Nakamamatay ang mga pahayag ng pasistang Juniora ni Duterte

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Habang nasa ibayong dagat ang kanyang katandem na si Bongbong Marcos, binaha ni Sara Duterte, tagapagmana ng nakatatandang Duterte sa pasistang trono, ang midya ng kanyang mapanganib na agenda. Matapos pa lamang ng kanyang maingay na pagtutulak para sa pagbabalik ng parusang kamatayan, ipinamamarali naman niya ngayon ang utos na hindi dapat magpakita ng awa ang armadong pwersa ng estado laban sa mga diumano’y terorista at kriminal. Kabisado na ng sambayanang Pilipino kung ano ang katumbas ng ganitong mga atas laluna matapos maranasan ang madugong paghahari ng kanyang ama. Hindi malalaking sindikatong kriminal o mga banta ng diumano’y terorismo ang target ng mga pambabanta ni Sara Duterte. Ang ibig niya talagang sabihin na hindi dapat paligtasin ng kabangisan ng AFP-PNP ay ang masang Pilipino. Sa esensya tulad ng kanyang tiranikong ama, nananawagan siya ng pagdanak ng dugo.

Ang kanyang atas na ‘show no mercy’ ay walang ipinag-iba sa ‘kill, kill, kill’ ng kanyang ama. Ito ang atas na gumabay sa kondukta ng AFP-PNP sa kurso ng mga kampanyang kontra-droga, kontra-rebolusyonaryo at lockdown sa ilalim ni Rodrigo Duterte. Linustay ng mga kampanyang ito ang puu-puong libong sibilyang buhay at araw-araw na pinaalingasaw sa dugo ang mga lansangan at komunidad. Sa rehiyong Bikol, hindi bababa sa 247 kaso ng pampulitikang pamamaslang at masaker ang naitala sa panahong ito. Mas masahol pa ang malawakang pagkitil ng buhay na ito kaysa sa lahat ng nagdaang rehimen – kahit ang siyam na taong madugong pagkapangulo ni GMA.

Sa pagsisimula ng bagong rehimen sa ilalim ng nakamamatay na mga atas na ito, dapat higit na maging mapagmatayag at handang makibaka ang masang Bikolano at buong sambayanan. Hindi maaaring ipagkibit-balikat o maliitin ang mga deklarasyon ni Juniora. Laluna’t sinasalamin lamang nito ang hindi makataong pangkabuuhang patakaran ng rehimeng Marcos II laban sa masa at kanilang karapatang tiyak na sasakyan ng AFP at PNP sa pinakamasahol na paraan. Lahat ng mga tagapagtanggol ng karapatang tao, taong-simbahan, mga progresibo at makabayan, at mga nagmamahal sa kapayapaan ay dapat magkaisa at depensahan ang karapatan ng mamamayan sa kanilang buhay at kapakanan.

Ipinapanawagan din ng NDF-Bikol ang malakas at hindi natitinag na suporta ng sambayanang Pilipino sa demokratikong rebolusyong bayan. Kapag ang estado ang siya mismong pinakamapanganib na banta sa buhay at kinabukasan ng mamamayan, walang ibang wasto at makatarungang landas kundi ang digmang bayan. Ang pinakadakilang tungkulin ng mga inaapi at pinagsasamantalahan ay ang ipagtanggol ang kanilang sarili, kamtin ang hustisya para sa kanila at sa kanilang kapwa at isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang ganap na tagumpay.

Nakamamatay ang mga pahayag ng pasistang Juniora ni Duterte