NDF-ST: Lumaban! Magbalikwas! Ibagsak ang pasistang rehimeng US-Duterte!

Sa loob ng apat na taon ng panunungkulan ng pasistang rehimeng US-Duterte walang kaparis na kalupitan, brutalidad at pambubusabos ang natamo ng mamamayang Pilipino bunga ng mga anti-mamamayan at anti-demokratikong mga patakarang pinatutupad sa bansa ng pasistang estado. Lalo lamang nasadlak sa kumunoy ng kahirapan at pang-aapi ang malawak na masa ng sambayanang Pilipino dahil sa pinakawalan ng rehimeng US-Duterte ang pinakamababangis na paraan ng panunupil at paglugso sa kabuhayan ng mga dati nang naghihikahos na mamamayang Pilipino para busugin sa yaman ang sarili at kapamilya, mga malalapit na kroni, matatapat na tauhan sa militar, pulisya at burukrasyang sibil. Sa loob din ng apat na taong panunungkulan, pinakita ni Duterte kung gaano siya naging masunuring aso sa kanyang among mga imperyalistang Amerikano at Tsino sa pagpapatupad sa bansa ng mga patakarang liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon sa ilalim ng neo-liberal na globalisayon na ipinapataw ng mga imperyalistang kapangyarihan sa buong mundo. Ang buong apat na taon sa kapangyarihan ni Duterte ay nag-uumapaw sa dugo ng mga mamamayang Pilipino na biktima ng kanyang madugong gyera kontra-droga at “kontra-insurehensya”. Walang kaparis sa kasaysayan ang nagawang mga kasalanan at krimen ni Duterte laban sa bayan.

Isa-isahin natin ang ilan sa mga pinakamasahol na kasalanan at krimen ni Duterte sa bayan sa loob ng nakalipas na 4 na taon:

1. Humugit kumulang sa 30,000 pinaghihinalaang gumagamit at nagtutulak ng droga ang napatay sa paraang ekstra-hudisyal na pamamaslang sa madugong kampanyang anti-droga ng pasistang rehimen. Ang karamihan sa mga biktima ng ekstra-hudisyal na pagpaslang ng pinaniniwalaang gawa ng mga ahente ng estado ay mula sa mga mahihirap na komunidad. Ito ngayon ang mainit na usapin na tinalakay sa sesyon ng United Nation Human Rights Council (UNHRC) kung saan iniuulat ni Michelle Bachelet, pinuno ng United Nations Office of the High Commisioner for Human Rights (UN OHCHR) ang resulta ng kanilang isinagawang imbestigasyon sa kalagayan ng karapatang pantao sa Pilipinas bilang pagtupad sa resolusyon ng bansang Iceland na aprubado ng mayorya ng UN Human Rights Council hinggil sa napauulat na kadusta-dustang kalagayan ng karapatang pantao sa Pilipinas, lalo na sa pinatutupad na kampanyang kontra-iligal na droga ng rehimeng Duterte .

Ayon sa komprehensibong ulat ni Ms. Bachelet, ang mga paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas ay “malapit sa impyunidad” (near impunity) dahil sa labis na pagdidiin ng estado sa usaping pambansang seguridad at kaayusan sa pagharap sa problema droga sa bansa imbes na ituring itong usapin ng kalusugan. Ayon sa ulat, lalong tumindi ang impyunidad sa paglabag sa karapatang pantao dahil na rin sa mga ginagawang retoriko at mga pahayag sa publiko na nanggagaling mismo sa bibig ng pangulo ng Pilipinas.

Tampok din sa ulat ni Ms. Bachelet ang mga extra-judicial killings (ejk’s) at iba pang paglabag sa karapatang pantao na talamak sa gubyernong Duterte bilang resulta ng kanyang madugong “kontra-insurehensya”. Pangunahin na dito ang mga pag-atake ng estado sa mga nagsusulong at tagapagtanggol ng karapatang pantao sa bansa.

