Orkidyas para kay Ka Maria Malaya, minamahal na bayani at mandirigma ng masang api
Ang pamunuan at buong kasapian ng Partido Komunista ng Pilipinas, lahat ng Pulang mandirigma at kumander ng Bagong Hukbong Bayan, at lahat ng mga pwersang rebolusyonaryo ng sambayanang Pilipino, ay nakakuyom ang kamao at nagpaparangal kay Ka Maria Malaya (Myrna Sularte), isa sa mga namumunong kadre ng Partido at minamahal na mandirigma ng aping masa ng mga manggagawa, magsasaka, at mamamayang Lumad ng Mindanao.
Si Ka Maria, 71 taong gulang, ay nabuwal sa kahuli-hulihan niyang pakikipaglaban noong Pebrero 12 sa Barangay Pianing, Butuan City, sa isang matinding sagupaan sa pagitan ng Bagong Hukbong Bayan at ng malupit na mga pasistang pwersa ng 901st Infantry Brigade.
Sa ngalan ng buong Partido at lahat ng yunit ng Bagong Hukbong Bayan, ipinararating ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas ang malalim na pakikidalamhati sa kanyang anak, mga mahal sa buhay, at malalapit na kasama. Kasama ng masang anakpawis sa rehiyon ng Caraga, ang mga pwersang rebolusyonaryo sa buong bansa ay nagluluksa sa pagkawala ni Ka Maria, ngunit puno rin ng inspirasyon dahil sa kanyang kabayanihan, upang magpatuloy sa mahirap na landas ng rebolusyon na buong-buhay niyang binagtas.
Nagbibigay ng pinakamataas nitong parangal ang Partido Komunista ng Pilipinas kay Ka Maria Malaya. Inihahanay namin ang kanyang imortal na pangalan sa pinakadakilang mga bayani ng rebolusyong Pilipino. Isa siyang kasapi ng Komite Sentral at Kawanihan sa Pulitika. Siya ay isang miyembro ng Komisyon ng Mindanao at nagsilbi bilang kalihim ng Pangrehiyong Komite ng Partido sa Northeast Mindanao. Si Ka Maria ay nagsilbi rin bilang ang mukha ng National Democratic Front sa Northeast Mindanao.
Laging aalalahanin at papakamahalin ang kanyang rebolusyonaryong pamumuno at walang-pag-iimbot na sakripisyo. Patuloy na magbibigay-inspirasyon ang kanyang rebolusyonaryong pamana sa sambayanan at sa kanilang mga pwersang rebolusyonaryo sa lubos na pagsusulong ng paglaban sa rehimeng US-Marcos at sa madugong paghahari ng ng terorismo ng estado.
Mali ang iniisip ng pasistang kaaway na ang pagkasawi ni Ka Maria ay lumikha ng pugwang sa pamumuno na pipilay sa Partido at mga rebolusyonaryong pwersa sa Northeast Mindanao. Ang totoo, hindi kinukulang ang rehiyon ng mga kadreng beterano at nakababata na may kakayahang humalili sa pamumuno ni Ka Maria at ipagpatuloy ang kanyang pamana. Ang Partido ay dati nang sistema ng pagpapalit ng mga upisyal, na nagtitiyak ng tuluy-tuloy at matatag na paggana ng mga komite ng Partido.
Pinupuri ng Komite Sentral ang naging buhay ni Ka Maria ng walang-pag-iimbot na paglilingkod sa masang api at pinagsasamantalahan. Lumaki siya sa relatibong maalwang buhay ng pamilya gitnang panggitnang-magsasaka at nakapagtapos ng kurso sa agroteknolohiya. Gayunpaman, pinili niya ang landas ng simpleng pamumuhay at mahirap na pakikibaka para sa masang api at pinagsasamantalahan. Hindi kailanman nagmaliw ang paninindigan niya para sa rebolusyonaryong layunin. Walang-humpay siyang tumupad sa kanyang mga tungkulin bilang kadre ng Partido at pinuno ng NPA, kahit nang natuklasang may kanser siya, na dalawang dekada niyang hinarap sa pamamagitan ng disiplinadong pagkain at paggamot.
Sumapi si Ka Maria sa Partido noong 1977, sa kasagsagan ng kadiliman ng pasistang paghahari sa ilalim ng noon diktadurang Marcos. Sa nakalipas na limang dekada, gumampan siya ng iba’t ibang tungkulin, kabilang ang pamumuno sa rebolusyonaryong gawain sa mga lungsod at kanayunan, kapwa sa kanluran at hilagang-silangang Mindanao.
Si Ka Maria ay isang masipag na mag-aaral ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Mataman niyang inilapat ang saligang mga prinsipyo, patakaran, at programa ng Partido sa mga konkretong kundisyon ng mamamayan sa Northeast Mindanao. Kasabay nito, nag-aral siya ng mga rebolusyonaryong karanasan ng Vietnam, China, at iba pang mga bansa, pati na rin ng ibang mga rehiyon sa bansa.
