Mabuhay ang Tuy 3, Mga Tunay na Anak ng Bayan!
Sa araw na ito, minamarkahan natin sa kasaysayan ang ikalawang taon ng pagkamatay ng tatlong pulang mandirigma na sina Jian Markus “Ka Reb” Tayco, Royce Jethro “Ka Alex” Magtira at Gladys Cassandra “Ka George” Mendoza sa isang engkwentro sa pagitan ng 59th Infantry Battalion-Philippine Army at yunit ng Bagong Hukbong Bayan sa Brgy. Bolboc, Tuy, Batangas noong kinaumagahan ng Hunyo 23, 2024.
Muli natin silang alayan ng ating pinakamataas na pagpaparangal at Pulang saludo bilang mga bayani ng ating panahon. Larawan sila ng mga makabayan at magigiting na rebolusyonaryo. Iniambag nila ang kanilang lakas at talino para sa dakilang layunin ng demokratikong rebolusyong bayan na palayain ang sambayanan mula sa pagsasamantala’t pang-aapi sa kadena ng dayuhang monopolyo kapital.
Pumulot tayo ng mahahalagang aral sa kanilang mga iniambag sa rebolusyonaryong pakikibaka sa lalawigan at rehiyong Timog Katagalugan. Gamitin natin itong gabay at inspirasyon para ubos-kayang labanan ang teroristang paninibasib ng rehimeng Marcos Jr. sa balangkas ng pinabangis na counter-insurgency program na National Action Plan for Unity, Peace and Development o NAP-UPD. Buo-buong itong sinusuportahan at pinopondohan ng US para higit lalong dambungin ang mga yamang-mineral sa kanayunan, at samantalahin ang murang lakas-paggawa sa Pilipinas.
Kumilos at gumampan ng mga susing papel sina Ka Reb at Ka Alex bilang mga kadre ng rebolusyonaryong kilusang kabataang estudyante sa Cavite simula taong 2020. Malalim silang umugat sa hanay ng masang mala-manggagawa, mangingisda sa lowland District 1, 2 at 4 at mga magsasaka ng Upland District 5 at 8 ng Cavite. Doon sila masiglang nagtayo ng maraming organisasyon ng mga kabataan at naging pangunahing katuwang sa pagpapalaganap ng mga pambansa-demokratikong aralin.
Isa sa mahalagang kontribusyon nila ang pangunguna sa kilusang propagandang anti-pasista at anti-imperyalista sa Cavite taong 2020-2022. Hindi nalimitahan ng militaristang lockdown ng tiranikong Rodrigo Duterte ang pagkilos nina Ka Reb at Ka Alex. Ibayo pa nila itong pinasigla sa gitna ng mabagsik na pasistang atake sa rehiyong Timog Katagalugan lalo pagkatapos ng Marso 07, 2021 Bloody Sunday Massacre. Ito ang nagtulak sa kanilang tahakin ang landas ng armadong pakikibaka.
Sa loob ng Bagong Hukbong Bayan, bulto ng gawain nina Ka Reb at Ka Alex ay nakatuon sa gawaing masa sa mga magtutubo at maggugulay ng Batangas. Parehas silang gumampan ng tungkulin sa pagsisikad ng gawaing edukasyon at propaganda sa loob ng yunit at mga inoorganisang baryo. Itinatanghal nila sa kanilang mga awitin at tula ang dakilang pakikibaka ng sambayanan laban sa Imperyalismo, Pyudalismo at Burukrata Kapitalismo.
Si Ka Reb ay itinalaga bilang opisyal sa lohistika. Kalaunan ay magiging mahusay na instruktor ng mga araling pamPartido hanggang sa maitalaga bilang giyang pampulitika (gp) ng yunit. Mabilis siyang matuto at laging nangangahas sa pagpapatupad ng gawaing nakaatang sa kanya. Mula rito, sinanay siyang giya sa tereyn ng yunit. Makakalahok pa si Ka Reb sa mga gawaing militar matapos makakuha ng pagsasanay sa pulitiko-militar. Naging bahagi siya sa matagumpay na taktikal na opensiba sa Quezon noong 2023.
Si Ka Alex, kasama ang kanyang karelasyon na si Ka George, ay gumampan sa gawaing pagpapalawak at rekoberi sa mga base. Lumitaw rin ang kahusayan ni Ka Alex sa pagkokonsolida ng mga kasama niya sa yunit. May maikling panahong kinailangan niyang pansamantalang lumiban upang magpagaling sa sakit sa bato. Kaagad siyang bumalik sa rebolusyonaryong gawain at itinalaga bilang opisyal sa komite ng edukasyon, propaganda at kultura. Tampok niyang ambag ang paglalathala ng “Lagablab ng Kanluran” na kultural na portfolio ng BHB sa Batangas.
Ang paglilingkod nila bilang mga kabataang rebolusyonaryo at pulang mandirigma ay labis na kinamuhian ng reaksyunaryong estado at amo nitong Imperyalistang US. Ang mga NPA ang siyang pinakamalaking balakid sa US sa layunin nitong agawin ang malawak na lupain ng mga magsasaka at likas-yaman ng bansa para gamitin sa sariling kapakinabangan. Kaya todo-buhos ang US ng limpak-limpak na pera para sa alaga nitong asong ulol na Armed Forces of the Philippines sa pangangarap na madurog ang demokratikong kilusang masa at rebolusyonaryong kilusan.
Nagtagumpay man ang kaaway na lupigin ang katawang-lupa ng ating mga minamahal na mandirigma, hindi kailanman magagapi ang rebolusyonaryong paglaban ng mamamayan. Sa kasalukuyan, ibayong tumataas ang pagkadiskontento ng mamamayan mula nang tumambad ang pampulitikang krisis dahil sa umiigting na tunggalian ng paksyong Marcos at Duterte. Sinundan pa ito ng pagtaas ng presyo ng langis matapos ang walang patumanggang pambobomba ng hibang na pangulo ng US na si Trump sa mga bansa sa Kanlurang Asya upang agawin at kontrolin ang pinakamalalaking oil reserves sa daigdig. Unti-unting kumukulo ang panibagong digmaang pandaigdig sa pagitan ng US at Tsina.
Ito ang napakatabang lupa para isulong ang matagalang digmang bayan. Sa paraang ito maisasabuhay ang magiting na rebolusyonaryong pakikibaka ng Tuy 3. Mamamayan ng Kabite, sumapi sa NPA at isulong ang demokratikong rebolusyong bayan! Ubos-kayang labanan ang gyerang agresyon ng Imperyalismong US!
Mabuhay ang Tuy 3!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang sambayanang lumalaban!