Magsasakang Mindoreño, magkaisa at tutulan ang malawakang militarisasyon sa Timog-Silangang Mindoro!
Sobra na, tigilan nyo na kami! Ito ang kahilingan ng kasapian ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid-Oriental Mindoro sa mas masinsin at malawakang operasyong militar lalo na sa timog ng Oriental Mindoro.
Kaisa kami sa daing ng mamamayang Mindoreño na itigil na ang tumitinding operasyong militar sa Timog Silangang Mindoro. Panliligalig ito sa mga komunidad ng mga magsasaka at katutubong Mangyan. Hindi lang ito ngayon kundi ilang dekada nang ginagawa ng AFP-PNP sa ilalim ng nagdaang mga rehimen hanggang kay Marcos Jr. Ipinatutupad ng kasalukuyang rehimen ang National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD) na isang programang pang kontra-insurhensya. Nagdudulot ito hindi lamang ng terror kundi pinsala din sa kabuhayan ang pagkakampo, pagsasagawa ng mga operasyong kombat at intelidyens, at ang batas militar na inilalapat sa mga pamayanan sa timog Mindoro.
May pang-ekonomiyang batayan sa likod ng mga pasistang atake ng 203rd IB at PNP-MIMAROPA sa mga komunidad sa kanayunan. Nais ng mga naghaharing uri at ng gobyernong ipasok ang mga proyekto at negosyong maghahatid sa kanila ng limpak-limpak na kita subalit masasakripisyo naman ang interes ng maliliit na magsasaka at katutubong Mangyan sa mga lupaing nais nilang pasukin. Dahil sa nagbabanggaang interes, ginagamit ang mga pasistang tropa ng 203rd Bde-PNP Mimaropa at NTF-ELCAC upang madulas na maipatupad ang proyektong “pangkaunlaran”.
Malinaw na sa likod ng mga proyektong ito ay ang bitag ng pagsuko at pag-agaw sa lupa at mga likas na yaman na matatagpuan sa pwestong kinalalagyan ng aming mga sakahan, kaingin, at pamayanan. Nagsisilbing tapat na asong bantay ang mga tropa ng AFP at PNP sa mga lupain at makinarya na pag-aari ng mga naghaharing-uri at hindi sa panig ng masang Mindoreño na patuloy na naghihirap.
Sadyang dinisenyo ang mababagsik na operasyong militar upang magtanim ng takot sa mamamayan para supilin at patahimikin ang mga komunidad ng Mindoreño sa harap ng pandarambong ng mga lokal at dayuhang kumpanya sa dikta ng imperyalistang US. Kasabay na ipinapasok ang proyektong mina at renewable energy projects (REPs) pinasinsin din ang nakatayo at itinatayo pang dagdag na kampo-militar sa mga sakahan at komunidad. Perwisyo ang presensya ng mga sundalo’t pulis dahil ninanakaw nila ang mga alagang-hayop at pananim, sinisira ang aming mga bukid. Sinisilaban ang sukal sa tabing daan kaya nadadamay ang mga pananim. Dagdag pang pasanin ang kahirapang dulot ng mga operasyong militar na pagkontrol sa pagbili ng mga pangangailangan, panghihimasok sa pamumuhay at aktibidad sa loob at labas ng pamayanan kaya naapektuhan ang aming paghanapbuhay.
Nitong Hunyo lamang ng kasalukuyang taon, inilunsad ng magkasanib na mga batalyon sa ilalim ng 203rd Bde-PNP Mimaropa ang malawakang mga operasyong militar sa mga bayan ng Mansalay, Roxas, Bulalacao at Bongabong kung saan may nakatayo nang labimpitong kampo-militar. Sa tabing ng “Localized Peace Engagement at Serbisyo Caravan” upang diumano patuloy na isulong ang kapayapaan at kaunlaran sa mga komunidad, hinalihaw nito ang mga bundok at mga pamayanan at ipinakat ang MCSPO (Mobile Community Support Program) sa mahigit 21 sityo sa mga bayan ng Mansalay, Bulalacao, at Roxas.