2. Daang bilang ng mga magsasaka, katutubo, manggagawa, mga lider at kasapi ng mga progresibong organisasyon, mga tagapagtaguyod at tagapagtanggol sa karapatang pantao, midya, abugado, taong simbahan at mga tagapagtanggol ng kalikasan ang walang awang pinaslang (ejk’s) ng mga armadong ahente ng estado. Nangyari ang mga pagpaslang matapos munang dumanas ang mga biktima ng panunugis at red tagging mula sa AFP at PNP.

Ayon sa ulat ng Karapatan na sinumite nila sa UN OHCHR, mayroong 318 ang biktima ng extra judicial killings resulta ng “kontra-insurehensyang kampanya ng rehimeng Duterte bukod pa ang libo-libong biktima sa madugong kampanya ng rehimen laban sa iligal na droga. Nasa 635 na mga aktibista na kasapi ng mga progresibong organisasyon at tagapagtanggol sa karapatang pantao ang ikinulong batay sa mga gawa-gawang kaso at pagtatanim ng ebidensya. Siyamnapu’t lima (95) sa kanila ay dumaranas ng iba’t ibang uri ng sakit, 53 ang nakatatanda at 100 ang kababaihan.

Ayon din sa ulat ng Karapatan sa UN OHCHR, nasa 456 ang biktima ng frustrated extra judicial killings, 3,531 indibidwal ang biktima ng iligal na pag-aaresto labas pa ang libu-libong bilang ng mga inaresto dahil sa kamay-na-bakal na pagpapatupad ng community quarantine ng estado sa buong bansa. Nasa 214 ang nakaranas ng tortyur, 805 ang mga biktima ng iligal na panghahalughog habang nasa 456,103 ang pwersahang pinalikas dahil sa walang habas na operasyong militar ng AFP at PNP kahit sa panahon na humaharap ang bansa sa pandemikong Covid-19.

Ayon naman sa pinadalang pahayag sa midya ng Kilusang Magbubukid sa Pilipinas (KMP), nito lamang nagdaang 5 buwan, halos nasa 190 magsasaka at mga katutubo na ang napapaslang ng mga ahente ng estado. Bukod pa ang maraming kinasuhan at ikinulong na mga lider magbubukid at katutubo batay sa mga gawa-gawang kaso. Ang pinakahuli ay ang pag-aresto at pagpaparatang ng AFP sa 7 Lumad ng Brgy Blanco, Balingasag, Misamis Oriental bilang mga NPA.

3. Walang patid ang ginagawang paninira at red-tagging ng mga tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) laban sa mga kilalang indibidwal, lider aktibista at mga progresibong grupo at organisasyon na lalong naglalagay sa mga ito sa kapahamakan lalo na’t nakaamba nang pirmahan ni Duterte ang Anti-Terror Bill. Maging ang 80 taong gulang na si Sister Mary John Manansan ng Order of Saint Benedictine (OSB) at kilalang tagapagtanggol ng mga karapatan ng kababaihan at karapatang pantao ay hindi nakaligtas sa mapanganib na red scare and red tagging ng NTF-ELCAC.

4. Milyong magsasaka sa palayan ang nalugi, nabaon sa utang at labis na dumanas ng paghihirap epekto ng pinatutupad na Rice Tariffication Law ng gubyernong Duterte na sinabayan pa ng kakulangan at kawalan ng ayuda mula sa pamahalaan sa panahon na dumaranas ang bansa sa Covid-19.

5. Milyong manggagawa ang nawalan ng hanapbuhay, nagutom at labis na nahirapan dahil sa kakarampot na ayuda na kanilang natatatanggap sa gubyerno at sa kanilang kumpanya sa panahon na pinatutupad ang kamay-na-bakal na lockdown. Hanggang sa kasalukuyan, libo-libong tsuper ng mga pampasaherong jeep ang nakararanas ng matinding kagutuman at ang iba sa kanila ay napilitang magpalimos sa lansangan dahil sa patuloy na pinagbabawalan silang pumasada ng gubyernong Duterte. Ginagamit ng gubyernong Duterte ang isyu ng Covid-19 bilang dahilan para itulak ang anti-manggagawang jeepney phase-out at pro-kapitalistang jeepney modernization. Samantala, kulang na kulang ang ayudang natatanggap ng mga maralitang tagalunsod at iba pang mahihirap sa bansa mula sa gubyerno. Libu-libo pa ring pamilya ang hindi nakatatanggap maging sa unang trance ng ayuda ng gubyerno dahil sa isyu ng korupsyon at katiwalian.

