayang Iranian na tanggapin ang dikta ng US sa militar, ekonomya at pulitika at isuko ang kasarinlan ng Iran. Sa halip, ang mga pagpatay na ito ay tiyak na lalong magbubuklod sa mamamayang Iranian na matagal nang tumututol sa imperyalistang panunupil.
Pinananagot namin si Donald Trump at Benjamin Netanyahu sa malaking bilang ng mga namatay dulot ng malawakang mga pag-atake na isinagawa sang-ayon sa kanilang mga utos. Ayon sa mga paunang ulat, mahigit 200 tao ang nasawi sa malawakang pag-atake, kabilang ang 148, karamihan ay mga batang estudyanteng babae sa mababang paaralan sa baybaying lungsod ng Minab, na pinuntirya ng mga misayl. Pinangangambahang marami pa ang napatay.
Sa harap ng pag-atakeng militar ng US at Israel laban sa kanyang soberanya, nasa Iran ang lahat ng karapatan na ipagtanggol ang sarili sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga kontra-atake sa mga pasilidad militar ng Israel at mga base at barkong pandigma ng US, lalo na sa Middle East. Ang pagtindi ng mga armadong girian sa rehiyon ay tuwirang resulta ng imperyalistang panghihimasok at hegemonismong militar ng US.
Ang magkasanib na pag-atake ng militar ay malinaw na naglalayong pilitin ang mamamayan ng Iran na isuko sa US ang kanilang soberanya at ang pambansang kontrol sa langis at iba pang rekursong mineral. Dahil inigiit ng Iran ang kanyang pambansang soberanya at sumuporta sa iba pang pwersang lumalaban sa imperyalismong US, matagal nang nilalayon ng US na lupigin ang bansa para maitaguyod ang ganap na hegemonya nito sa Middle East.
Ito ang pinakahuling agresyong militar ng imperyalistang US. Sa harap ng patuloy na krisis sa ekonomya at tumitinding kumpetisyon, itinutulak ng mga monopolyo kapitalista ng US na agawin ang kontrol sa mas maraming pinagkukunan ng langis at mahahalagang mineral, pati na rin ang mga pandaigdigang rehiyon para tambakan ng kanilang mga labis na kalakal. Sa konteksto ring ito na, wala pang dalawang buwan ang nakalipas, inatake ng imperyalistang US ang Venezuela at dinukot ang kanilang lider na si Nicolas Maduro kasama ang kanyang asawang si Cilia Flores, sa isang harap-harapang pagtatangkang kontrolin ang rekursong langis ng bansa.
Sinundan ito ng mga utos ni Trump sa mga pwersang militar ng US na samsamin ang mga oil tanker mula sa Venezuela, pinatinding sangsyon pang-ekonomya at pambabraso sa Cuba, mga banta laban sa Mexico, Colombia at iba pang mga bansa sa Latin America na tumututol sa muling pagbuhay ni Trump ng Monroe Doctrine, hayag na deklarasyon ng pagsakop sa Greenland, pambabagbag sa United Nations at iba pang hakbang ng unilateralismo. Inilalantad ng lahat nang ito ang labis na ipokritong “rules-based order.” Patuloy ang US sa pakikipagsabwatan sa Israel para ipataw ang kanilang mga hegemonikong layunin laban sa mamamayang Palestino sa Gaza.
Patuloy na nakatuon ang US sa Asia, sa walang awat na pagtatangkang udyukan ang Taiwan na magdeklara ng kalayaan, at paggamit sa Pilipinas para mag-imbak ng mga armas, mag-istasyon ng mga tropang Amerikano, at magsagawa ng mga ehersisyong pandigma, na pawang nakatuon sa pagtataas ng tensyong militar sa China.
Nananawagan ang Partido sa mamamayang Pilipino, kabilang ang mga migranteng manggagawa sa Middle East, na makiisa sa mamamayan ng Iran sa kanilang paglaban sa pag-atakeng miltar ng US, at pakikibaka upang ipagtanggol ang kanilang soberanya laban sa mga pagtatangkang supilin sila. Hinihimok namin ang lahat ng pwersang patriyotiko at anti-imperyalista na matatag na tumindig laban sa agresyong militar ng US sa buong mundo, at pigilan itong maglunsad ng mas maraming gera sa ngalan ng mga interes ng US.
Sa harap ng mga banta ng pagkakakaladkad sa isang gerang sinulsulan ng US, may malaking pangangailangan para sa mamamayang Pilipino na bumuo ng isang malawak na nagkakaisang prente laban sa mga probokasyon ng gera ng US, at paigtingin ang kanilang panawagan sa mga gubyerno ng US at Pilipinas na buwagin ang lahat ng mga base at pasilidad militar ng US sa Pilipinas, alisin ang mga misayl at iba pang mga armas pandigma ng US na nakaimbak sa mga lihim na lokasyon sa bansa, iatras ang lahat ng tropang US sa bansa, at tanggalin ang presensyang nabal ng US sa West Philippine Sea at sa South China Sea. Dapat nilang palakasin ang kanilang panawagan na ibasura ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), Visiting Forces Agreement (VFA), Mutual Defense Treaty (MDT), at lahat ng hindi pantay na kasunduang militar sa US at itulak ang isang nagsasariling patakarang panlabas.
Dapat nilang palakasin ang internasyunal na pakikipagkapatiran sa mga mamamayan ng South Korea at Japan na lumalaban din para lumaya mula sa presensyang militar ng US, pati na rin sa mga mamamayan sa buong mundo na nananawagan ng wasakin ang makinarya ng gera ng US.
May malaking pangangailangan para sa uring manggagawa at rebolusyong proletaryado sa buong mundo na magkaisa at pangunahan ang lahat ng demokratiko at anti-imperyalistang pwwersa sa paglaban sa imperyalismo at sa mga banta nito ng gera. Dapat nilang pamunuan ang mga rebolusyonaryong pakikibaka sa lahat ng bansa upang maglunsad ng mga rebolusyonaryong digma para sa pambansang pagpapalaya at sosyalismo, na susi sa pakikibaka upang wakasan ang mga gerang imperyalista at makamit ang tunay na pandaigdigang kapayapaan.