Hindi na nakagugulat ang panliligalig ng AFP sa mga bayan ng Roxas, Bongabong, Mansalay, at Bulalacao. Ganito na rin ang ginawa noong Oplan Habol Tamaraw sa Timog Mindoro ng berdugong si Jovito Palparan. Nagpapanggap na makatao sa mga papulong upang diumano ay lutasin ang problema ng mga komunidad, ilunsad ang usapang pang kapayapaan at maghahatid ng serbisyo. Pero taliwas sa aktwal na karanasan sa mga baryo, araw-araw ang sapilitang interogasyon, intimidasyon at pilit na pagpapaamin na sila ay mga NPA o may ugnayan sa NPA.
Panlilinlang ang usapang pangkapayapaan sa mga baryo. Hindi sa isang pulong sa pamayanan malulutas ang kahirapan at panlipunang inhustisya. Bukod pa sa walang magaganap na matinong usapan habang nakaumang ang baril ng mga sundalo sa aming hanay. May mekanismo na ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP sa pambansang antas. Doon dapat isalang ito dahil istruktura ng buong lipunang Pilipino ang dapat baguhin upang malutas ang kahirapan at inhustisya.
Ang PKM bilang kasaping samahan ng NDFP ay nakahandang tumalima sakaling may mapagkaisahan sa usapang pangkapayapaan ng GRP at NDFP sa pambansang antas.
Dahil sa paghahangad ng gobyerno at mga kapanalig nitong mga malalaking panginoong maylupa, burgesya komprador at kasosyong dayuhang mamumuhunan, na agawin pa ang kaunting natitirang lupa at kabuhayan sa amin hindi mapapahintulutan ito ng hanay ng mga magsasaka at mga katutubo. Sa sitwasyong nakataya ang aming buhay, kabuhayan pati kinabukasan ng aming mga anak, lehitimo at makatarungan lamang na ipagtanggol ang aming interes.
Makatarungan lamang na gamitin ang karapatang magpasya-sa-sarili bilang isang landas kapag ang nasa gobyerno ay hindi na umaayon sa interes ng kanyang mamamayan. Makatarungan ang lumahok sa digmang bayan kapag inaalisan na ng karapatang mabuhay ang mamamayan.
Mahigpit na dinadala at isinusulong ng PKM ang pambansa demokratikong programa bilang tunay na solusyon sa kasalukuyang malakolonyal at malapyudal na sistema sa bansa. Pinanday na ang nagkakaisang lakas ng masang Mindoreño sa pakikibaka nito para lupa, kabuhayan at karapatan. Hindi mabubura kailanman ng rehimeng US-Marcos II at mga galamay nitong pasistang tropa ng AFP at PNP ang tagumpay ng rebolusyong agraryo. Tinutugunan nito ang kawalan ng lupa ng mga magsasaka at katutubong Mangyan. Patunay nito ang nilansag nang malalawak na lupain at pastuhan ng mga PML mula pa noong 1980s at naipamahagi sa wala o kulang sa lupa. Naging matibay na katuwang ng masa ang NPA sa mga pagpapatupad ng rebolusyong agraryo. Karamihan sa mga ito ay pinakikinabangan pa ngayon ng mga magsasaka at masang Mindoreño.
Sa kasalukuyang nagaganap na armadong tunggalian sa pagitan ng GRP at ng CPP-NPA- NPA dahil sa magkatunggaling programa dapat ilapat ang CARHRIHL (Comprehensive Agrement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law, ang unang opisyal na kasunduan resulta ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP. Dapat malinaw sa dalawang nagtutunggaling armadong pwersa na igalang ang karapatan ng mga sibilyan anuman ang nilalaman ng programang dala ng magkabilang panig sa armadong sigalot.
Nananawagan ang PKM na suportahan ang NPA bilang tunay na hukbo ng mahihirap at hukbong nagtatanggol ng interes ng mga inaapi at pinagsasamantalahang uri at sektor. Ang mga kahirapan sa pakikibaka na ating nararanasan ay puhunan sa pagtatagumpay ng programang pambansa-demokratiko. Magpunyagi sa pakikibaka, hindi magagapi ang nagkakaisang hanay.
Ilantad ang “”Localized Peace Engagement at Serbisyo Caravan” o ang “Kapayapaan at Serbisyo Caravan” bilang anti-mamamayan na programa ng rehimeng US-Marcos II!
Magsasaka at masang Mindoreño, magkaisa at labanan ang militarisasyon!
Palayasin ang mga kampo-militar!
Digmang-bayan, sagot sa kahirapan!
Palawakin at patatagin ang PKM!
Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!