Maging ang mga mula sa panggitnang saray at sektor ay matinding tinamaan rin ng problema dahil sa malubhang kapabayaan at kapalpakan ng gubyernong Duterte sa paglaban sa pandemikong Covid-19. Hanggang sa kasalukuyan ay walang malinaw na programa ang gubyernong Duterte kung paano nito tutulungan ang apektadong milyong bilang ng mga nasa panggitnang saray ng lipunang Pilipino. Lalong kahabag habag ang sitwasyon ng mga umuuwing OFW at maging ang mga istranded sa ibayong dagat kung saan ay mahigit na 500 ang namatay na. Kulang na kulang ang atensyon at tulong na binibigay sa kanila ng gubyernong Duterte.

Kung patuloy pang mananatili sa katungkulan ang pasistang rehimeng US-Duterte sa loob ng natitirang dalawang taon ng kanyang termino o sakaling magtagumpay siyang mapalawig pa ang kanyang paghahari, lalong asahan ang pagsahol ng kahirapan ng mamamayang Pilipino at pagtindi ng panunupil sa kanilang mga pundamental na karapatang pantao at demokratiko dahil sa Anti-Terrorism Bill of 2020 (ATB) na pirma na lang ni Duterte ang kulang para maging ganap na itong batas.

Gagamitin ni Duterte ang Anti-Terrorism na batas bilang sandata sa pagtatatag ng paghaharing militar at kamay-na-bakal na paghahari kung saan taglay ng ATB ang mga probisyon na mas masahol pa ang kalupitan kumpara sa Batas Militar ng diktadurang Ferdinand E. Marcos. Lalo nitong sisikilin at gigipitin ang kalayaan sa pananalita, pamamahayag at pagtitipon na naglalayong iparating sa gubyerno ang lehitimong karaingan at kahilingan ng taumbayan.

Sa ilalim ng panukalang batas na ATB, maging ang mga pagpuna at pagbatikos sa mga katiwalian at kapalpakan ng gubyerno ay maaaring makasuhan bilang “inciting to commit terrorism” na may katapat na kaparusahan na pagkakulong ng 12 taon kapag napatunayan. Sa pamamagitan ng ATB nais ni Duterte na ipagbawal ang mga pamamahayag at pagkilos na tumuligsa sa kanyang tiwaling paghahari. Nais niyang gawing sunod-sunuran at paluhurin ang taumbayan sa kanyang mga kapritso at kagustuhan. Hindi alam ni Duterte na ang pagtindi ng pagsasamantala at pang-aapi ng kanyang pasistang estado ang magbubunsod ng ibayong pagtindi ng paglaban ng taumbayan na maaaring humantong sa pagpapatalsik sa kanya sa kapangyarihan.

Makatwiran lamang para sa sambayanang Pilipino ang lumaban at magbalikwas para ibagsak ang isang gubyernong walang katulad ang kalupitan at pagmamalabis sa taumbayan at pangangayupapa sa dayuhang interes. Marapat iluklok ang isang pinuno at gubyernong sa palagay nila ay magpapakita ng malasakit, tutugon sa kanilang malaon nang kahilingan at kikilala sa kanilang mga pundamental na karapatang pantao at demokratiko.

Lumaban! Magbalikwas! Ibagsak ang pasistang rehimeng US-Duterte!
Isulong ang Demokratikong Rebolusyon ng Bayan!
Mabuhay ang CPP-NPA-NDFP!
Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!

NDF-ST: Lumaban! Magbalikwas! Ibagsak ang pasistang rehimeng US-Duterte!