Pagpugayan ang rebousyonaryong alaala ng tatlong martir ng Baguio!
Pinakamataas na pulang saludo ang iginagawad ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP)-Ilocos sampu ang mga kaalyadong rebolusyonaryong organisasyon ng rehiyon kina kasamang Julius Soriano Giron, Dra. Lourdes Tangco, at isa pang di pa napapangalanang kasama sa kanilang dakilang buhay na inialay para sa sambayanang Pilipino. Ang tatlong kasama ay walang awang minasaker ng pinagsamang tropa ng AFP at PNP sa Baguio City, madaling araw (3:30) ng Marso 13.
Sa inisyal na ulat, ang mga kasama ay pawang nagtamo ng tama ng bala ng baril sa kanilang mga ulo at dibdib at nabaril ng malapitan. Nagpapatunay ito na walang balak arestuhin o buhayin pa ang mga kasama taliwas sa ipinapahayag ng AFP at PNP na nanlaban diumano ang tatlo sa panahon ng pag-aresto.
Muling naglubid ng kasinungalingan at intriga ang berdugong AFP at PNP. Desperado sila na sirain ang dakilang rebolusyonaryong imahe nila Kasamang Julius. Ipinipinta nila sila Ka Julius at Ka Lourdes bilang mga “pribilehiyado” umanong mga kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas. Isa itong malaking kasinungalingan!
Sa kabila ng katotohanang ang 2 kasama ay mga senior citizen na (Ka Julius 70 at Ka Lourdes 69), nagpatuloy at masigasig silang nag-aambag sa kilusang pagpapalaya sa buong bayan. Sa kabila ng samu’t saring sakit dulot ng katandaan at hirap na dinanas sa buhay, ang 2 kasama ay patuloy na naglingkod sa rebolusyon hanggang sa kanilang huling hininga. Ang tatlong kasama ay mga tunay na ehemplo ng ubos-kayang paglilingkod sa sambayanan. Tinalikuran nila ang lahat ng makasariling kaalwanan at kaluwagan. Ubos-kaya at ubos-panahon nilang inialay ang kanilang buhay sa paglilingkod sa masang api at sila nga ay namatay bilang mga tunay na dakilang rebolusyonaryo. Imahe at ehemplong hindi kailanman makakamtan ng traydor at mga pasistang AFP at PNP. Sila Ka Julius at mga kasama ang tunay na ehemplo ng paglilingkod sa bayan.
Nag-iwan sila Ka Julius ng higit pa sa sapat na mga aral mula sa kanilang mayamang karanasan at pinaunlad na mga praktika at teorya ng pakikidigma at pakikibaka upang mas lalo pang magpatuloy, lumakas, at maitaas ang antas ng digmaang bayan.
Ang pagmamartir ng mga kasama ay magsisilbing inspirayon sa maraming magsasaka, mangingisda, kabataan at iba pang mamamayan sa rehiyon. Libo-libong kabataan, magsasaka, at mamamayan ang sasaludo sa kanilang dakilang ambag sa rebolusyon. Hindi kailanman masasayang ang buhay na inialay nila.
Titiyakin ng rebolusyonaryong kilusan na maihahatid sa 3 mga kasama at iba pang biktima ng pasismo at pagpaslang ng AFP at PNP ang rebolusyonaryong hustisya. Kaduwagan ang pumatay ng isang taong natutulog. Kaduwagan ang pumatay ng patalikod.
Ang mga patraydor na pagpatay at pagkitil ng buhay ng AFP, PNP, at ni Duterte ay animo’y bagyong itinatanim nito na tiyak na aani rin ng bagyo ng malawakang rebolusyonaryong galit at pagkamuhi ng mamayan.
Mananaig ang rebolusyonaryong hustisya. Mananaig ang sambayanang Pilipino!
MABUHAY ANG ALAALA NILA JULIUS GIRON, LOURDES TANGCO, AT ISA PANG KASAMA!
AFP AT PNP, PAGBAYARIN!
MABUHAY ANG REBOLUSYONG PILIPINO!