Pahayag

Nagpapatuloy ang laban ng EDSA

Nakikiisa ang Katipunan ng mga Gurong Makabayan sa lahat ng mga rebolusyonaryong puwersa, mga progresibong sektor ng ating lipunan, at sa buong sambayanan sa paggunita ng ika-40 anibersaryo ng Pag-aalsang EDSA at pagpapabagsak sa diktadurang US-Marcos. Patuloy na patotoo ang makasaysayang EDSA People Power noong 1986 na umaani ng tagumpay ang pagkakabuklod ng mamamayang Pilipino sa iisang layuning makamtan ang tunay na kalayaan at demokrasya. Naging inspirasyon at hinalawan ng mga aral ang Pag-aalsang EDSA maging sa ibang dako ng daigdig. Marapat lamang na lubusin pa natin ang mga natamo nito sa pamamagitan ng mas ibayong paglaban sa kasalukuyang papet, pasista, pahirap, at korap na rehimeng US-Marcos II, at mas masidhing pagsulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon.

Higit limang dekada na ang nakalipas nang ideklara ng rehimeng US-Marcos I ang Proclamation 1081 na nagpailalim sa buong bansa sa Batas Militar. Sa kanyang dalawampu’t isang taong pagkakaluklok, nagpakasiba si Ferdinand Marcos Sr sa kapangyarihan at nakaw na yaman habang pangbubusal at teroristang lagim ang naging sagot nito sa paghihikahos ng sambayanan. Lantad na lantad din ang naging sabwatan ng imperyalistang US at ng tuta nitong si Marcos Sr. Dahil sa deklarasyon ng diktador ng Batas Militar, higit 40,000 tropa ang ipinadala noon ng gubyernong US sa Subic. Bukod sa interes at bentaheng militar, mas napanatili rin ng US ang paborableng posisyon nito sa ekonomiya ng bansa at natiyak ang patuloy na pandarambong sa ating likas na yaman. Sa kasalukuyan, malinaw rin ang pagiging sagadsagaring tuta ng rehimeng US-Marcos II sa imperyalismong US. Ginanap kamakailan lang ang 12th Philippines-US bilateral strategic dialogue na nagluwal sa kasunduang nagpahintulot sa US na magpasok ng ultra-modernong missile system sa bansa. Kapalit ng kanilang makasarili’t makauring interes, hinahayaang mayurakan ng US-Marcos II ang ating kasarinlan sa pagsulong ng imperyalistang adyenda ng US na garapalang nagtitiyak ng kanilang kontrol at impluwensiya sa Asya-Pasipiko’t buong daigdig. Ginagamit nilang himpilan ang ating bansa na tiyak na magpapahamak sa mamamamayan sa girian nito sa Tsina. At upang tiyakin ang pagpanig ng mamamayang Pilipino sa US, agresibong nagpapakalat ang US at ang lokal na naghaharing-uri ng pagkasuklam sa mga Tsino.

Nananatiling malakolonyal at malapyudal ang lipunang Pilipino. Nakaasa pa rin sa dayuhang kapital ang ekonomya ng bansa, at tulad ng kanyang tatay na diktador, walang patid din ang pangungutang ni Marcos Jr simula nang maluklok ito noong 2022. Patuloy at higit pang sinasaid ng sagad-sagaring rehimeng US-Marcos II ang kabuhayan ng mga Pilipino. Walang tigil ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin pati na ang mga bayarin sa mga batayang serbisyo. Sa kabila nito, pinagkakait pa rin ang makabuluhan at nakabubuhay na sahod sa mga manggagawa kasama na ang malapad na bilang ng mga guro’t kawani sa edukasyon, at dumarami pa ang bilang ng walang trabaho na mas lalong naglulugmok sa sambayanan sa kahirapan. Samantala, mas mabagal pa sa pagong ang usad ng imbestigasyon sa korapsyon, partikular na ang mga anomalya sa mga proyektong flood control, kung saan iilang damong-dagat palang ang nalalambat habang malaya pa ring nakakapagnakaw sa kaban ng bayan ang mga dambuhalang buwayang sina Marcos Jr at mga kapuwa niya burukrata-kapitalista.

