Pahayag

Nagbabalat-kayo ang AFP sa pahayag nito para sa women's equality—Makibaka

,

Walang katotohanan at kailangang hubaran ng maskara itong AFP na kamakailan ay ipinangalandakan ang pakikibahagi nito sa paggunita ng Buwan ng Kababaihang Anakpawis. Puros retorika para sa kanilang pogi points lamang nang pagbabanggitin nila diumano na sila ay kumikilala sa mahalagang kontribusyon ng mga kababaihan at para sa pagkakapantay-pantay.

Kabalintunaan ang lahat. Dahil sa likod ng matatamis na salita ay ang mapapait na karanasan ng mga kababaihan, lalo na ng mga kababaihang magsasaka sa kanayunan.

Sa mga base at larangan, nilapastangan at patuloy na target para wasakin ng AFP ang mga programang pinangunahan at itinataguyod ng mga kababaihan kasama ng kanilang mga anak at buong komunidad. Ito ang mga kolektibong sakahan at mga kooperatiba kung saan kumikilala sa napakahalagang papel ng kababaihan sa produksyon at sa pagpapatakbo ng kanilang komunidad. Lalo na sa Mindanao, nagkaroon ng mga alternatibong mga paaralan at pagamutan para sa ikahuhusay at ikagagaling ng mga sanggol, bata, kabataan hanggang ng mga nakatatanda na matagal nang ipinagkakait ng estado ng Pilipinas. Ang mga pangmasang proyektong ito, na pinamunuan ng mga kababaihan, ay pinagdiskitahan at gamit ang mga bombang binili mula sa amo nilang imperyalistang US, ay winasak.

Notoryus din ang buong kasundaluhan ng AFP, katuwang ang PNP, sa pandarahas lalo na sa panahon ng mga operasyong militar. Wala silang awa sa mga walang pili o pagdamay sa mga sibilyang kababaihan at bata; marami ay pinaparatangang mga NPA sa mga gawa-gawa nilang banatan, tinotortyur, pinapatay, at nilalapastangan maging ang mga katawan ng mga biktima. Kung nakahimpil naman sa mga komunidad, puros pambabastos hanggang sekswal na pang-aabuso at panggagahasa ang ginagawa nila sa mga babae, bata man o matanda; sa ilang komunidad pa nga kung saan sila nananatili ay sumusulpot ang prostitusyon. Ang kanilang pagsusugal at paglalasing ay nagpapakita rin ng masamang halimbawa sa mga bata at kabataan, nagpapakilala ng mga dekadente at mapanirang kultura sa mga komunidad, at sumisira sa likas na pagkakaisa at kapayapaan ng mga mamamayan.

Sa kalunsuran, naghahasik ng lagim ang AFP sa mga mga komunidad upang takutin, linlangin, at i-harass ang mga kababaihang bahagi ng mga pang-masang organisasyon. Sa pakikipagsabwatan sa NTF-ELCAC at sa PNP, maraming kababaihang aktibista ang napahamak dahil sa walang habas nilang paninira sa mga lehitimong organisasyon at kanilang mga panawagan. Panay din ang pangingialam nila sa mga usapin sa unyon at mga pagkilos ng mga manggagawa para sa nakabubuhay na sahod, katiyakan sa trabaho, at ligtas na lugar paggawa. Ilang estudyante na ba ang dinukot, tinorture, at sinampaan ng mga gawa-gawang kaso ng AFP? Madami ang hanggang sa ngayon ay hindi pa nakikita, samantalang ang ilan na nakatakas at nakawala sa kanilang kamay ay nagpapatunay ng modus ng AFP laban sa mamamayan. Milyun-milyon ang kinikita nito mula sa sapilitang pagpapasuko at panlilinlang, pondo na mula sa pera ng mamamayana at dapat ay inilalaan para sa kagalingan at programa para sa kababaihan.

Sa kabilang banda, hindi na kailangang pormal pang magsagawa ng magarbong seremonyas ang Bagong Hukbong Bayan at buong rebolusyonaryong kilusan para patunayan nito sa sambayang Pilipino ang pagrespeto at pagtatanyag sa kakayahan at paggawad ng pantay na karapatan sa mga kababaihan.

Nang itatag ang BHB noong 1969, agad nitong kinilala na maaaring humawak ng armas ang mga kababaihan para paglingkuran ang sambayan habang pinapalaya ang sarili mula sa burgis, pyudal-patriyarkal na gawi at kaisipan. Kasama rin sa disiplinang bakal ng Pulang Hukbo ang pagrespeto sa lahat ng mga kababaihan at ang atas na hindi pwedeng silang lapastanganin. Ito ay para maging tunay na hukbo ng at para sa mamamayan. Iginuhit ng BHB ang pundamental na pagkakaiba nito sa mga mersernaryong hukbo ng mga naghahari at mapagsamantalang uri. Higit sa lahat ang BHB, sa ilalim ng pamumuno ng PKP-MLM at katuwang ang mga organo ng pampulitikang kapangyarihan kung saan bahagi ang mga balangay ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan o MAKIBAKA, ang siyang tunay na naghahawan ng daan para sa paglaya ng kababaihan tungo sa inaasam na pantay na katayuan sa lipunan.

Tanging sa pagsusulong ng pambansa demokratkong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba tunay na malilikha ang mga materyal na kundisyon—sa batas, sa partisipasyson sa produksyon, sa demokratisasyon sa loob ng pamilya at sa mga programang panlipunan tunan na maitatakwil ang mga kaisipan at gawing pyudal-patriyarkal na siyang ugat sa dagdag na kaapihan sa kababaihan.

Limangpu’t-anim na taon na ang BHB. Dahil sa paggabay ng PKP, simula’t sapul pa ang tiwala ng mamamayan sa Pulang Hukbo para dalhin sa antas ng tagumpay ang ating digmang bayan at ituluy-tuloy ang rebolusyong kultural para sa kababaihan.

Nagbabalat-kayo ang AFP sa pahayag nito para sa women's equality—Makibaka