Siya ay isang komunistang mandirigmang may bakal na paninindigan na walang-pagod na naatanggol sa mga karapatan ng mga magsasaka sa kanilang lupa, ng mga Lumad sa kanilang lupaing ninuno, at ng mga manggagawa sa makatwirang sahod at mas mabuting kundisyon sa paggawa. Sa loob ng maraming taon, mahigpit niyang naging katuwang ang kanyang asawa, dating tagapagsalita ng BHB na si Ka Oris, sa pamumuno ng Partido at ng BHB sa pagkamit ng rebolusyonaryong mga tagumpay sa pagsusulong ng matagalang digmang bayan.
Si Ka Maria ay isa sa pinakamatitibay na haligi ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto noong 1992, na kanyang itinaguyod at ipinatupad nang walang pag-aatubili. Sa katotohanan, si Ka Maria ang kumumbinse kay Ka Oris sa katumpakan ng kilusang pagwawasto. Naging magkatuwang sila sa pagsusulong at pagbubunga ng kilusang pagwawasto.
Si Ka Maria ay naging isa sa pinakamahusay na kadreng militar. Tinitiyak niyang palagi na kumprehensibong umuunlad ang digmang bayan sa rehiyon northeast Mindanao. Sa ilalim ng matatag na pamumuno ni Ka Maria, nagsulong ang BHB at taumbayan ng walang-humpay na paglaban sa mga mapangwasak at mapagsamantalang mga kumpanya sa pagmimina, mga plantasyon, at mga proyektong ekoturismo na nagpapalayas sa masang anakpawis mula sa kanilang mga komunidad, at sumisira sa kalikasan.
Ikinintal niya sa BHB ang hindi natitinag na kapasyahang labanan ang lahat ng anyo ng pang-aapi at kamtin ang katarungan sa lahat ng krimen ng mga pasista laban sa mga mamamayan. Sa pamamagitan ng pagtatanggol sa mga karapatan ng mamamayan laban sa mga nang-aapi at nagsasamantala, at pagsusulong ng kanilang mga hangarin, lumawak ang hanay ng mga Pulang mandirigma Bagong Hukbong Bayan sa Northeast Mindanao na nagmula sa hanay ng mga manggagawa, magsasaka, Lumad, at intelektwal. Pinamunuan ni Ka Maria at pinasigla ang mga Pulang mandirigma at mga rebolusyonaryong pwersa na matibay na makipag-ugnay sa masa, at pukawin sila na bumangon at magbuklod.
Pinasigla niya at tinulungang organisahin ang paglaban ng masang lumad na Manobo sa pagtatanggol sa kanilang lupaing ninuno, at paghadlang sa lumalalang agresyon ng mga “proyekto pangkaunlaran”. Dahil dito, galit na galit sa kanya ang malalaking burgesyang kumprador at mga korporasyong multinasyunal, na nagbigay ng pondo upang armasan at sanayin ang mga armadong pwersa ng kaaway at mga grupong paramilitar upang labanan ang BHB, at “puksain” si Ka Maria.
Ginabayan niya ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa sa pagsusulong ng mga lokal na pakikibakang masa na nakaugnay sa pangkalahatang layunin ng demokratikong rebolusyong bayan. Ibinigay niya ang kanyang buong suporta sa masang Lumad sa kanilang mga pagsisikap na magtatag ng kanilang mga paaralang pangkomunidad at pagyamanin ang nakapagsasariling ekonomya sa pamamagitan ng mga inisyatiba para itaas ang lokal na produksyong pang-agrikultura. Panawagan niya ang paunlarin at itransporma ang pinakaatrasadong komunidad upang maging sentro ng rebolusyonaryong kasiglahan.
Sa sandaling mga pagpahinga, kumukuha si Ka Maria ng mga larawan ng ganda ng mga pambihirang orkidya at bulaklak, na nagpapakita ng kulay sa gitna ng lunting kagubatan ng mga kampong gerilya. Namamangha siya sa kanilang kagandahan, napapasambit ng “makalibat!” (“napakaganda!”) at napupuno ng galak at kasiyahang loob, na ibayong nagpapalakas ng kanyang matatag na paninindigan para sa rebolusyon. Tunay ngang mabunga ang kanyang rebolusyonaryong buhay sa pagbibigay niya ng lahat sa paglilingkod sa hangarin ng sambayanang Pilipino para sa pambansa at panlipunang paglaya.
Katulad na dumaloy ang dugo ng mga rebolusyonaryong bayani sa mga ugat ni Ka Maria, dumadaloy ngayon ang kanyang dugo sa mga ugat ng bagong henerasyon ng mga kadre ng Partido at mga Pulang mandirigma. Sila ay determinado, tulad ni Ka Maria noon, na ipagpatuloy ang digmang bayan mula sa isang yugto hanggang sa susunod, patungo sa ganap na tagumpay.