Rumagasa na ang mga protesta’t asembliya laban sa korapsyon simula pa noong nakaraang taon. Aasahang mas magngitngit sa galit ang sambayanan at dadaluyong ang malalaking kontra-korapsyong pagkilos lalo na’t lumabas na ang mga ebidensyang direktang nagsasangkot kay Marcos Jr at nagtuturo sa kanya at kanyang mga kasabwat na upisyal na utak ng mga anomalya sa mga proyektong pang-imprastruktura ng gubyerno. Inilantad ng impormasyong nagmula kay Rep Leandro Leviste na nagkamal si Marcos Jr mula sa mga tiwaling proyekto ng bilyun-bilyong kikbak kasama na ang walong bilyong ginamit sa eleksyong 2025. Ang masaklap dito, maliit lang na dagdag ang mga nakuhang kikbak ni Marcos Jr sa natalang “ill-gotten wealth” ng kanyang pamilya na hindi bababa sa US$10 bilyon. Tulad ng rehimeng US-Marcos I, hindi malabong makilala na rin ang US-Marcos II na “The Greatest Robbery of a Government” sa tindi ng garapalang korapsyon nito at kasahulan sa pagkamal ng yaman ng bayan.

Maraming pagtatangka ang kasalukuyang rehimeng US-Marcos II na palabnawin at burahin ang marahas na alaala ng Batas Militar. Nariyan ang pag-alis ni Marcos Jr sa Pebrero 25 o araw ng paggunita sa EDSA I sa listahan ng mga pista opisyal simula noong 2023. Kasama na rin dito ang pagtanggal sa mga asignatura sa kasaysayan na mas nagpapabulnerable sa disimpormasyon sa ating mga mag-aaral. At ang paglabas ng Kagawaran ng Edukasyon, na pinamumunuan noon ni Sara Duterte, ng isang memorandum na nag-utos na baguhin ang “Diktadurang Marcos” sa katawagang “Diktadura” lamang na malinaw na pagsisikap na linisin hindi lang ang mga krimen ni Marcos Sr kung hindi pati na rin ng kanyang buong pamilyang kawatan. Kaya mahalagang ikintal na hindi napatalsik ang pasistang diktador na si Marcos Sr sa ilang araw lamang na pagkilos. Sa kasaysayan ng pakikibaka, hindi rin kailanman naging mapayapa ang pagpapabagsak ng mga naghaharing-uri. Sa kalunsuran, puspusang nagmulat at masikhay na nag-organisa ang mga lihim na rebolusyonaryong organisasyon tulad ng KAGUMA hanggang sa lumapad at madagdagan ang bilang ng mga pagkilos laban sa tiraniya sa buong kapuluan. Sa kanayunan, pinangunahan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang armadong pakikibaka para lansagin ang Batas Militar, kasabay nito ang pagsulong ng rebolusyong agraryo para sa tunay na reporma sa lupa. Iniluwal ang Pag-aalsang EDSA ng higit isang dekadang pakikipaglaban ng mamamayan, armado at hindi armado, sa sagad-sagaring US-Marcos I.

Sa okasyon ng ika-40 ng Pag-aalsang EDSA at sa mga susunod pa, muling dadaluyong ang mga kilos-protesta laban sa korapsyon, kahirapan, at kawalang-pananagutan. Hinahamon ng KAGUMA ang buong kasapian nito’t lahat ng rebolusyonaryong organisasyon na mas maging masikhay pa sa pagmumulat, pag-oorganisa’t pagpapakilos sa kaniya-kaniyang sektor at buong sambayanan. Dapat nating ipagpatuloy at mas paramihin ang mga pag-aaral tungkol sa lipunan at rebolusyong Pilipino’t tulungan pang mas iaangat ang kamulatan ng malawak na masa na mayroon pang lunas sa mga suliranin ng ating lipunan. Asahan na nating mas titindi pa ang pasismo ng estado sa pagpigil nitong mapanagot sa kanyang mga krimen at tuluyang mabusalan ang sambayanang nakikibaka. Marapat lang na maglunsad din ng gawaing propaganda-edukasyon hinggil sa armadong pakikibaka upang mas maunawaan ang kawastuhan nito at direktang mapalahok sa matagalang digmang bayan ang mga mamamayan, partikular na ang mga guro, at lalong-lalo na ang mga kabataan. May nag-aantay na mas makatarungan at masaganang bukas para sa mamamayan sa pagsulong ng pambansang demokrasya at sosyalismo.

Wakasan ang papet, pahirap, at korap na rehimeng US-Marcos II! Wakasan ang lahat ng uri ng pagsasamantala at pang-aapi! Kamtin ang mga ito sa pagsasabuhay ng pinakadiwa ng Pag-aalsang EDSA: ang ibayong pagsulong ng demokratikong rebolusyong bayan para mapabagsak ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo!

Nagpapatuloy ang laban ng EDSA