Pag-alabin ang rebolusyonaryong diwa, kamtin ang mithing paglaya

Opisyal nang naitayo ang balangay ng ARMAS Mithi Paglaya, ipinangalan kay Danielle Mari Pelagio, artista ng bayan, pulang mandirigma, at dakilang martir ng sambayanan. Sapat ang batayan at lalo ang dahilan ng pagkakatatag ng balangay, sa papalala na krisis ng nabubulok na sistema ng burukrata kapitalismo at nalalapit na kamatayan ng imperyalismo. Mahalagang tungkulin ng ARMAS na maitayo ang pagkakaisa ng pinakamalawak na hanay ng mga rebolusyonaryong artista upang sumuporta sa armadong rebolusyon sa kanayunan at kalaunan ay maging pulang mandirigma at kadre ng Bagong Hukbong Bayan.
Sa unang asembliya ng balangay nakapaghalal ng mga opisyal na mangunguna sa mga gawaing pag-aaral, propaganda, at pag-rerekrut ng mga bagong miyembro. Nagpaabot din ng mga mensahe ng pakikiisa ang isang unit ng bagong hukbong bayan at ilang balangay ng ARMAS.
Nabuo ng asembliya ang tatlong resolusyon sa masiglang pagpapatuloy ng rebolusyonaryong gawain ng mga artista sa pagsuporta sa demokratikong rebolusyong bayan.
1. Pagpapasigla ng kilusang pag-aaral ito ay pagtalima sa kilusang pagwawasto.
2. Pagpapaigting ng pagpapalaganap ng rebolusyonaryong propaganda at sining.
3. Pagsusumikapang makakalap ng supporta para sa kanayunan.
Malugod itong niyakap at pinanghawakan ng mga kasapi.
Tiyak ang matagumpay na asembliya na ito ay malaking bigwas sa kaaway na bilyon ang ginagastos at kinukurakot upang wakasan ang rebolusyonaryong kilusan. Ang paglakas ng rebolusyonaryong kilusan sa kalunsuran ay salamin ng paglakas ng rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan. Patuloy na naninindigan at handang kumilos ang mga rebolusyonaryong artista ng bayan sa pagpapalakas at pagsulong ng demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa ganap na tagumpay!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Pambansa Demokratikong Nagkakaisang Prente!