Pagpupugay kay Kasamang Geian Carlo Espeña!
Ang sining, bilang sandata sa pagsulong ng armadong pakikibaka na tunay na nagpapakita ng konkretong kalagayan ng masang api, ay malawakan at malikhaing prinopropaganda ang kahalagahan ng pakikilahok sa demokratikong rebolusyon at ang nag-aarmas sa ating mga manggagawa, magsasaka, pulang mandirigma, at mga kadre ng mga teoryang patuloy na nagpapataas ng kanilang antas ng kamulatan ang nagtutulak sa kanila na walang tigil na makibaka.
Sa masining na pagtatanghal sa entablado ng rebolusyon ni Ka Geian Carlo “Marlon” Espeña, ating gunitain ang marami niyang ginampanang papel na humubog sa kanyang katauhan at pakikibaka.
Bilang anak ng mag-asawang manggagawa, malapit sa puso ni Geian Carlo ang danas ng masang anakpawis sa loob ng mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunan. At sa pagpasok niya sa kolehiyo, natutunan niyang gampanan ang iba’t ibang karakter sa dulaan ng pakikibaka bilang manggagawa sa kultura na nagpakahusay sa pagmamaksima ng espasyo ng entablado upang ibahagi at magmulat ng mga kabataan at estudyante lalo na sa kalagayan ng mga magsasaka. Dito siya naging si Kosa, isang binhi na sumibol sa pakikibaka sa loob ng pamantasan at sa kanyang pagsibol ay patuloy na nagpunla muli ng mga susunod pang binhi.
Lumaon, siya ay nagdesisyon na tahakin ang pinakamataas na antas ng pakikibaka at naging Pulang mandirigma sa Cagayan Valley bilang si Ka Marlon. Dito mahigpit niyang tinanganan ang aral ng dakilang guro na si Mao Zedong na, “ang hukbong walang kultura ay mapurol na hukbo. At ang mapurol na hukbo ay hindi nakakagapi ng kaaway.” Ginamit ni Ka Marlon ang kanyang husay at talento sa pagpapalaganap ng mga prinsipyo at paninindigan ng rebolusyonaryong pakikibaka sa pagiging giya pampulitika at ED officer ng kanyang yunit. Hindi siya natakot na magtanghal para sa masa at mas lalong hindi sila natakot na tumangan ng armas upang ipagtanggol ang inaaping uri.
Isa si Ka Marlon sa mga artista ng bayan na nagpatunay sa malaking gampanin ng kultura at sining sa pagsasakatuparan ng rebolusyon. Sa kulturang pambansa, siyentipiko, at makamasa mapagtatagumpayang maiwaksi ang mga tendensiyang itinuro ng mga naghaharing uri upang patuloy na manatili ang kanilang kapangyarihan sa pananamantala at pang-aapi ng mayorya. Sa pamamagitan din nito unti-unting mawala ang mga tendensiyang mapanira at makapagpapahamak sa masa, sa kapwa rebolusyonaryo, at sa Partido, nang sa gayon ay ganap na maging isang proletaryadong naghahangad ng pambansa demokratikong kalayaan.
Bilang isang Pulang mandirigmang walang humpay na nag-organisa at namuhay sa piling ng masa, bitbit niya ang panawagan ng masa kaakibat man ang panganib mula sa pasistang kaaway. Sa taong 2021 ika-21 ng Setyembre ay nagkaroon ng aerial strafing sa Sta. Teresita, Cagayan Valley habang tahimik at nahihimbing ang kanayunan. Noong araw ding iyon, naidagdag si Ka Marlon sa listahan ng mga inutang na dugo ng estado sa sambayanan.
Mula sa pagtatanghal hanggang sa pagtangan ng armas, hindi matatawaran ang sakripisyong ibinigay ni ni Geian Carlo Espena—Kuya Carlo, Kosa, at Ka Marlon—para tumindig sa pagkakapantay-pantay at iwaksi ang pagsasamantala. At sa pagkilala ng kanyang katapangan at sakripisyo, ngayon ay pormal nang itinatayo ang balangay na ARMAS-Geian Carlo Espeña. Mula rito, hindi nasayang at hindi masasayang ang buhay ni Ka Marlon.
Sa kanyang pakabuwal ay muling uusbong ang mga binhing kanyang iniwan. Mga binhing nadiligan ng kanyang tapang na patuloy na kumilos para sa isang lipunang walang inaapi’t pinagsasamantalahan. Ang ARMAS-Geian Carlo Espeña ay binubuo ng mga bagong binhi na mapagpasyang maglalaan ng buong oras at lakas para sa sambayanan.
MABUHAY SI KASAMANG CARLO! MABUHAY SI KASAMANG MARLON! MABUHAY ANG MGA MARTIR NG SAMBAYANAN!