Lumalaking agwat ng mayayaman at mahihirap, lumalalang krisis sa lipunan
Nag-aapoy ang galit ng mamamayan ng Timog Katagalugan na sa gitna ng krisis mula bungad ng taon na nagsasadlak sa kanila sa napakalalim na karalitaan, namamayagpag ang iilang mga naghaharing-uri sa pagpapakasasa sa bunga ng pawis at dugo ng sambayanang Pilipino. Naiulat ngayong buwan ang pinakaunang trilyonaryong Pilipino, si Enrique Razon Jr na may tinatayang ₱1.1 trilyong yaman na naghatid sa kanya sa ika-143 pinakamayaman sa mundo. Iba pang mga oligarko sa bansa sina Ramon Ang na nasa ika-1,245 pwesto at Harley Sy na nasa ika-2,724 pwesto ng pinakamayaman sa mundo. Samantala, habang lumalaki ang yaman ng iilan, kumikita lamang ang karaniwang Pilipino sa abereyds na ₱510 minimum na sahod kada araw. Ayon sa pag-aaral, pitong milyong taon ang kailangang bunuin o imposible para sa isang karaniwang Pilipino na abutin ang yaman ni Razon sa tanang buhay niya.
Ang malaon nang lugmok na kalagayan ng bayan sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na lipunan na ipinataw ng imperyalismong US ay umigting ngayong 2026 sa oil crisis na pinasiklab ng gerang agresyong inihasik ng US sa Middle East. Sa gitna ng lahat ng ito, nagkakandarapa na ang mamamayang Pilipino sa pagpasan ng mga bayarin at kahirapan ngunit ang mga naghaharing uring malalaking burgesya komprador at kasapakat na mga panginoong maylupa at burukrata-kapitalista ay nagtatampisaw sa yamang pinuhunanan ng dugo at pawis ng aping uri.
Pamalagiang kapalit ng pagpapayaman ng mga naghaharing uri ang pagdurusa ng pinagsasamantalahang uri. Sa Timog Katagalugan, naglipana ang mga bilyones na halaga ng proyektong pang-imprastraktura ni Razon. Ang mga proyektong ito ay nagdulot ng pahirap at pasakit sa mamamayan ng rehiyon, tampok ang Wawa-Violago Dam sa Rizal na inaasahang magpapalayas ng mga residente sa San Mateo at Rodriguez ng Rizal; gayundin ang planong itatayong Batangas Solar Farm sa Tanauan. Puu-puong mamamayan ang apektado at tiyak na mawawalan ng lupang taniman at panirikan, bukod sa pinsalang idudulot sa kabuhayan ng mga naturang proyekto. Tiyak ganito rin ang sinapit ng mamamayan sa rehiyon at iba’t ibang bahagi ng bansa sa kamay ng iba pang burgesya komprador na sina Ang, mga Sy, Ayala, Aboitiz at iba pa.
Malaon nang pinagpasasaan ng mga naghaharing uri ang kahirapan at kaapihan ng mamamayang Pilipino. Isinusulong nila ang mga proyekto ng pekeng kaunlaran kapalit ang laganap na kawalan ng lupa, pambabarat sa sahod ng manggagawa at limitado o halos kawalan ng serbisyong panlipunan. Kasabwat ang mga dayuhang monopolyo-kapitalista, hinuhuthot nila ang likas na yaman at ang murang lakas-paggawa sa bansa. Ang ganitong lumalaking agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap ay hindi resulta ng tumitinding krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino.
Manipestasyon ito ng lumalalang inhustisya sa ilalim ng pag-iral ng bulok na estado kung saan krisis na nga, patuloy pang pagsasamantalahan ang mamamayan ng mga naghaharing uri. Patunay rito ang naganap na krisis noong pandemyang Covid-19 kung saan lumago pa ang yaman ng nangungunang 50 Pilipino sa pagtatapos ng pandemya habang nagdurusa sa militaristang lockdown at kawalan ng hanapbuhay ang karamihan ng mga Pilipino. At ngayong taon naman sa naganap na oil price shock, arbitraryong itinaas ang presyo ng mga produktong petrolyo na pinagkakitaan ng mga kartel ng langis sa bansa kabilang ang Petron na pagmamay-ari ni Ang na nangungunang mamimili at distributor ng imported na langis.
Kasabay ng pagsadlak sa kahirapan ang pananatiling atrasado, agraryo at de-industriyalisado ng Pilipinas. Kahit na yumaman pa nang yumaman ang malalaking burgesya komprador, mga panginoong maylupa at burukrata kapitalista, wala silang ambag sa pagsusulong ng pambansang industriyalisasyon at pagtatatag ng nagsasariling ekonomya ng bansa. Katunayan, pinalalala pa nila ang kasalukuyang sistema kagaya ng malawakang pagpapalit-gamit ng lupa para magsilbi sa kanilang mga negosyo. Nang ipatupad ang pagpapalit-gamit ng lupa sa Calabarzon mula 1988 hanggang 2016, 71% ng mga kinumbert na lupa ay para sa residensyal habang 22 % sa industriyal at 7% sa komersyo. Resulta nito ang paglobo ng populasyong wala at/o kulang ang kinikita at kabuhayan. Pangita rito ang pagsasawalambahala sa pangangailangan ng mamamayang api para lamang bigyang daan ang mga proyekto ng mga burgesya komprador. Umaayon ito sa kagustuhan ng imperyalismong US na panatilihin ang pyudalismo sa Pilipinas bilang baseng sosyal nito at panatilihing umaasa sa dayuhang kapital ang ekonomya ng Pilipinas. Dahil dito, hinahayaan ng imperyalismong US ang pamamayagpag ng mga lokal na naghaharing uri na kasabwat sa pagpapahirap sa sambayanan.
Sa gitna ng grabeng inhustisya at lumalaking agwat ng di pagkakapantay-pantay, lalong tumitingkad ang kawastuhan ng pagsusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon upang ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo ang tatlong salot sa lipunang Pilipino. Kailangang isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon para agawin ang kapangyarihan mula sa mga naghaharing uri at palayasin ang imperyalismong US. Sa pagguho ng lumang sistema, wawasakin ang monopolyo sa lupa ng iilan, isasabansa ang mga estratehikong industriya, ipapatupad ang malayang patakarang panlabas, itatayo ang demokratikong gubyernong bayan at tatahakin ang pagtatatag ng sosyalismo.
Sa pagtatatag ng sosyalismo, tinitiyak ang isang lipunang makatarungan, masagana at mapayapa. Mapapawalang-saysay ang malaking pagitan sa yaman (wealth gap) dahil titiyakin ng estado na ang kayamanan ng bansa ay mapupunta sa kapakinabangan ng mamamayan at buong lipunan. Tatamasahin ng mamamayang Pilipino ang nararapat na kita at benepisyo sa pang-araw-araw na paglahok sa produksyon. Kasabay nito, titiyakin ng demokratikong gubyernong bayan ang paggawad ng abot-kaya at de-kalidad na serbisyong panlipunan. Pangangalagaan ang kalikasan at kinabukasan ng mga susunod na henerasyong Pilipino sa bawat proyektong ipapatupad.